The fictionist and the realist
Bata pa lamang ay mahilig ka nang magbasa. Manghang-mangha ka sa mga nalilikha nito sa ‘yong isipan—mga dragon na bumubuga ng apoy, naggagandahang fairies, bahay na gawa sa kendi, aliens, robots, superheroes, at kung anu-ano pa. Para ka nilang dinadala sa ibang mundong ikaw lang ang nakakaalam. Kahit na may mga kontrabidang halimaw ay hindi ka natatakot dahil alam mong kahit kailan mo gustuhin ay makakabalik ka kung saan hindi ka nila mahahabol—sa tahimik mong kuwarto na punung-puno ng laruan.
Bababa ka saglit mula sa kuwarto papunta sa inyong sala. Sisigaw ka ng, “Mommy!” at dahil wala pa siya mula sa trabaho, magtatakas ka ng tsokolate sa ref at sabay tatakbo sa hagdan. Sisigaw ang yaya mo na magdahan-dahan ka ngunit hindi mo na ito maririnig. Lulundag ka sa‘yong kama at dadamputin sina Optimus Prime at Megatron—magboboses robot at tamang aakma na pagsalpukin ang dalawa.
Dalawang kilometro mula sa inyong tatlong palapag na bahay, sa labas ng magarang subdivision, patawid sa maingay na kalye, may bata ring okupadong nagpapagana ng kanyang imahinasyon. Pero maliban sa edad at malawak na imahinasyon, wala na kayong iba pang pagkakatulad. Kumpara sa maluwag mong kuwarto, ang bahay nila ay singliit lang ng inyong banyo. At kung ikaw ay naliligiran ng mga mamahaling laruan at libro, siya nama’y pinamumugaran ng langaw habang nakatingin sa kawalan. Hawak niya sa kamay ang iilang baryang kinita sa pangangalakal ng buong araw.
Hindi man siya nakakapagbasa ng mga libro o hindi man niya kilala sina Harry Potter at Percy Jackson, puno rin ang isipan niya ng mga karakter na hango sa totoong kuwento. Mga salaysay na naiipon sa araw-araw na pakikipag-ugnayan niya sa realidad.
Lilipas ang panahon, magkakatabi ang inyong mga akda sa istante ng isang bookstore—isang bunga ng katha, at ang isa’y bunga naman ng hagupit ng totoong mundo.
***
Sa totoo lang, ang akala ko ay napaka-boring ng mga kuwentong non-fiction. Kapag kasi naririnig ko ‘yon, ang naiisip ko kaagad ay mga biography na karaniwang ko nang napapanood sa TV. Ang naiisip ko agad, wala itong espesyal na dating ‘di tulad ng fiction na may halu-halong elementong nakakasabik basahin. Buti na lang, sa pagbu-book hunt ko, may natagpuan akong libro na koleksyon ng mga kuwento. Nung binili ko ‘yon, hindi ko alam na non-fiction pala ito at tungkol sa totoong buhay ng awtor. Ang alam ko lang ay naakit ako sa pamagat nito. Sa pagbabasa, nalaman ko na tulad lang din ito ng fiction novels na nakaaaliw at higit na nakapananakit dahil nga totoo ang mga karakter at pangyayari. Dito ko rin unang nakilala ang kagandahan at sining ng pagsasalaysay na base sa katotohanan.
Mas kilala ito sa tawag na creative non-fiction.
Sa larangan ng panitikan, hindi rin maiiwasan ang pagbabanggaan ng iba’t ibang genre at writing styles. Lalo na ng fiction at non-fiction. Pareho itong malalim at mahirap isulat kaya hindi masusukat ang galing ng isang manunulat kung fictionist man o hindi. Iba-iba lang din kasi ang pinanggagalingan ng mga manunulat. Ang sabi nga sa isa sa writing forums na napuntahan ko, hindi one way ang pagkatutong magsulat. May iba’t ibang paraan, puwedeng sa pormal na pag-aaral o kaya naman dala lang ng pinagdaanan. Isa lang ang sigurado—lahat ng kuwento ay mula sa mga manunulat na nakaranas ng kakaibang kirot. Isang ‘di matatawarang sakit na tumagos at sumabay sa pagpintig ng pulso, na nagtulak para makalikha ng mga pangungusap na bubuo ng alinman sa dalawa: bago at naiibang mundo o replika ng realidad. Kaya naniniwala akong hindi ang manunulat ang namimili ng kanyang sinusulat, kundi ang tadhana mismo—karanasan ang namimili sa manunulat.
Ang makapagsulat ng creative non-fiction ay katumbas ng mga totoong pangyayaring marapat ikuwento ngunit mas nababalot ng pait kaysa saya. Sa pagsusulat nito, kailangang taas noong harapin ng manunulat ang kanyang mga alaala at balikan ang bawat tama at maling nagawa sa kanyang buhay. Kailangang maging handa siyang sariwain ang mga kahihilom lang na sugat at tapikin maging ang mga hindi pa talaga gumagaling. Sabi nga, “Ang makalimot ay isang pagtataksil sa alaala.”
Ngunit sa‘king palagay, may pagdurusa ring taglay ang pagsulat ng mga kuwentong mula sa kathang-isip—dusa na nagmula sa pagdadamot ng realidad sa mga karanasang karapat-dapat ikwento, dusa ng pagkakakulong sa masyadong tahimik at ordinaryong daloy ng buhay.
Tulad ng mga bata sa unang parte ng sanaysay, ang isa—taglay ang buhay na wala na siyang mahihiling pa kundi mga dragong bumubuga ng apoy. Habang ang isa nama’y saksi ng mga kuwentong napupulot niya sa kalye sabay ng mga bakal na kinokolekta niya kapalit ng baryang pangkain.
Ang bottom line, ang pagsusulat ay hindi paligsahan ng mayabong na bokabolaryo, paggamit ng pormal lamang na mga salita, at mga enggrandeng konsepto. Lahat ng may pandama ay maaaring maging manunulat. Nag-aral man ng creative writing o hindi, ano mang lenggwahe ang gamit, tungkol man sa mga sirena o tungkol sa totoong karanasan ng isang mananahi sa Divisoria, kapag umalingawngaw ang pandama, lahat ng puwede nitong ma-ikuwento ay nagkakaroon ng kuwenta.