Patriot cagers, nilunod ang PCU-D Dolphins sa 10th UCCL, 99-59
Napinsala mang umuwi mula sa maduming laro ng kabilang koponan, pinadapa ng DLSU-D cagers ang Philippine Christian University – Dasmariñas (PCU-D) Dolphins, 99-59, sa 10th United CALABARZON Collegiate League – Men’s Division sa FAITH (First Asia Institute of Technology and Humanities) Gymnasium Tanauan, Batangas, kahapon, Agosto 11.
Bagama’t nagbahagi ng puntos ang bawat miyembro ng DLSU-D, nanaig bilang player of the game si John Cantimbuhan matapos magpakawala ng 17 puntos. Nakakamit man ng 18 turnovers at 11 out of 28 na free throws, nagmarka pa rin ng 47.48 na field goal percentage ang Patriots na nagbukas ng pinto para sa malaking kalamangan.
Usad-pagong man ang opensa ng green-and-white squad sa pambungad na yugto, nakuha pa rin ni Cantimbuhan magtala ng anim na puntos samantalang pinahigpit ni Kobe Caronongan ang depensa matapos makakabig ng tatlong steals, 22-16.
Sa pagpasok ng ikalawang yugto ng laro, umarangkada sa opensa ang DLSU-D nang ibinaon ang PCU-D sa 13-4 run na pinangunahan ng pamato ng DLSU-D na si Cantimbuhan na nagbahagi ng anim na puntos, 35-20. Para subukang kuhanin ang momentum, nagkaroon ng dalawang sunod na jumpshot si Dolphin Joseph Rivera sa 5:06 at 4:30, 39-26. Ngunit sa pangatlong tangka ni Rivera, lumipad si Patriot Ejie Boy Mojica para supalpalin ang jumpshot.
Sa kaligatnaan ng naglalagablab na laro ay nagkaroon ng alitan sa pagitan ni Patriot Paul Rait at Dolphin John Ano-os nang suntukin below the belt ni Ano-os si Rait na humantong sa tatlong technical fouls sa dalawang pangkat. Sa pamamagitan ng offensive prowess ng Patriots, natapos ang kwarter sa iskor na 46-29.
Lalong ipinalagpak ng Patriots ang depensa ng Dolphins matapos itong magpakawala ng scoring spree sa ikatlong kabanata mula sa bench players nito, 72-42, na ipinamalas mula sa behind the back pass ni Patriot Jonas De Vera kay Patrick Jamon.
Namayagpag pa rin ang mga basketbolista ng DLSU-D sa ikaapat na kwarter na nagtala ng sunod-sunod na foul-counted layups laban sa mahinang depensa ng Dolphins, 99-59.
Sunod na makakasagupa ng DLSU-D ang San Pedro College of Business Administration Tigers sa parehas na lugar, alas-tres ng hapon, Agosto 20.