Back

Ang Linya sa Pagitan ng Tinig at Pagtanggap

Sa ating pang-araw-araw na pakikipag-ugnayan sa makabagong mundo, ginagamit natin ang sariling wika upang ipahayag ang mga saloobin at kaisipang bumubuo ng mga makabuluhang ugnayan. Subalit sa paglipas ng panahon, hindi na nakasentro sa katutubong wika ang ginagamit natin sa pakikipagtalaktakan; nadadala na rin tayo sa paggamit ng banyagang salita gaya ng Ingles, Koryano—paminsa’y Espanyol, o kung ano pa mang kulturang naghatid sa atin ng impluwensiya, nakaraan man o kasalukuyan.

Sa kabila ng pagbabagong ito, makikitang pinapahalagahan pa rin ng mga Filipino ang paglinang sa sarili nitong wika bilang bahagi ng pagkakakilanlan ng bansa. Ramdam ito kung paglalaanan lang natin ng oras obserbahan ang bawat lalawigan at isla ng Pilipinas. Saang bahagi man tayo dumayo, lumingon, o manaliksik ay mababatid agad mula sa diyalektong gamit-gamit ng mga residente ang mayaman at matingkad nilang kultura’t kaugalian. Mayroon silang maipagmamalaking diyalekto mula sa mga kababayan natin sa hilaga hanggang sa iyong paglalakbay papunta sa mga mamamayan ng Tausug, malikhaing kwentong epiko mula sa mga Maranao, bugtong ng mga Ilokano, o ang matigas na pananalita ng mga Cebuano. 

Ang dibersidad, bagamat makulay na katangian ng kultura, ay may hatid pa ring pagsubok para sa mamamayang Pilipino—ang pag-unawa sa katutubong wika mula sa komunidad na hindi naman nila kinabibilangan. Sa isang arkipelagong tulad ng Pilipinas, na binubuo ng libo-libong isla, paano nga ba tinatawid ang puwang ng pagkakaiba-iba habang sinisiguradong kinikilala pa rin ang dibersidad ng isa’t isa? 

 

Pangkasaysayan

Ayon sa Philippines Language: Malay to Modern | TheWordPoint, ang lingguwistikong pamana ng Pilipinas na higit isang daang katutubong wika ay impluwensya ng ilang mga lingo. Ang Tagalog at Bahasa Indonesia ay pinaniniwalaang mayroong iisang pinagmulang wika. Bago pa man dumating ang mga Kastila sa Pilipinas ay binubuo na ito ng maliliit na pamayanang may sariling dayalekto. Ang karamihan ng mga Pilipino ay hindi gumagamit ng wikang Espanyol, dahil pinili ng mga Katolikong pari gamitin ang lokal na diyalekto sa komunikasyon na siyang nakatulong upang mapanatili ang katutubo at sariling wika noon pa man.

Patunay sa pagpapanatili ang patuloy na paggamit ng wikang ito. Mula sa Population and Housing | Philippine Statistics Authority noong 2020, mayroong sampung diyalektong lubos na ginagamit ng pamilyang Filipino: nangunguna ang Tagalog na mayroong 39.9%, Bisaya/Binisaya (16.0%), Hiligaynon/Ilonggo (7.3%), Ilocano (7.1%), Cebuano (6.5%), Bikol/Bicol (3.9%), Waray (2.6%), Kapampangan (2.4%), sa Maguindanao (1.4%), at Pangasinan/Panggalato (1.3%).

 

Dala ng wika

Mula sa Inquirer Opinion, nakaranas si Katy Viacrucis ng polisiyang naglilimita sa kanyang pagpapahayag sa sarili dahil sa kaniyang hindi sapat na kakayahan sa pagsasalita ng parehong Ingles at Tagalog.

Aniya “I saw a big sign, “Speak English,” on our classroom wall. A fine was imposed on any one who spoke Tagalog.” Nagdulot ito ng pakiramdam na siya ay mayroong kakulangan, at dahil doon ay hindi siya mapalagay. Kung kaya’t nagsasalita lamang siya sa tuwing kailangan ang kaniyang tugon noong siya ay mag-aaral pa lamang.

Isang mapaghamong karanasan niya bilang guro ay, “The Mother Superior of my first employer assigned me to teach Pilipino to all high school levels, in addition to world history to fourth-year students, and economics to third-year students. An acid test for a 20-year-old fresh college graduate!”

Bagamat siya ay Bisaya hindi niya ito inurungan. Subalit, hinarap ang tungkulin habang pinagsawalang bahala ang isang inggit na kasamahang guro at hindi tuwid na pakikitungo mula sa isa o dalawang fourth-year students. “Imagine one with a thick Bisaya accent, teaching Filipino to teenage Tagalog students.”, dagdag pa niya.

Sa sumunod na taon ay lumipat siya sa isang Katolikong paaralan. Ayon sa kaniya, “This time I experienced sarcastic glances from one or two third-year students. When I couldn’t take it anymore, I reprimanded them in class using strong English words.” Isang pamamaraan ni Viacrucis upang ipabatid na hindi lamang siya isang mababang Bisaya na inaakala ng mga mag-aaral. Sa pamamagitan nito ay naturuan niya na huwag maliitin ang isang batang Bisaya na gurong gaya niya. 

Siya ay sumama o pumasok sa gobyerno matapos maging guro at panggabing instructor sa mga kolehiyo. “In the office, I once felt slighted when a coworker jested quite condescendingly: “Bisaya kasi!” Ito ay halos na ikinagalit niya ang sinabi ng kanyang kasamahan. 

Sa kasalukuyan ay naninirahan sa abroad ang dalawa sa kaniyang mga anak, kasama ang pamilya nito. Natutunan ng kaniyang mga apo ang pagsasalita ng Tagalog—ito man ay lumaki at nangibang-bayan, o may ibang lahi. Aniya, “No language barrier, no communication gap between us. So far, so good.” Isang pag-alala na anuman ang kinaharap nating pagsubok dahil sa paggamit ng wika ay hindi hadlang upang makalimutan ang pinagmulang kultura at pagkakakilanlan.

 

Teknolohiya at komunikasyon

Isang makabuluhang hakbang para sa wikang Filipino nang inanunsyo ng Google Translate ang pagdaragdag ng limang diyalekto ng Pilipinas sa kanilang aplikasyon: Bicol, Hiligaynon, Kapampangan, Pangasinan, at Waray. Kasama ng dating nakatalagang Ilocano at Cebuano, ang pagpapalawak na ito ay nagsisilbing tulay sa pagitan ng walong mayayamang wika ng ating kapuluan.

Ngunit ang teknolohiyang ito ay higit pa sa simpleng kagamitan ng pagsasalin. Ito ay nagsisilbing bintana sa mundo ng bawat rehiyon—isang digital na daan upang marinig ang mga kuwento, maunawaan ang mga tradisyon, at maranasan ang kayamanan ng bawat kulturang Filipino. Sa bawat pagsasalin ng salita, may bagong pagkakataon para sa pag-unawa at pagkakaisa.

Gayunpaman, mahalagang tandaan na ang teknolohiya ay kasangkapan lamang, hindi kapalit ng tunay na pakikipag-ugnayan. Magaling man ang Google Translate sa literal na pagsasalin, hindi nito lubusang nahahawakan ang mga masalimuot na kahulugan, mga salawikain, at ang malalim na diwa ng ating mga katutubong wika. Kaya’t habang ginagamit natin ang teknolohiyang ito, kailangan pa ring panatilihin at pagyamanin ang personal na ugnayan at pag-aaral ng ating mga wika.

                   

***

Sa mga darating na taon, ang hamon sa atin ay hindi lamang ang pangangalaga ng ating wika, kundi ang pagbibigay-buhay rito para sa susunod na henerasyon. Bawat salita ay isang hibla ng ating kasaysayan, bawat pangungusap ay kulay ng ating pagkatao, at bawat wika ay isang mahalagang bahagi ng ating pagkakakilanlang Filipino.

Ang International Mother Language Day ay hindi lamang pagdiriwang—ito ay isang panawagan. Panawagan para sa mas malalim na pag-unawa sa ating mga wika, para sa mas matibay na suporta sa multilinggwal na edukasyon, at para sa mas malawak na pagkilala sa kayamanan ng ating lingguwistikong pamana. 

Sa bawat pagbigkas ng mga salitang minana natin sa ating mga ninuno, sa bawat pagtuturo ng ating wika sa mga kabataan, at sa bawat pagkakataong pinipili nating gamitin ang ating katutubong wika, tayo ay nagtatanim ng binhi ng pag-asa—pag-asa na ang mga susunod na salinlahi ay magpapatuloy ng mayamang tradisyon ng wikang Filipino.

Tulad ng sinabi ni Rizal, ang wika ay salamin ng kaluluwa ng bayan. Sa ating patuloy na paglalakbay bilang isang bansa, hayaan nating ang ating mga salita ay maging tulay, hindi hadlang; pagkakaisa, hindi pagkakahati; at lakas, hindi kahinaan. Sapagkat sa huli, ang tunay na lakas ng Pilipinas ay nakasalalay hindi lamang sa isa, kundi sa magandang sayaw ng ating mga wikang nagbibigay-buhay sa mayamang kultura at kasaysayan ng Pilipinas.

Art slider by Altheia Clarisse Rara

Post a Comment