Back

Lost generation

Kabilaang mga gawain na malapit na ang pasahan—mga plates at proyekto na sumasabay sa hell week at mga pagsusulit sa pangunahing mga paksa; dagdagan pa ng personal na problema at pisikal na kapaguran, tiyak na sasabog ka na lang sa bigat na nararamdaman.

Sa pagsapit ng huling termino ngayong Disyembre, tiyak kong halos lahat ay tutok na sa pag-aaral upang makabawi sa mga grado sa nagdaan na prelims at midterms, lalo na’t karamihan ay magtatapos na (isang ehem para sa mga #ULS2019). Sa bilis ng panahon, karamihan sa ati’y gusto ng hilahin ang oras upang ang paghihirap ay matapos na rin. Positibo man kung iisipin, kaakibat naman ng usaping ito ang pagkabagabag ng iilan sa atin bilang estudyante sa iba’t ibang responsibilidad na ating gampanin. Hindi lang naman nauukol ang pananagutan na nakaka-stress sa atin bilang isang estudyante; nariyan rin ang tungkulin natin bilang kaibigan, kapatid, anak, at miyembro ng ating lipunan na kung minsa’y binabalewala na natin sa pag-aakalang hindi naman ito mahalaga tulad ng ating pag-aaral

Lost generation—terminong buhat sa mga Amerikanong manunulat noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1920s na inuukol na rin sa henerasyon natin ngayon. Ayon sa isang artikulo mula sa Huffington Post noong Nobyembre 2016, ang mga millennials ay may mataas na datos ng depression, stress, at suicidal thoughts kumpara sa ibang henerasyon na nauna rito. Ito ay sa kadahilanang lumaki sa layaw ang mga kabataan dahil na rin sa matiwasay na pamumuhay na naipundar ng ating mga magulang at kahinaang-loob sa pagharap sa pressure dahil sa aspeto ng pamumuhay na kinabibilangan, mataas na gradong pang-akademiko, at pagdedesisyon ayon sa sariling kagustuhan. Lahat ng ito ay bunsod na rin sa kung papaano tayo pinalaki ng ating mga magulang. Mula pagkabata, palaging pinaparamdam ng ating pamilya na nariyan sila’t nakasuporta sa ating tatahaking landas kung kaya’t nakadepende tayo sa kanilang mga desisyon hanggang sa paglaki. Dagdag pa rito, positibo ang pinapakita ng mga taong malalapit sa atin kung kaya’t pag may negatibong ibinigay sa ating buhay, mabilis nanghihina ang ating loob hanggang ito’y mauwi sa anxiety.

Hindi naman lahat ng gawain ay matatapos sa isang iglap.

Bukod sa pagkakaroon ng mga kaguluhan sa ating isipan, ang kabataan ngayon ay nakapokus sa sariling kapakanan dahil sa mga materyal na kagustuhan, kasikatan, at karangyaan. Sa katunayan, ang mga ito ay resulta na rin ng teknolohiya lalo na ng sobrang pagtangkilik sa media dahil sa pagkainggit sa mga nakikita at madaliang pagkakaroon ng mga bagay na naisin natin. Isa pang aspeto ay ang paghahanap ng sisi sa iba o mas kilala bilang “blame game”. Inilahad ng Psychology Today na ito ay mekanismo upang protektahan ang ating mga ego mula sa mga pagkukulang at pagkakamali ng ting mga sarili na maaring mag-dulo ng pagkasira ng ating self-image. Sa kasalukuyan, karaniwan na lamang ang mga ganitong aspeto ng coping mechanism, ngunit sa katotohanan ay negatibo ang naidudulot nito dahil hindi lubusang nasosolusyonan at bagkus ay naibabaon at naiipon lamang sa ating kalooban.

Ang pang-huling aspeto ay ang pagkakaroon ng patong-patong na responsibilidad na siyang pinagmumulan ng pagkabagabag ng mga kabataan. Masasabi kong ang kabataan talaga sa ating henerasyon ay mapupusok at lahat ng bagay ay nais maranasan at akuin. Sa madaling sabi, ang mga responsibilidad na ating dinadala sa kasalukuyan ay dahil na rin sa ating kagustuhang maging maayos ang ating pagtalima sa likas ng mga pananagutan at pagbuo ng kumpyansa sa sarili sa paghawak at pagtapos ng mga gawain.

Sa mga nasambit na ugat ng pagkakaroon ng bigat na pasanin sa murang edad, masasabi ko na ring hindi naman masama magkaroon ng iilang responsibilidad dahil nakakatulong ang mga ito sa pagkilala natin sa ating kakayahan at pagtitiwala na kaya nating hawakan ang responsibilidad nang matiwasay at akma sa ating kagalingan. Gayunpaman, hindi naman lahat ng gawain ay matatapos sa isang iglap. Tulad nga ng sikat na kasabihan, “slowly but surely” ngunit dapat ay ayon rin naman sa panahon na kung kailan ito nararapat matapos. Ang pagkakaroon ng maayos na kaisipan sa pagpaplano at pagiging responsable sa mga tungkulin ay ang pinakamabisang paraan upang maging magaan ang pagtatapos sa proseso—isama pa ang pag-iwas sa mga bagay na ‘di naman makakatulong at pagtanggi sa iba pang responsibilidad na maaari namang ibigay sa iba ay malaking bagay na rin upang pagkapagod ay gumaan bahagya.

Post a Comment