Aklat ng Mga Gunita: Isang pagtingin sa tradisyunal na hilot at panggagamot
*The verses used by the writer are simply creative depictions inspired by the paragraph style of the Bible in order to depict the following narrative through prose.
“Sa ngalan ni Hesus. Sa ngalan ni Nazareno…”
1 Mga Gunita 12:13-15
[12] 13Hinaplos niya ang katawan ng babae at sinabi niya: “Tanggapin mo ang ipinagkaloob ko sa iyong milagro. 14Bigkisin mo ang bawat isa patungo sa isang mapayapang pananampalataya at nang sa ganoon ay magbunga ang aking mga plano para sa sanlibutan.” 15Iniabot ng babae ang kanyang mga kamay na mistulang pag-aalay. Lumiwanag ang langit at siya’y nawalan ng malay.
***
Mahigit animnapung taon nang naninirahan sa isang liblib na bukirin si Aling Marta** sa lungsod ng Cavite. Dito na siya namulat at nakipagsapalaran sa isang mapanganib na mundo. Nasaksihan niya ang pag-usbong ng industriyalisasyon sa lugar na kanyang kinalakihan—ang mga dating sakahan at palayan ay nagpunla ng mga establisyimentong tumubo sa pag-usbong ng bawat henerasyon. Kasabay niya ang kasaysayan sa paghulma ng lugar.
Hindi nakapagtapos ng pag-aaral si Aling Marta kaya ganoon na lamang ang kanyang hikahos at sigasig sa araw-araw na pamumuhay. Sa kabila nito, nagawa niyang itaguyod ang kanyang pitong anak—isang namatay dahil sa malubhang aksidente sa La Union—sa pamamagitan ng paglalako ng samu’t-saring mga prutas at gulay. Trenta anyos siya noong nagsimulang maglako, at suungin ang init ng noon pa’y probinsya upang matustusan ang pangangailangan ng pamilya. Labintatlong taon ang dumaan, binawian ng buhay ang kanyang asawa dulot ng impeksyon sa atay. Gayunpaman, patuloy na gumulong ang buhay ng kanyang pamilya, ngayon pang may mga asawa na ang kanyang mga anak, at nagbunga ng mga apong kanyang inalagaan. Lumipas ang panahon at ang mga gulay ay nag-iba. Huminog ang mga prutas. Lumawak at bumigat ang kanyang pinapasang bilao. Lumakas ang kanyang mga kamay at ang dating hamak na magaspang na balat nito ay nagdudulot na ng milagro.
***
1 Mga Gunita 12:16-18
16Nang magising ang babae, agad itong naglakbay papuntang kanluranin. Walang saplot ang kanyang mga paa—binaybay niya ang mainit at mahanging disyerto upang makauwi sa kanyang tahanan. 17Sa kanyang paglalakad, lumiwanag ang kanyang mga kamay; maging siya’y nasilaw at nasindak sa kanyang nasasaksihan. 18Nagugulumihanan, napaluhod na lamang ang babae sa gitna ng kagiliran. Kasabay ng kanyang pagtangis ay ang mga pangyayaring hindi niya maintindihan.
***
Pumunta noon sa Quiapo ang mag-asawa upang ipagdasal ang karamdaman ng padre de pamilya. Madaling araw pa man ay ginising na ni Aling Marta ang kanyang asawa upang lumuwas ng Maynila. Lingid sa kanyang kaalaman, ang pagsisimba sa araw na iyon ang tuluyang babago sa kanyang pagkakakilanlan. Ang isang ordinaryong maybahay ay naging isang mistulang propeta.
Ang simpleng pananampalataya ay naging hudyat upang taglayin niya ang isang kakaibang lakas.
“Ginising ako ng Nazareno,” ani ni Aling Marta. Simula noong araw na iyon ay naramdaman niya ang kanyang kakayahan sa panggagamot. Maging siya’y inabot ng mahigit isang taon upang tanggapin at maintindihan ang tinamong milagro mula sa Nazareno. Ikinubli niya nang matagal ang pangyayaring iyon, ngunit maging siya’y hindi nakatakas sa himalang kanyang nasaksihan.
“Pag-uwi ko [sa amin], ayoko pang aminin. Ayoko pang tanggapin [ang] panggagamot ko. ‘Pag ako’y hindi nanggagamot, nagkakasakit ako.” Nakatindig niyang binigkas ang mga katagang ito. Hindi malinaw kung ano nga ba ang nangyari noong araw na iyon kay Aling Marta.
“Para ba ‘yong nabuang. Para bang nakalimot.” Ganito na lamang inilarawan ng matanda ang nangyari sa kanya habang nakasilong sa simbahan ng Quiapo. Bakas sa kanyang mga mata ang sariwang ala-ala na pilit niyang ginugunita. Para sa kanya, isa na lamang itong kaganapan na nagtulay upang ang kanyang mga ordinaryong kamay ay magbigay ng pag-asa at lakas sa mga taong lumalapit sa kanya, at sa kanyang matibay na pananampalataya.
***
1 Mga Gunita 12:19-21
19Kumalat sa baryo ang nangyaring milagro sa babae. Naging usap-usapan ang mga kababalaghan na nagyari noon sa oasis. Marami ang nagtiwala, marami ang namangha, at marami rin ang hindi naniwala. 20Hindi kinaya ng babae ang kanyang mga naririnig, kaya’t nagkulong na lamang siya sa kanyang silid. Tumatangis sa tuwing naiisip ang isang mistulang sumpa na sumanib sa kanya. 21Sa gabi, nagliliwanag ang mga mga kamay niya. Magigising na lamang siya sa mga bulong at sa mga ingay na hindi niya mawari.
***
“Una kong ginamot [ang] pamilya ko.”
Matapos niyang matanggap ang kanyang taglay na kakayahan, dumagsa na ang mga tao sa tahanan ni Aling Marta. Sa tulong ng mga saling-dila at usap-usapan, kumalat na ang kanyang pangalan sa lugar. Dinarayo na siya ng mga taga-karatig na probinsya mula Batangas, Laguna, at maging mga taga-Maynila.
“Kapag ang bata’y galing ospital at may sakit pa [rin], sa akin dadalhin. Hihilutin ko lang ‘yon. Tatawasin ko.” Walang nagturo sa kanya ng pangagagamot. Walang sinuman ang nagpamana ng isang milagro na naging daan upang bigyang katauhan ang pag-asa. Tanging ang Nazareno lamang ang kanyang naging sandigan. Ipapaabot niya sa pasyente ang rebulto nito at kanyang ibubulong: “Sa ngalan ni Hesus. Sa ngalan ni Nazareno, pagalingin mo ang taong ito.”
Gumagamit rin siya ng langis ng niyog at Akura, isang uri ng espesyal na langis, upang hilutin ang mga nagpapagamot sa kanya. Mga herbal medicines kagaya ng dahong tahibo, lagundi, bignay, at dahon ng guyabano naman ang kanyang iniluluto o nilalaga upang gamutin ang iba’t-ibang uri ng sakit. Kung susuriin, marahil ay mahirap paniwalaan ang mga ganitong klase ng paraan upang lunasin ang mga karamdaman ggunit para kay Aling Marta, higit pa sa mga dahon at langis ang kanyang pangagagamot—pagka’t naniniwala siyang isa siyang instrumento ni Nazareno upang pagalingin ang mga taong may dinaramdam sa kanilang katawan, kaya ganoon na lamang katibay and kanyang pananampalataya niya rito.
Simula noong namulat siya sa Simbahan ng Quiapo, naging isang masugid na deboto na si Aling Marta ng Nazareno. Tuwing pista nito ay lumuluwas siya ng Maynila. Marami rin ang nakakakilala sa kanya sa lungsod, kaya’t mayroon pa ring mga taong humihing ng tulong sa kanya upang pagalingin ang kanilang mga karamdaman. Hinihimok din niya ang kanyang mga ginagamot na maniwala sa Nazareno, sapagkat para sa kanya, wala nang mas mabisang lunas kundi ang isang malakas na pananampalataya.
***
1 Mga Gunita 12:22-25
22Isang gabi, habang naghahapunan ang babae at ang kanyang pamilya ay may isang ketongin na lalaki ang kumatok sa kanyang tahanan. Pinagbuksan niya ito at pinapasok sa kanyang tahanan sa kabila ng karamdaman nito. 23“Nalaman ko na may milagro ang iyong mga kamay. Ako’y nagbaka-sakali kung maaari mo akong pagalingin,” ani ng ketongin na may hiya at pagaalinlangan sa kanyang pagmamakaawa. Nagdalawang-isip ang babae kung tatanggapin niya ang pakiusap ng lalaki. Ngunit bigla na lamang niyang inilapat ang kanyang kanang kamay sa ulo nito. 24Pumikit ang milagrosong babae at bigla na lamang itong naghina matapos ang ilang sandali. “Humayo ka at maglakad nang matuwid. Ikaw ay hinilom na.” 25Nagpasalamat ang lalaki, at gaya ng ipinag-utos ng babae, lumisan ito dala ang isang panibagong kinabukasan at pag-asa.
***
Kung ating babalikan ang pre-colonial na yugto ng ating kasaysayan, mababakas na noon pa man ay umiiral na ang konsepto ng panggagamot gamit ang mga herbal na medisina at paniniwala sa mga diyos at anito ng mga Babaylan. Sa pagdaan ng mga dekada ay nanatili pa rin ang ganitong kultura sa ating lipunan. Liban sa kultural na kalagayan, mayroon ring panlipunang-politikal na anyo ang sinasalamin ng pamamaraan ng panggagamot.
Sa kabila ng pagka Christian-ize ng ilang bahagi ng Pilipinas, nananatili pa rin ang ganitong tradisyon lalo na sa mga probinsya o kanayunan. Marami pa ring mga mangagagamot at albularyo ang naninirahan sa mga liblib na lugar upang magbigay ng serbisyo sa mga barrio at bayan na hindi naaabot ng serbisyong pangkalusugan.
Kung susuriin, hindi lamang umaangkla ang mga ganitong paraan ng panggagamot sa kultural at panlipunang perspektiba. Sinasalamin rin ng ganitong kultura ang mabigat na pagkukulang ng gobyerno upang ipaabot sa masang Pilipino ang serbisyong pangkalusugan. Sa kabila ng mg proyekto ng gobyerno artikular na ang Kagawaran ng kalusugan upang mabigyan ng health insurance ang bawat Pilipino, malaking tipak pa rin ng populasyon ang hindi nakakaranas na makapagpagamot o kahit magpatingin sa doktor lalo na sa mga rural at kabundukan ng bansa. Dulot na rin ito ng kakulangan ng pondo para sa pampublikong kalusugan at kakulangan ng mga doktor sa bansa.
Dahil dito, maraming mga Pilipino ang lumalapit sa mga tradisyonal na manggagamot o albularyo upang magpasuri at magpalunas ng kanilang mga karamdaman. Bagamat marami nang herbal na medisina ang siyentipikong napatunayan na nakakapagpagaling ng ilang sakit, ang mga banal na paniniwala patungkol sa mga milagro at himala ay hindi pa rin pinapatunayan at kinikilala ng iilan.
***
1 Mga Gunita 12:26
26“Matagal ka nang nakatakda,” ani ng lalaking nababalutan ng liwanag. “Ang iyong pagtanggap sa iyong misyon ay hudyat ng paghahanda ng sanlibutan. Itinadhana ang iyong kapalaran, at gaya ng mga buhangin sa disyerto, ikaw ay patuloy na tatangayin ng hangin patungo sa walang hanggan.” Nawala ang puting liwanag, at kasabay nito ay ang mga pag-aalinlangan sa kanyang isipan.
***
“Inaamin ko sa iyo ang buong katotohanan. Hindi ako [nagsisinungaling].”
Marahil nga ay totoo ang mga paniniwala ni Aling Marta. Marami na rin sa mga nagamot niya ang nakapagpatotoo sa kanyang mga misteryo. Marahil rin ay hindi nagsisinungaling ang sistema. Ang realidad na sa likod ng mga tradisyon at paniniwala ng masa ay ang panlipunang krisis na kumikitil sa buhay ng iilan.
Sapagkat kung mayroon man na isang sakit ang hindi magagamot ng mga katulad nila Aling Marta, iyon ay ang kritical na krisis ng serbisyong pangkalusugan ng bansa.
**Not her real name