Ang boring
“Tuwing gigising sa umaga, ang bigat ng aking nadarama—alam kong ako’y buhat sa pagpapahinga ngunit tila pagod na ang aking katawang-lupa. Sisimulan ang isang araw ng maagang pagbangon upang maghanda sa klase at sa pagsapit ng gabi’y hihimlay sa komportableng higaang sa aking pag-uwi’y naghihintay.”—ganito ang pang-araw-araw kong pamumuhay na kung minsa’y parang siklo na lamang at wala nang saysay.
Nakakapagod. Nakakabagot. Hindi naman alintana na bilang mag-aaral, bagot na tayo sa kabilaang deadlines sa bawat kursong sinasabayan pa ng matinding pangangambala ng procrastination kung kaya’t mas lalong nagugulo ang atin nang naiplanong proseso. Hindi natin dapat ipinagsasawalang-bahala ang pangyayaring ito at ang pangontra sa problemang ito ay ang ating pag-aksyon. Pero paano nga ba humahantong sa puntong nakakasawa na ang mga bagay na noo’y nagdudulot sa atin ng sigla?
Marahil marami ring nakararanas ng problemang ito. Kahit sandali pa lamang tayong gumagawa, pakiramdam na agad nati’y marami nang lumipas na oras at kailangan na natin ng pahinga. Totoong sa panahon ngayon, mabilis na ang paglipas ng bawat sandali at ramdam na natin ang resultang naidudulot nito. Ayon sa librong isinulat ni Harold J. Sala, PhD, isang kilalang speaker, matatawag na boredom ang nasabing sitwasyon ng ating buhay na siyang bunga ng pagsa-shutdown ng emosyon. “Pagkagising mo, para kang robot na kikilos at tatapusin ang isa na namang araw.”
Maraming dahilan ang nagdudulot sa atin upang maging “bored” sa buhay na mayroon tayo: isa na rito ay ang advanced civilization na marami nang pinagpipilian ang tao sa kung ano ang gusto nilang gawin at sa papaanong paraan. Dahil sa kabilaang libangan na parang karaniwan na lamang na parte ng ating kaginhawahan, mabilis tayong magsawa kung kaya’t naghahangad agad tayo ng ibang pamalit—mas bago at mas kakaiba.
“Pagod na ako” hindi dahil sa ginawa natin maghapon kundi sa tunay na pagkapagod sa buhay na mayroon tayo.
Bukod dito, ang ‘di mabilang na pagpipilian at pang-eengganyo na ating nakikita sa social media ay siya ring nagdudulot ng ating pagkalimot sa mga nangyayari sa ating kapaligiran. Masyado tayong nahuhumaling sa kadalian ng proseso sa paggamit ng internet at gadgets kung kaya’t naisasantabi natin at ‘di nabibigyang-pansin ang mga dapat nating unahin—kasama na ang epekto nito sa ating payak na pamumuhay. Halimbawa, ang paraan ng komunikasyon noo’y ilang buwan ang hihintayin bago makuha ang liham na mula sa mga mahal sa buhay—marunong maghintay; samantalang ngayon, hindi lang sumagot nang ilang minuto, beast mode na agad. Hindi na natin malaman kung sa papaanong paraan natin makakamit ang ating satisfaction kung kaya’t may pagkakataong nasasabi nating “pagod na ako” hindi dahil sa ginawa natin maghapon kundi sa tunay na pagkapagod sa mismong buhay na mayroon tayo.
Bago tayo lamunin ng boredom na ating nararamdaman, bakit tila atin nang nalimutang maging masigla? Hindi ba’t ating sinisimulan ang isang gawain sa pagpapasya na tugon sa ating boluntaryong kagustuhan? Ang nawalang apoy ng ating pagkasabik sa pagkilos ay nararapat nating pagliyabin sa ating mga sarili upang mabuhay muli ang ningas ng ating buhay sa pamamagitan ng paggunita ng ating simula. Dagdag pa rito, ang pagkasawa sa klase ng pamumuhay na mayroon tayo ay wari kong nararapat na magsilbing motibasyon upang mas ganahan tayo’t magkaroon ng maayos na hangarin sa buhay.
Hindi sapat ang paghihinaing na “pagod” na tayo, kailangan muna nating kilalanin ang problemang nakaharap sa atin, umaksyon kung paano tatalunin ang negatibong lumalamon sa ating pananaw, at paigtingin ang siglang hindi dapat mawala sa ating buhay.