Ang dapat marinig
“Anak, gusto ko lawyer o engineer ka.”
“Anak, gusto kong ikaw ang mamahala ng business natin.”
“Anak, gusto ko maging magaling kang basketball player.”
***
Habang ako’y nagso-scroll sa aking Facebook feed, nakita ko ang pahayag ni Lavar Ball, isang sikat na comedian⎯este⎯tatay ng isang 2nd pick sa 2017 NBA Draft. Sinabi niya roon na isa sa tatlong kahanga-hangang anak sa larangan ng basketball ang hindi na makapapasok sa NBA. At inisip ko kung ano ba talaga ang rason sa pagsalang niya rito. Doon, napagtanto kong ilan sa mga magulang ay pinipilit ang kanilang mga anak para lamang sa sarili nilang kagustuhan.
Mula pagkabata, ang ating mga magulang ang nagsilbi nating guro sa mga hamon, pati na rin ang pananaw na hindi pagbalewala ng mga biyaya sa buhay. At dahil doon, malaya silang nakikibahagi sa ating mga desisyon⎯at minsa’y sila na rin ang nagdedesisyon nang wala man lang pagsasaalang-alang ng damdamin natin. Hindi sa wala silang karapatan gawin ito subalit dalawang magkaibang bagay ang paggabay at ang pagkontrol.
Isang sikat na halimbawa ng epidemyang ito ay ang pagpili nila ng karerang kukunin nating mga anak. Palitan natin ang “Mothers know best” ng “Parents know best”. Alam nating lahat na sila’y mas dalubhasa sa pagde-desisyon natin sa buhay. Sabihin na rin nating kapag tayo’y nagkakamali, nagkakaroon tayo ng magagandang enlightenment galing sa mga magulang natin. Ngunit hindi lahat ng magulang ay laging tama at may ganitong hangarin—kahit sa malawak na mundo ng mga atleta. Kahit saang larangan, ang matuto sa sariling paa ay isang napakahalagang kasanayan subali’t hindi natin ito makakamtan kung tayo’y parating nakadepende sa iba.
Ikumpara natin ito sa zombies sa pelikulang “Warm Bodies.” Ang mga zombie sa pelikula ay kilala dahil sa kaniyang hindi mapigilang hunger na kailangang mapunan kasabay ang memoryang nakukuha nila sa mga biktimang tao. Ang kanilang mga anak naman ay ang mga survivor na nagpupursigi para sa maayos na buhay. Dahil sa mga memoryang ito, kinaiinggitan nilang mabuhay muli⎯maging bata muli⎯habang kumakain sila sa huwad na pag-asang maitataguyod ang mga pangarap nila. At sa memoryang iyon⎯sa karera ng kanilang anak⎯sila’y naibabalik muli. Mapapatanong ka na lang ng “Sino nga ba ang bata? Sino ang dapat tugunan ng pangangailangan?” Ngunit sabi nga sa classic dystopian novel na Nineteen Eighty-Four ni George Orwell, “We are the dead. Our only true life is the future. We shall take part in it as handfuls of dust and splinters of bone.”
Ang matuto sa sariling paa ay isang napakahalagang kasanayan subali’t hindi natin ito makakamtan kung tayo’y parating nakadepende sa iba.
Hindi masamang gamiting hunger ang nakaraan para sa kinabukasan, masama lang ito kapag hinayaan mong sakupin na nito ang kasalukuyan. Kung gagamitin natin ito, piliin natin ang mga piraso na makatutulong hindi lang para sa ating sarili ngunit sa taong nasa paligid natin⎯lalo na kung ang mga taong ito ay kadugo natin.
Marahil ay nabubulag lamang sila sa pag-iisip kung ano ang makabubuti sa kanilang mga anak. Maaari rin namang sila’y isang helicopter parent na parang isang rescue team na nandiyan kahit ang sugat mo’y singliit ng lapad ng karayom. Ito ang dinanas ni Eric Lindros, isang hall of famer ng sikat na patimpalak ng hockey sa National Hockey League (NHL). Sa kamay ng kaniyang mga “gabay”, ipinaranas kay Lindros ang pag-utos sa dating NHL at junior hockey league team na huwag piliin ang kanilang top prospect na anak sa draft, maging malayo sa kaniyang organisasyon, pag-reklamo sa sistema ng paglalaro ng kaniyang koponan, at, higit sa lahat, pag-apekto ng kanilang mga pinsala sa pagpili sa kay Lindros bilang hall of famer ng naturang isport.
Siguro ay isa rin itong kaso ng prinsipyo ng “doublethinking” o ang pagsang-ayon at hindi pagsang-ayon sa isang bagay sa parehong oras. Maaring iniisip nilang ang pag-kontrol ay makabubuti sa atin⎯o sa kanilang sariili nang sa gayo’y hindi na sila makakawala rito, maliban lamang kung tayo mismo ang gigising para labananan ang sumpang ito.
Malay pala natin, ang atletang nabuhay sa represyon ay ang dapat na susunod sa yapak ni Lea Salonga, ng SUD, ni Pia Wurtzbach, o ni Kuya Will⎯na may sariling will.
***
“Anak, gagabayan kita sa kung ano ang gusto mo.”
Hindi ba’t mas masarap marinig ang mga katagang ito mula sa kanila?