Make it count
Sa pagitan ng apat na sulok ng silid-aralan, dito matatagpuan ang maraming alaala, aral, at pagkakaiba—subalit hindi lamang ito dito nagtatapos. Sa apat na taong pananatili ko sa ating unibersidad, masasabi kong ito’y naging tunay na makabuluhan hindi lamang dahil sa aking mga natutunan sa loob ng silid-aralan kundi dahil din sa aking karanasan sa loob at labas ng pamantasan.
Ngayong nalalapit na ang aking mga huling sandali bilang isang estudyante at ngayong ito na ang huli kong column na maipapahayag sa The HERALDO FILIPINO, nais kong mapagtanto mo ang halaga ng oras at pagkakataon—kaya ko ito isinulat. Babawasan ko na muna ang pagiging pormal, at dahil ito na ang huli, nawa’y tumatak sa inyong isipan ang mensaheng gusto kong iparaing pagkatapos niyong basahin ito.
***
Make it count, ika nga.
Maikli lang ang oras na mayroon tayo. Kung ang buhay hayskul ay tila petiks lang, alam kong alam mo kung gaano kadugo ang laban sa kolehiyo. Hindi ko man gustuhing magpaka-millennial at gamitin ang katagang ‘to, subalit YOLO—“you only live once” dahil hindi sa lahat ng oras ay maaari mong maibalik ang panahong sana pala’y mas pinahalagahan mo, mas nilaan mo sa tama, at kung saan sana’y mas pinagbutihan mo pa. “You only live once” at wala nang ibang oras para magsimula kundi ngayon.
Mahigit apat na taon na rin ang nakalilipas, at masasabi kong malaki na ang pagkakaiba ng taong nakikita ko sa harap ng salamin noon at ngayon. Oo nga’t makabuluhan din naman ang naiambag at natutunan ko mula sa aking mga guro’t kaklase, ngunit kasabay nito, isa sa mga hinding-hindi ko malilimutan ay ang organisasyon kung saan ako kabilang—ang HF. Dito ako natutong magbigay ng higit pa sa kung ano ang aking “maaaring ibigay” o “kaya lamang ibigay” dahil aminin mo man at sa hindi, ang pag-aalay ay higit pa sa kung anong kaya nating ialay, bagkus ay isang sakripisyong bukal sa ating kalooban.
Hindi ko nais na magtunog corny o cliché sa sinusulat kong ‘to, pero hayaan niyo kong ibahagi kung ano nga ba ang naging epekto ng HF hindi lamang sa akin, kundi gayon na rin sa ating lipunan. Alam kong hindi naging lubos na perpekto ang aming organisasyon, nariyan ang iilang hindi pagkakaunawaan, hindi pagkakaintindihan, at maging mumunti at malalaking pagkakamali sa aming inuulat—at hindi ko ito itatago (ngunit hindi ko rin naman ito ipinagmamalaki). Sa kabila ng mga nabanggit ko, maligaya kong sasabihing nagsilbi itong hamon para sa amin at leksyon upang maging mas maingat, mapagmasid, responsible, at upang mas mahalin ang aming trabaho.
Wala nang ibang oras para magsimula kundi ngayon
Higit pa rito, lubos din akong nagpapasalamat dahil dinala ako ng HF sa mas malawak na larangan at katotohanan—natuklasan ko ang realidad sa pamamagitan ng kuwento ng mga taong aming nakasalamuha upang magsulat, ng iba’t ibang personalidad na aking nakilala, ng bawat istoryang ibinahagi sa amin ng mga prominenteng tao sa loob at labas ng ating lungsod at maging ng mga simpleng indibidwal na makikita nating naglilinis, nagtatanim, naglalako, nag-aani, at nagbebenta—sila ang mga taong nagpamulat sa akin.
Habang importante ang pagbibigay-halaga sa ating mga sarili, ating alalahaning ang buhay ay hindi lamang umiikot dito. Habang mahalaga ang pag-asam ng pansariling kaligayahan at pagtamasa ng mataas na grado sa silid-aralan para sa iyong kinabukasan, huwag nating kalilimutang hindi nagtatapos sa sariling tagumpay ang kaunalaran at kagandahan ng ating kinabukasan—dahil hindi lamang tayo ang bumubuo sa lipunan. Dahil sa labas ng ating pamantasan, sa labas ng lugar kung saan tila maayos at masagana ang pamumuhay, sa labas ng lugar na ang mga tao’y pampered at ang matitinding problemang panlipunan ay minsan lang nabibigyang-pansin, matatagpuan ang mga naghihirap, naghihikahos, napagkaitan ng hustisya, at mga maralita.
Oo nga’t mahirap ang maging estudyanteng mamamahayag dahil kalakip nito ang iba’t ibang sakripisyo sa academics, oras, pamilya, at kabigan, ngunit kasabay nito ang pasasalamat na kahit gaano man kakumplikado at mapanghamon ang trabahong ito, mamahalin at mamahalin ko pa rin ang pagiging estudyanteng mamamahayag dahil alam kong walang katumbas ang kagalakan at fulfillment na aking nararamdaman sa tuwing ako’y nakapagbabahagi at nakapagpapahayag ng katotohanan.
Kung kasalukuyan mong binabasa ang aking sinulat at ika’y umabot sa puntong ito, maraming salamat. Hindi ko na rin pahahabain pa ang sinusulat kong ‘to dahil tulad nga ng aking sinabi, maikli lang ang oras.
Make it count. Sa huling pagkakataon, sana’y nakatulong akong hikayatin kayong makilahok sa iba’t ibang hamon ng buhay—huwag nating hayaang makulong lamang sa libro at Internet. There’s more to life. At sulitin natin ang oras na ibinigay sa atin, gamitin ito sa tama at sa makabuluhan—‘yon ay kung gusto mo ring makapag-iwan ng ambag sa lipunan, isang ambag na mananatili sa puso ng marami magpakailanman. Muli, maraming salamat.