Back

Ang pagsulpot ng petmalu

Werpa, Petmalu, Lodi. Ilan lamang ‘yan sa mga salitang madalas marinig mula sa kabataan o malimit na mabasa sa social media. Uso, ika nga. Nilalaro ang mga salita upang makabuo ng panibago na sumasabay sa pagbabago ng panahon. Ngunit lingid sa kaalaman ng iba, noong dekada sitenta, ayon sa Spot.ph ay mayroon na ring mga salitang ‘astig’, ‘amats’ o ‘olats’ kung saan pinagbabaliktad din ang mga silaba ng mga salita. Sa madaling salita, ang mga usong salita na ginagamit ngayon ng mga kabataan ay hindi bago. Kumbaga, nagawa na rin ito ng mga magulang natin o ng mga taong dekada ang tanda sa atin.

Ang wikang ito ay maihahalintulad sa fashion, nagiging uso, lumilipas, at nabubuhay muli. Kahit marami nang naririndi sa mga bagong salitang naimbento ng mga milenyal, marami ring dahilan kung bakit kailangan itong tanggapin at hindi ikahiya. Makulay ang ating wika—tunay na sumasalamin sa kwentong pumapaloob sa buhay ng mga Pilipino gayon na rin ang kasaysayang humulma sa katauhan ng bansa.

Lumilipas ang panahaon, kasabay ng pagsibol, pagkamatay o pananatili ng mga salitang ginagamit ng bawat Pilipino.

Kung tayo’y magbabalik-tanaw sa nakaraan kung saan ang bansa ay nasakop ng iba’t ibang lahi, ating mapapagtanto na kahit ang wikang Filipino ay hinulma rin ng mga pagbabagong ito. Ayon sa Worktext in Philippine History, isa ang Pilipinas sa mga mainam na isla upang makipagkalakalan. At dahil dito, iba’t ibang lahi na rin ang nakasalamuha ng mga sinaunang Pilipino. Siya naman itong naging tulay sa pagkatuto ng mga Pilipino ng iba’t ibang wika. Dumaan na ang maraming taon at tuluyang nasakop ang bansa. Sa haba ng panahong nakisalamuha ang ating mga ninuno sa ibang lahi, malabong hindi sumabay ang wikang Filipino. Kaya naman hanggang ngayon ay mayroon pa ring nagbibilang sa wikang Espanyol, o ipinaghahalo ang wikang Ingles sa wikang Filipino katulad ng salitang “babay” na nanggaling sa salitang goodbye.

Mayaman ang kasaysayang pinag-uugatan ng wikang Filipino, ngunit hindi lamang ito ang isinasalamin ng ating wika. Ipinapakita rin nito ang pagkamalikhain ng mga Pilipino. Halimbawa na lamang ang mga salitang ‘yosi’, isang salitang naimbento noong dekada sitenta na ibig sabihin ay sigarilyo. At salitang ‘erpats’ na kabaliktaran ng salitang latin na pater na ang ibig sabihin ay tatay. Ipinapakita lamang nito na kahit sa anong sitwasyon, pampalipas oras man o patungkol sa pamilya ay mayroong maiisip na paraan ang isang Pilipino upang ibahin ng nakasanayan. Kaya naman, ang mga pagbabagong pinagdaraanan ng wikang Filipino ay dapat tinatanggap ng buong puso at siyang pinagmamalaki.

Lumilipas ang panahaon, kasabay ng pagsibol, pagkamatay o pananatili ng mga salitang ginagamit ng bawat Pilipino. Maaaring hindi magustuhan ng ilan ang mga bagong salitang naiimbento sa panahon na ito, ngunit nararapat lamang na unawain na ang wika ay parte ng identidad ng isang bansa. Ang wikang Filipino, kahit nag-iiba, ay hilagyo ng pagiging Pilipino.

Post a Comment