Back

The struggle awaits

Huli kong na itong column. Pagkaraan ng ilang buwan ay hindi niyo na muli makikita ang mga opinyon ng social justice warrior na ito sa diaryo ng The HERALDO FILIPINO (HF). Mamamaalam na ako sa nakasukbit na larawan ni St. La Salle sa mga silid-aralan, susuotin na ang toga, at hihintayin na lamang na mabigkas ang aking pangalan sa entablado ng Ugnayang La Salle. Ngunit hindi ko kailanman makakalimutan ang mga aral na hanggang ngayon ay bitbit ko pa rin. Iyon ang mga aral na kahit mag-aral ka nang mag-aral, ang totoong katalinuhan ay umaalpas sa silid-aralan. Ang kariktan ng pagsusulit sa ating sistemang edukasyon ay ang taos-pusong kagustuhan na baguhin ang mismong sistema. Aaralin ang batas para baguhin ang batas. Aaralin ang kasaysayan para baguhin ang kasaysayan. Aaralin ang sikolohiya para baguhin ang mga kaisipan ng sambayanan. Ilalapat ang mga natutunan sa panibagong teorya, sa panibagong perspektiba at sa panibagong kuwento.

Katatapos lamang ng 2019 eleksyon, at atin narinig ang mga pangalan nila Neri Colmenares, Leody de Guzman, Samira Gutoc, Chel Diokno, at Erin Tanada, at ang mga iba pang nasa oposisyon. Kalimitan na nakita natin sila sa mga resulta ng mga iba’t ibang university mock elections. Hindi man sila lubos na kilala ng ating mga magulang ay nakuha nila ang atensyon ng mga kabataan. May kapangyarihan sa boses ng kabataan. Sariwa ngunit busilak. Tiyak. Kung minsan ay sa unibersidad ang nagsisimulang kumatok sa kamalayan ng mga kabataan, ngunit desisyon ng mga estudyante kung kanila itong ihuhulma’t gagawing progresibo.

Nakakalungkot man isipin ngunit kailangan nating harapin ang masalimuot na katotohanan: ang tunay na kamalayan sa Pamantasan ng De La Salle Dasmari ñas ay hindi pa nararating. Marami sa mga Lasalyano ang sanay pa rin sa pribilehiyo dahil sa mga pinagmulang mga uri—kalimitan ay hindi napaguusapan sa mismong pamantasan ang salitang “aktibismo” dahil sa pumapalibot na takot at pangamba. O kung mayroon man, sila ay mga huwad na aktibista, o pumipili lamang ng mga pinaglalaban. Ngunit naniniwala ako na hindi dapat ito hinahatulan, dahil ito ay walang iba kundi hamon para sa ating mga kabataang lumalaban na makapagmulat at makapagpakilos.

Ang pagiging mulat ay walang hangganan, kung kaya’t dapat ito ay lubos na pinapayabong

dahil hindi hadlang ang pribilehiyo sa Lasalyanong nasa puso ang masa. Ito ang layunin ng column ko, at kung bakit naglilimbag ang HF. Ngunit hindi nag-iisa ang HF sa layunin na makapagpamulat. Kamakailan ay nabulabog ang buong komunidad ng Lasalyano sa pag-usbong ng balangay ng Anakbayan sa DLSU-D na ngayon ay tinatawag na Anakbayan Kalayaan. Bunga ito sa nakitang pangangailangan ng mga Lasalyano na magising at bumaba sa kanilang mga toreng garing.

Lubos akong nagpapasalamat na nagbubukas na ng diskusyon ang mga Lasalyano sa naratibo ng masa, at dalangin ko’y sana mas dumami pa ang mga organisasyon sa DLSU-D na inuuna ang interes ng mga Lasalyano at ng masa. Nasa lansangan ang ating laban. Tinatawag na tayo ng sakwil ng sambayanan—ikaw na lamang ang hinihintay. Ang Lasalyanong lumalaban, makabayan. Marahas na mag-aral, lumaban, at makita ang sarili sa piling ng masa.

Huli ko man itong column, buháy ang kasaysayan na ipagpapatuloy ng mga kapwa kong Lasalyano na tumitindig at lumalaban.

The struggle awaits, Lasallians.

Post a Comment