Engganyo de bola
Likas sa ating mga Pilipino ang maging mapanuri sa klase ng produkto o serbisyo bago tayo mapa-oo. Bukod sa pisikal na anyo na pangunahing itinatampok sa ating mga consumer, atin ding isinasaalang-alang ang kalidad at presyong pangmasa nito.
Hindi lang naman nalilimita ang produkto sa goods na ating kinakain o ginagamit. Hindi rin mawawala ang mga institusyong nanghihikayat sa atin pagdating sa pagbebenta ng kanilang best “quality service,” na sa kalaunan nama’y kabaliktaran pala at hindi kaaya-aya ang resulta.
***
Maraming kompanya, paaralan, at iba pang institusyon na naglalaban-laban upang magkaroon ng mga parokyano. Kung tutuusin, karamihan sa kanila’y hindi na kalidad ang una sa listahan kundi ay ang dami ng malilikom na pera—na isang katotohanan kung paano nagiging lehitimong negosyo na lang ang dapat sana’y pag-aabot ng magandang serbisyo sa publiko.
Pera-pera na lang talaga ang kalakaran.
Iba’t ibang salik ang nakakapagpakumbinsi sa atin upang tangkilikin ang isang offer; nariyan ang ating kagustuhang maranasan ang produkto, pagnanais mapasali sa hanay ng mga kung tawagin ay “elitista” dahil sa pagkakakilanlang dikit sa grupong kinabibilangan, at ang magandang advertisement na sa harap mo’y bumubungad. Tiyak kong lahat tayo’y madaling maakit ng promotion. Subalit naiisip din ba natin ang kahalagahan ng perang posibleng masayang dahil sa ‘di patas na paglilingkod upang mapadali ang sistema? Ang convenience na napalitan ng perwisyo dahil sa kaguluhan ng proseso, ang last minute announcements ng pagbabago, at kung ano-ano pang karanasang nauuwi sa kalituhan na nagdulot sa akin ng kaisipang pera-pera na lang talaga ang kalakaran.
Nakalulungkot isiping sa kabila ng pagbabayad ng tama, hindi pa rin naaagapan ang suliranin sa ilang taon ng bulok na sistema. Kabilaan ang panghihikayat na subukin ang kanilang kalidad subalit ‘pag pumasok ka na, masasabi mong “ay, palabras lang pala.” Tiyak kong lahat tayo’y nakaranas na ng usaping ganito, pero ano ang nangyari pagkatapos? Tradisyon na ba talaga ang mabagal na pagsasaayos ng mga nakakakunsuming kondisyon o magagawan naman ng paraan ngunit tayo’y pinagdaramutan lamang ng kaginhawahan?
***
Nawa’y ang pang-eengganyo’y huwag lang puro palabas bagkus ibigay ito nang patas. Sa pamunuang may kontrol sa pagsasaayos ng pamamaraaan, tiyakin sana na ma-sustain ang inyong serbisyong iniaalok upang hindi na mahirapan ang mga kliyenteng nagtiwala pati na rin ang mga manggagawang nagsisilbi nang tama ngunit nasisi dahil sa tagilid na kalakaran. Idagdag na rin natin ang ating sarili sa pakikialam. Lahat tayo’y may boses upang ilahad ang mga kamalian at kakulangang ating nararanasan. Hindi sapat ang pananahimik o pagsasarili ng kamaliang lantad namang nararamdaman ninoman dahil lahat ay may kakayahang umaksyon lalo na’t kung ito ay tama at nararapat—ang simula ng pagbabago ay nasa pagkukusa ng tao bago makarating sa malawakang institusyong kabilang tayo.