Back

Hindi pa wakas ng hustisya

Buhay na nawala: 900; Buhay na hindi nabigyang hustisya: 700

Sa panahong hindi na mawari ng marami kung alin ang hustisya sa hindi, nakalulungkot isiping hinahayaan na lamang nating dumanak ang dugo sa mga buhay ng mamamahayag na hindi nabigyan ng hustisya. Sa loob ng 11 na taon, 700 na mamamahayag ang hindi pa nakalalasap ng katarungan dahil lamang sa pagbabalita ng katotohanan. Kung ating mapapansin, kasabay ng sunod-sunod na pagpaslang sa mga mamamahayag ay ang kabi-kabila namang pagsasawalang bahala sa hustisya na para sana’y naihatol na sa mga kumitil ng katotohanan.

Sino nga bang hindi makalilimot sa karumaldumal na pagpaslang sa 52 katao, kasama ang 32 na mamamahayag, sa Maguindanao—na hanggang ngayo’y hindi pa rin nabibigyang kasagutan walong taon na ang nakalilipas. Kilala ang pangyayaring ito bilang pinakakarumaldumal na pagpaslang sa mga mamamahayag sa buong mundo, ang higit lamang na nakadidismaya rito ay ang kawalan ng kaalaman ng karamihan patungkol sa ganitong usapin.

Sa halip na gumawa ng paraan upang maprotektahan ang karapatang para sana sa mga tagapagbalita ng katotohnan, taliwas ang nangyayari rito. Sa halip na ikondena natin ang kawalan ng hustisya sa ating bansa, patuloy na sinusuportahan ng nakararami ang ganitong kultura. Sa halip na tayo’y mas maging uhaw sa pagtuklas ng katotohanan, mas hinahayaan nating patuloy na lamang tayong maniwala sa kung ano lang ang ating nakikita.

Mayroon tayong magagawa—at hindi pa ito ang wakas.

Nakalulungkot at nakagagalit ang lumalalang pangyayari kung saan ang boses ng katotohana’y unti-unting pinipigilang magsalita. Subalit sa kabila ng nagtataasang bilang ng mga pinapaslang kung saan hindi nabibigyan ng kaukulang parusa ang mga nagkakasala, hindi ito sapat na dahilan para hayaan nating mangyari ito dahil “Wala na tayong magagawa.

Lingid sa kaalaman ng nakararami, ang kawalan ng kaparusahan para sa mga nagkakasala ay talamak na rito sa ating bansa. Bunga ng prosesong kilos-pagong pagdating sa pagbibigay-hustisya sa mga taong dapat sana’y matagal nang nakatamasa ng katarungan, hindi napagbibigyan ang mga ito—sa halip ay nadadagdagan lamang ang kanilang bilang.

Hindi na rin ako nagulat nang binansagan ang Pilipinas bilang pangalawa sa pinakamapanganib na bansa para sa mga mamamahayag, kasunod ang Iraq. Gayunpaman, alam kong hindi ito hadlang para manghina ang loob ng bawat mamamahayag sa ating bansa—dahil patunay lamang ito na patuloy pa ring nag-aalab ang hangarin ng bawat mamamahayag na maihain ang katotohanan para sa lahat. Napatutunayan din ang katapangan ng mga mamamahayag sa ating bansa sa bawat buhay na kanilang ibinubuwis sa ngalan ng katotohanan.

Kung sisimulan na nating makibahagi sa pagdagdag sa kamalayan ng marami ukol sa ganitong isyu at makilahok sa mga samahang may layuning para sa ikabubuti ng mga mamamahayag, hindi malayong unti-unting talikuran ng iba ang kulturang nakagisnan. Mayroong batas na pumoprotekta sa mga mamamahayag. Mayroong mga organisasyong naglalayong ipaglaban ang karapatan ng mga mamamahayag. Ang problema’y nasa implementasyon at tamang pagpapatupad ng mga ito—gayon na rin ang mga taong takot na malaman kung ano ang totoo.

Mayroon pa; mayroon tayong magagawa—at hindi pa ito ang wakas.

Post a Comment