Back

Walang pera sa Pilosopiya

Sa ating pagtahak tungo sa buhay kolehiyo, kalimitan tayong  pumipili ng kurso batay sa pansariling hilig, kasanayan, o di kaya’y kung ano ang praktikal at nakapagbibigay ng maayos na trabaho sa hinaharap. Isa ang Pilosopiya sa mahabang listahan ng mga kursong kinukuha bunsod ng  personal na hilig at hindi dahil sa praktikal na rason. Marahil, bunga ito ng patong-patong na mga aspeto – mula sa personal na pag-aalinlangan hanggang sa idinidikta ng kumbensyunal na lipunan. Dahil sa industriyang ito, tila ordinaryo at prominente ang linyang marahil na pinangangambahan ng kahit sino: “Walang pera sa Pilosopiya.”

Para sa isang mag-aaral ng pilosopiya na tulad ko, tanggap ko ang katotohanan sa likod ng mga katagang ito dahil mahirap ilugar ang napag-aralan para sa iisang tiyak na trabaho sa lawak ng maari nitong taglayin. Kaliwa’t kanan man ang oportunidad na pwedeng tahakin pagkatapos ng taon-taong pagdadalubhasa sa paaralan, hindi maikakaila na  walang katumbas at direktang propesyon sa industriya ng pamimilosopiya. Kaya’t tunay na hindi natin masisisi sa mga mag-aaral kung bakit sumasagi sa kanilang isip ang mga walang katapusang tanong kung alin ang praktikal na kurso at alin ang hindi. Ito rin ay bunga ng mahaba at malalim na ugat ng neoliberalismo sa ating edukasyon – ang pagkundisyon sa atin ng sistema sa pamamagitan ng kurikulum na mas binibigyang pansin ang mga kakayahang nakatuon lamang sa pagpapatakbo ng mga korporasyon kaysa sa paglinang ng kabuuang kamalayan ng mga mag-aaral.  Kasabay na rin nito ang pagpatay sa kultura ng kritikal na pag-iisip na siyang pumupuna sa maling patakaran ng kasalukuyang sistema, kasama na ang edukasyon. 

Ngayon, ano nga ba ang maibigigay ng larangan ng pilosopiya? Bukod sa matibay na pundasyon na maaaring magamit sa law school, binigyan ako ng kursong ito ng pundamental na pang-unawa sa katotohanan. Tila bang nagiging natural na pag-isipan, kwestyunin, at kilatasin ang lahat ng bagay na nakakasalamuha bago ito tanggapin sa ating pansariling sistema. Dahil dito ay mas nahuhubog pa ang ating pagkatao, at natural na susunod na ang patuloy  paglawak ng ating pag-unawa sa ating buhay, at ang buhay kasama ng iba pang namumuhay. 

Ngunit hindi natatapos sa larangang pang-akademiko ang maibibigigay ng Pilosopiya. Sabi nga ni Padre Roque J. Ferriols, S.J, “sapagkat ang pilosopiya ay ginagawa.” Ibig sabihin, ang kursong ito ay hindi lamang tumitigil sa pag-analisa, pag-iisip, at pagmumuni-muni ngunit ang lahat ng mga bagay na pinagyaman sa pamamagitan ng pag-iisip ay nararapat lamang maisakatuparan. Nararapat lamang na maibaba natin sa masa ang lahat ng natututunan upang makabuo tayo ng isang pulido, at natatanging kamalayan bilang Pilipino at bilang tao sa mundo. 

Ang mga layuning ito ay madadala sa iba’t-ibang oportunidad pagkatapos nating harapin ang pilosopiya sa akademikong anyo. Sa lawak ng sakop nito, kahit na walang propesyon na katumbas ay hindi malilimitahan o makukulong sa iisang bagay lamang ang ating kakayahan. Kung kaya’t hindi dapat tingnan bilang isang negatibong bagay ang kalawakan nito kundi isang pagkakataon na dalhin pa ang natutunan sa iba’t-ibang larangan. 

Ang bunga ng lahat ng pagsisikap na ito ay tila higit na mas masarap pa sa yaman o pera na ating makakamtan.

Ang makita na ang lipunang kinabibilangan ay may mayaman na kamalayan, at ang bawat isa ay ginagampanan ang kani-kaniyang tungkulin upang maging isang mabuting kapwa ang magdadala sa atin sa magandang kinabukasan na inklusibo at para sa ating lahat.

Post a Comment