Sulatroniko para sa mga kasama kong namaya(g)pa(g)
Originally published in Heraldo Filipino Volume 38, Double Issue
Umihip ang hangin tangan ang huni
ng mga gunita, ng mga kabalikat kong
nagapí at lubos nang sumakaniya.
Sa paglanghap nito, lubusan kong
natantong ang simoy pa rin ng inyong
paglisan ang pinakamasidhi…
sangsang sa salungat,
halimuyak sa balik-tanaw.
At sa tuwing nangungulila sa mga araw
na kayo ang naging sandalan
tuwing nahahapo ang katawan
at nauubusan ng galak,
tahanan ko sa tuwina ang mga luhang pumapatak
sa inyong retrato noong ibandera ninyo ang
sagisag ng ating pagkamulat.
Hindi sa lupa nakabaon, bagkus sa alaala
ang himpilan ninyong mga kaibigan kong
sa ngalan ng hustisya ay namayagpag.
Art slider by Natasha Audrey Ordinario and Ma. Niña Erica Ramirez