Back

Meeting the standards

“Hindi nila gusto ‘yan kaya ‘wag na ‘wag mong gagawin ‘yan.”

“Sabi nila maganda raw gawin ito kaya gawin din natin.”

“Matutuwa o magagalit ba sila kapag ginawa ko ito?”

“Ano na lang ang sasabihin ng iba?”

Ilan lamang ito sa mga katagang naiisip ko sa iba’t ibang sitwasyon sa aking buhay. Ipinapakita ng mga ito ang aking personalidad na, sa aking opinyon, ay hindi dapat magkaroon ng ganitong ugali ang kung sino mang tao. Inaamin ko na iniisip ko kung ano ang sasabihin ng iba sa akin tuwing gagawa ako ng desisyon. Nakadepende sa tanong, iniisip ko kung ano ang sasabihin ng aking mga magulang, mga kapatid, kaibigan, at kahit sinuman, kakilala ko man o hindi. Sa ilang taong pumumuhay natin sa mundo, marami na tayong taong nakasalamuha. Halos araw-araw na may nae-encounter akong ganitong sitwasyon. May mga experience ako na ‘yong ibang tao ay pinipilit akong gawin ‘yong gusto nila na para pumantay sa standards nila. Kaakibat nito ang iba’t ibang responses na aking ginagawa sa uri ng sitwasyon na sangkot. Halimbawa, ginusto ng pamilya ko na BS in Accountancy ang kursong kuhanin ko. Sumangayon ako dahil gusto ko rin itong kursong ito at dahil alam kong gusto nila ‘yon para sa akin dahil iniisip lang nila kung ano ang nakabubuti para sa akin. Isa pa ay ang paggawa ng desisyon sa pagpili sa mga damit na sinusuot ko. Minsan ay nasasabihan ako ng mga kapatid ko na “‘wag mong isuot ‘yan, hindi naman bagay sayo ‘yan.” Kung minsan ay pinakikinggan ko sila dahil tine-take ko ito bilang advice lamang, ngunit kadalasan naman ay nagsi-stick ako sa ideya ko na susuotin ko ang gusto kong suotin at hindi na ako nagpapalit pa ng outfit.

May iba ring sitwasyon na nagi-involve sa standards ng ibang tao. Halimbawa na lamang ay ang iba’t ibang sitwasyon na nangyayari sa loob ng eskuwelahan. Sa pagpapasa ng mga bagay na subjective ang pag-grado tulad ng mga essays, artworks, at iba pang proyekto. Maaaring magandahan ang isang propesor sa gawa mo at bigyan ka ng perfect score dahil na-meet mo ‘yong standard niya ngunit maaari ring hindi niya ito magustuhan at bigyan ka ng mababang marka dahil hindi mo na-meet itong standards niya. May ibang propesor din naman na bibigyan ka ng mababang grado sa class performance dahil hindi mo na-meet mo ‘yong standard niya na pagre-recite at pagiging active sa klase. Isa pang halimbawa ay ang nagaganap tuwing eleksyon. Ang mga ipinapakitang kilos ng isang kandidato ay nakabase sa kung anong magugustuhan ng mga tao. Ginagawa nila ang mga iniisip nilang makakapantay sa standard ng mga botante. Sa kabilang banda, ang ibinoboto ng isang botante ay ang kandidatong pasok sa standards niya, na mamumuno nang tama at para sa tao at may maidudulot na maganda at makatarungan sa ating bansa. 

May mga sitwasyon ding required ang isang tao na sumunod sa standard o mag-please ng tao. Halimbawa na lang nito ay ang pagp-please at pag-sunod sa requirements ng isang job applicant sa isang job application. Ginagawa niya ‘yon para makuha ang trabahong ina-apply-an niya.

Hindi mo kailangan pumantay sa standards ng iba kung hindi mo gusto o kung labag sa loob mo.

Ika nga, “you don’t have to please everyone.” Ang punto ko ay dapat pakinggan natin ang sarili natin. Ngunit, dapat din nating alamin kung kailan tayo makikinig sa iba dahil may mga sitwasyon ding kailangan natin ng gabay ng ibang tao. Depende lahat ito sa sariling sitwasyon ng bawat tao, tulad ng mga halimbawa ng mga nabanggit ko kanina. Hindi naman mali ang magtanong para sa opinyon ng ibang tao o isipin ang sasabihin ng iba. Maaaring nagagawa lang natin iyon dahil gusto nating maka-sigurado na magiging positibo ang epekto ng ating mga mga desisyon, hindi lang para sa ikabubuti ng ating sarili kundi pati na rin para sa ikabubuti ng ibang tao.

Nasa tamang pag-iisip na tayo. Alam na natin kung ano ang pagkakaiba ng tama sa mali. Alam na dapat natin sa ating mga sarili ang dapat at nararapat na gawin sa iba’t ibang sitwasyon. Hindi mo kailangan pumantay sa standards ng iba kung hindi mo gusto o kung labag sa loob mo. Basta laging tandaan: gawin mo lang ang gusto mong gawin hangga’t wala kang tinatapakang ibang tao.

Post a Comment