DLSU-D cagebelles, pinaluhod ang FAITH Bravehearts, 96-38
Matapos silaban ni FAITH stalwart Mary Joy Relano ang unang yugto ng laro sa pamamagitan ng mabilis na layup, pabagahin ng two-time defending champions ang kanilang depensa hanggang sa naging tabla ang iskor sa 3:13 mark, 9-all.
Dahil sa nabuong matibay na momentum mula sa rebounds at steals ng Patriot cagebelles, hindi na nakapalag ang Tanauan-based na koponan at lumobo sa pito ang lamang ng green-and-white squad sa pagwawakas ng unang kabanata, 16-9.
Sa pagpasok ng ikalawang yugto, tuluyang nag-apoy ang beteranong Patriots na sina Agatha Martha Azarcon at Mariel Campasa na nagtala nang pinagsamang 19 na puntos at dinagdagan pa ni team captain Jannie Well Rodriguez ng 11 na puntos, para maungusan ang blue-and-white squad, 54-22.
Patuloy pa ring binomba ng Lady Patriots ang Lady Bravehearts gamit ang kanilang magandang ikutan ng bola at mabilis na fast break points sa ikatlo hanggang sa huling yugto, na tumapos sa isang dominanteng talaan, 96-38.
Sunod na hinarap ng Patriot cagebelles ang Emillio Aguinaldo College – Cavite (EAC-C) Vanguards para sa kanilang ikalawang salpukan, na ginanap kanina sa parehas na gym, alas-tres ng hapon, Agosto 27.