Back

Modernisasyong pag-urong

Kabilaang pag-usbong ng mga gusali mula sa dati’y payak na palayan; biglaang paglatag ng konkretong kalsada sa dati-rati’y pulos kakahuyan at lupang taniman—ito ay karaniwan na sa ating kamalayan sapagkat sa araw-araw nating pamumuhay, tiyak kong kabilaang konstruksyon ang bumubungad sa ating bawat paglalakbay. Sa pagiging representasyon ng proyektong industriyalisasyon sa pagkakakilanlan ng pagyabong ng ekonomiya ng ating bansa, hindi ba natin nababanaag kung bakit marami pa rin ang tutol sa mga proyektong lakip ng industriyalisasyon?

Sa pagpasok natin sa ating Unibersidad, bubungad sa atin ang kabilaang pagbubungkal at pagbubuhos ng semento sa kalsada na siyang nakapang-iinit ng ulo dahil sa mas pinatagal nabiyahe kumpara sa inaasahang oras upang makaabot sa ating mga klase. Makikita rin natin ang mga paggawa ng iba’t ibang gusali sa dating nadaraanan lang natin na tahimik at berdeng kapatagan. Subalit, ngayo’y may kabilaang harang nang yerong asul at berde.

Sa pag-unlad ng ating ginagalawang mundo, bumabagsak ang angking kagandahan at yaman ng ating kapaligiran.

Land use ang tawag sa aktibidad na tulad ng mga nabanggit kung saan ang paggamit ng isang kalupaan ay kino-convert ayon sa mas mabisang gamit nito. Ang Executive Order No. 72 ay naghahanda sa pag-iimplementa ng “Comprehensive Land Use Plans” ng mga lokal na pamahalaan sa kanilang nasasakupan. Ang mga local government unit (LGU) ay may kapangyarihang magsagawa ng land conversion programs kung saan ang mga nagmamay-ari sa lupang gagamitin ng gobyerno ay bibigyan ng akmang kompensasyon, gayundin ang kalakaran ng pribadong sektor sa pagbili ng ari-arian mula sa katutubong pagmamay-ari. Gayunpaman, maraming nanghihinayang sapagkat wala nang pangsakahang lupain at tila maaapektuhan nito ang balanse sa pagitan ng agrikultura at urbanisasyon. Nakapaloob sa Memorandum Circular No. 54 ang gabay na pagbibigay kapangyarihan sa mga munisipyo at lungsod na ire-classify ang mga lupain bilang non-agricultural areas kaya’t hindi rin natin sila matutulan sa proyektong kanilang sinag-ayunan.

Sa mga nabanggit na senaryo’t batas sa paksang aking tinalakay, hindi pa rin sapat ang tekstong ito sa pagdinig sa mga sumisigaw na magsasakang nawalan na ng hanapbuhay dahil sa pag-angkin ng sakahan para sa komersyo, gayundin ang epekto ng mga proyektong ito sa kapaligiran. Unii-unti na nating nararamdaman ang resulta ng modernisasyon sa pagkawala ng mga puno’t halamang nagbibigay ginhawa sa alinsangan ng panahon. Dahil dito, nauubos na rin ang produktong sariling angkat, at mga tirahan ng mga lagalag na ibon at iba pang hayop sa kagubatan sa pagtatayo ng mga residensyal upang matirhan ng tao’t umunlad ang ekonomiyang aspeto ng nasasaklawanng lokal na gobyerno. Nakalulungkot dahil sa pag-unlad ng ating ginagalawang mundo ngayon, bumabagsak ang angking natural na kagandahan at yaman ng ating kapaligiran.

Mas mainam pa rin ang payak na kalupaan kaysa sa kabilaang gusali at komersyo na maaari nating maramdaman, bukod sa pagiging unpopulated ng kapaligiran, preskong hangin pa ang ating malalasap. Ngunit hindi pa huli ang lahat, marami pa tayong likas na kayamanan na maaaring ingatan upang hindi mapabilangsa mga na-convert ng lupa. Ang pagsali sa mga environmental activity o maging pagpirma sa mga panawagan upang mapangalagaan ang kapaligiran ay mabisang hakbang upang kahit isa sa atin ay may magawa para sa katiwasayan ng bayan. Hindi naman nasasalamin sa mga gusali o sa kagandahan ng kalsadang daraanan ang pagyaman ng lipunan, ang pagkakaroon ng balanse sa pagitan ng urbanisasyon at agrikultural na aspeto ay siyang magdadala ng may kakayahang estado sa ating ekonomiya

Post a Comment