Back

Marunong ako mag-drawing pero ayoko maging architect

Originally published in HF Volume 36 Issue 1 

Noong bata pa lang ako, madalas ko ng naririnig sa mga nakatatanda na kapag magaling ka sa pagguhit, tiyak na magiging arkitekto ka paglaki. Para sa kanila,  katumbas ng pagiging arkitekto ang mga salitang tagumpay, yaman, at karangalan. Nakaapekto ito sa pangarap ko habang lumalaki: simula elementarya hanggang hayskul, ito na ang gusto kong kuning kurso sa kolehiyo dahil ‘yan ang sabi ni Mama at gusto ko rin maging mayaman, sino ba namang hindi? Akala ko sapat na mahusay ka lang  gumuhit para maging ganap na arkitekto. Pero tulad ng mga kagaya kong nangarap na maging tanyag na architect maski isang beses sa buhay nila, kailangan din pala ang tiyaga at katalinuhan sa Mathematics sa pag-aaral nito. Pero bilang lumaki akong tamad at ayaw sa lahat ng may kinalaman sa measurements at pagso-solve ng katakot takot na equations, naging mas malinaw sa akin ang lahat: gusto ko lang gumuhit.

Hindi ako pinilit nila Mama na kunin ang Architecture nang kausapin ko sila dahil hindi ko ito kakayanin. Gayunpaman, hindi rin sila pumayag na tahakin ko ang pinapangarap kong kurso, ang Fine Arts. Isa ang mga magulang ko sa milyong milyong magulang sa mundo na ang tingin pa rin sa sining ay isa lamang hobby o interes na hindi praktikal para gawing trabaho dahil wala raw pera dito. Ngayon, ikatlong taon ko na sa Multimedia Arts Major in Graphics Design, pero parang nasa gitna lang ako ng ayaw at gusto kong kurso.

Mahirap pasukin ang industriya ng sining, alam ko. Pero maling isipin na walang pera rito, lalo na kung mula ito sa mga taong hindi naman sakop o binibigyang halaga ang art community. Bukod sa problemang pinansyal, nariyan din ang pagtingin ng iilan na ito ang pinakamaliit na prayoridad ng isang tao – na tila ba isa itong bagsakan ng mga walang malinaw na direksyon at plano sa buhay. Pero sa kabila ng mga ito, hindi nakikita ng marami na kaagapay natin ang sining sa araw-arawmula sa maliliit na bagay gaya ng disenyo ng iyong paboritong damit, packaging ng bigas, tarpaulin ng 7th birthday ng isang bunsong anak, mga street art na pinagmamasdan bilang pang-aliw sa sarili habang trapik sa siyudad, o kahit ang logo ng Pringles na go-to-snack ng Mama mo. 

Sa likod ng lahat ng ito, maliit man at hindi kapansin-pansin ng masa ay mayroong kolektibong artists na nagtulong-tulong para buhayin ang noon ay isang imahinasyon lamang. Lahat ng ito ay may bayad at pinagtatrabahuhan, puno ng puso at dignidad ng manlilikha gaya ng kahit ano mang trabaho na instant ang kayamanan. Kaya kung tingin mo na walang pera sa industriya ng sining, baka isa ka sa mga taong sagad kung makapanghusga sa mga artist, pero hindi naman marunong magbayad. 

Para sa akin, mas madaling makamit ang kumita ng pera pero ang ‘makilala’ at magkaroon ng pangalan sa industriya ang pinakamahirap. Sa panahon ngayon, gamit ang tulong ng teknolohiya, patuloy na nagbubukas ang pinto ng oportunidad sa mga artist –sikat man o nag-uumpisa pa lang, para malayang maibabahagi at ibenta ang mga likha nila sa malaking halaga gaya na lang ng Non-Fungible Tokens (NFTS), commissions, at zines. 

Malaya tayong mangarap pero hindi ito madaling panagutan at tuparin. Isang pribilehiyo ng isang artist na magkaroon ng magulang na suportado sila mula sa kurso na personal nilang pinili– sa pagbili ng mga kailangan nilang materyales, tulong pinansyal sa pag-aaral, at taos pusong pagsuporta sa kanilang pangarap. Gayunpaman, hindi ko sila masisisi dahil alam at naiintindihan  ko ang pinaghuhugutan nila. Hindi naman ito linya lang na madaling ituwid o maaayos sa isang usapan.

Gaya ng proseso ng paglikha, hindi diretso at hindi laging nakukuha ang plano sa umpisa. Isa itong paalala na sa pagbuo at pagguhit ng ating mga pangarap, hindi laging tuwid ang proseso sa pagkamit nito.   

Naghihintay pa rin ako sa araw na maintindihan ni Mama ang uri ng aking sining nang walang panghuhusga at pag-aalinlangan – na bagamat marunong man ako mag-drawing, hindi ko gusto o maging arkitekto. 

Post a Comment