Back

Tubong Botante

“Dalawang lata ng sardinas, tatlong supot ng maggi [instant noodles], limang kilong bigas.”

“Sa isang tao?”

“Sa isang pamilya man yon.”

“Tapos? Anong kapalit ng mga yon?”

“Ay, di…iboto na namin ulit sila sa susunod.” 

Matipid at mahinang halakhak ang sumunod, kasabay nang marahan niyang pagyuko.

Sinundan ko ang kanyang mga mata patungo sa damong kanyang pinapagpag upang maalis ang bundol ng lupang nakakabit sa ugat nito. Pagkatapos, itinapon ang ginamas sa tambak ng berdeng talahib na nasa kanyang tabi.

“Pera? Wala ba silang binibigay na pera?”

“Wala man. Yung sa kabilang partido, ay meron wari.”

“Sinong kabilang partido?”

“Yung doon kay Kapitan Ludencio. May mga Kaibigan man doon na may pera minsan, kaya man nanalo iyon.” Muli siyang ngumiti, ngunit sa pagkakataong iyon, wala na itong tunog.

Bigla siyang tumayo sa pagkakaupo upang yakapin ang mga nagamas na damong kanina niya pa iniipon. Binuhat niya ito patungo sa hinukay na butas kung saan nakasilid ang lahat ng mga nilinis niya sa bakuran ngayong araw para sunugin mamaya. 

Humahapon na rin, nag-uumpisa nang pumanhik ng mga manok sa taas ng mga punong-kahoy sa maliit na sityong napupuno ng yaman at sikreto. Maya-maya’y sisilong na ang araw sa likod bundok na nasa pagitan ng dalawang probinsiyang hitik sa mina at kultura.  

Lagpas sa kalahati na rin ang bahagi ng bakurang kanyang kinakalbo. Hinintay ko siyang makabalik sa kanyang pwesto upang ituloy ang paggagamas.

“Dito kay Kagawad Manuel, anong natanggap niyo noong election?”

 “Ay, pak-kain talaga. Yan! At tsaka bigas! Pero…”

“Pero?”

“Matulog din kami sa kanila pagka-gabi bago ang eleksyon ay!” Umiiling-iling niyang sagot.

Dumukot siya sa kanyang bulsa upang kunin ang maliit na pitakang gawa sa halamang nito. Disenyo pa lang, alam mo nang siya ang nagmamayari. Tinanggal  niya ang takip sa parihabang katawan nito na bordado ng kulay itim na mga pahigang linya, nangingintab sa naghalong barnes at alikabok. Inilabas niya ang madungis na supot upang kumurot ng kaunti sa kanyang baon. Isinilid niya ito sa mga gilagid, at marahang nginuya. Maya-maya pa’y idinura ang kanyang isinubo at hinayaang tuyuin ng lupa ang kulay kahel niyang laway — singkulay ng kanyang mga ngiping walang bakas ng pagka-rupok. Agad niyang ibinalik ang pitaka sa tagiliran, at nagpatuloy siya sa pagbunot ng mga damo.

“Bakit niyo kailangang matulog sa kanila?”

Hindi niya pa man nasasambit, tila rinig ko na ang kanyang sasabihin. Ngunit, hahayaan ko siyang isalaysay ang kwentong pinagbibidahan ng kanyang pagkatao, maski ng kanyang lahi. Nakakalungkot na ako lang ang panauhin niya ngayon.

“Ay, syempre. Iyon naman ang sabi nila para kami ay matulungan daw sa pagboto.”

Matulungan, o madiktahan? Bigla akong nalito nang marinig  ko ang kanyang sagot.

         “Edi, madami kayong natutulog sa bahay ng kandidato?”

“Ay, Oo! Kami bababa ng bundok talaga. Halos kalahati ng tribu yan, at yung iba naman ay doon sa kabilang partido pupunta.”

         “Tapos?”

“Magtitipon kami sa labas ng bahay nila. Magdamag yan ay! Para sa umaga ng eleksyon, punta doon sa eskwelahan, doon na magboto.”

         “Edi, sinasamahan nila kayo?”

“Ay, syempre! Hindi naman marunong magbasa ang mangyan ay! Tagalog na ang magturo kung sino ang markahan namin doon sa papel.”

Ayun! Naalala ko na ang pinagkaiba!

Bibigkasin ko na sana ang sunod kong itatanong, ngunit tila nawili siyang pag-usapan ang masarap na hapunang minsan sa tatlong taon niya lang natitikman.

“Masarap naman ang pak-kain na ihain sa gabi ay! Busog ang mangyan talaga!” Muli na namang nagkaroon ng masayang tinig ang kanyang ngiti.”

“Talaga?” sinubukan kong pantayan ang pananabik sa kanyang boses. “Ano bang pinapakain sa inyo?” Sa aking kalooban, humiling ako na isa sana itong mamahaling putahe, o di kaya’y isang mahabang-mahabang lamesang punong-puno ng kanin at ulam na para lang sa kanila.  

“Lugaw na kanin na may itlog ng manok. Ay talaga busog ang mangyan mandin!” Muli siyang umiling nang nakangiti, saka tumayo upang itapon ulit ang naipong mga damo sa kanyang gilid.

Hindi ko maiwasang pagnilayan ang aming usapan habang pinagmamasdan ko ang pag-kilos niya. Sa magkakahalong emosyon na aking nararamdaman, iisa ang nangibabaw — panghihinayang. Sana lang, sa kabila ng inosente niyang mga ngiti, makulay na mga labi, kayumangging mga balat, at mga palad na puno ng humihilom na mga sugat, kilala niya ang kapangyarihan na taglay ng kanyang lahi. Dahil sa halos dalawang libong boto na pinapakinabangan ng mga pulitiko dito sa sityo, mahigit pitong-daan ang pag-mamayari nila — porsyentong ika nga ng ilan, mas madaling maimpluwensiyahan.

Hindi ko tuloy maiwasang mapatanong — kung sila ba’y aakayin din sa mundo ng pagkamulat, kung saan magiging maalam sa pagbasa at pagsulat, mararanasan pa rin kaya nila ang naturang “pribilehiyo”? O sadya bang kusang inilalayo sa kanila ang kaalaman, upang tuluyang hindi mabasa at makilala ang mga pangalang ginuguhitan?

Muli siyang umupo upang ituloy ang trabaho sa natitirang bahagi ng dahuman. Napansin kong lumalayo na ang kanyang pwesto sa aking kinauupuan. Malapit na niyang maubos ang tumutubong mga kalat na markado na ang kanyang mga palad. Maya-maya’y tatawag na ang may-ari ng bakurang ginagamasan niya upang ibigay ang dalawang-daang maghapon niyang pinagpaguran. Pumapanaw na nga ang araw, ngunit hindi pa tapos ang kabanatang isinasalaysay niya.

“Pagkatapos ng botohan, saan na kayo pupunta?”

“Ay, edi balik na sa bundok, mag-hanapbuhay na ulit. Balik na naman sa punongkahoy at karot ang pak-kain ay!”

“Wala bang binibigay yung mga binoto niyo?”

“Ay, meron din…may mapabaon na supot.”

         “Anong laman noon?”

“Dalawang lata ng sardinas, tatlong supot ng maggi [instant noodles], limang kilong bigas.”

“Sa isang tao?”

“Sa isang pamilya man yon.”

“Tapos? Anong kapalit ng mga yon?”

“Ay, di…iboto na namin ulit sila sa susunod.” 

Matipid at mahinang halakhak ang sumunod, kasabay ng marahan niyang pagyuko.

Photo by: Jacinth Banite

Post a Comment