Back

Ang hindi pinapahalagang berde

Dalawang beses ko nang napapanood anh inaabangang basketball finals ng Intramurals sa DLSU-D dahil kino-cover ko ang mga ito bilang isang sports writer. Nakikita ko ang tila berdeng dagat ng College of Engineering, Architecture, and Technology (CEAT). Ino-obserbahan ko ang maliliit na detalye tulad ng malulupit na lay-up ng mga manlalaro, iba’t ibang away, palitan ng three-pointers na nagpapasigaw sa magkabilang panig, at mismong mga manonood. Kung ikukumpara mo ito sa mga laro ng Patriots, makikita mong malayo ang pagkakaiba. Sa paglalarawan ko pa lang sa mga manonood bilang “a sea of green”, agad na makikita ang malaking pagkakaiba ng isang Intramurals game at ng Patriots. Kagaya ng Intramurals, ang mga laro ng Patriots ay maaksyon at mainit rin. Subalit ang pinagkaiba nito, tila walang sumusuporta sa kanila maliban ang kanilang mga pamilya, physical therapists, janitors, at ang kanilang mga sarili. Sila ay tila hindi kilala ng kanilang mga kapwa Lasalyano.

Kung bibigyang pansin ang ating basketball women, makikitang minsa’y halos isang daang puntos ang kanilang lamang sa kalaban. Sa volleyball women at men naman natin, minsa’y straight set ang kanilang mga kalaban. Kung manonood kayo ng kanilang mga laro, lalo na ang mga dikitang laban, madadala ka sa emosyon mo kahit walang tao na para bang ikaw ang mismong kasama nila sa paglalaro. Bukod sa mainit ang laban ay kasi nga, kaunti ang tao—walang “sea of green” na madalas nating nakikita sa Intramurals. Samantala, ang ating athletics at swimming team ay humahakot ng napakaraming medalya sa mga nakaraang taon. Hindi na ako magbabanggit pa ng iba. May sari-sariling hakot ng medalya ang bawat pangkat. At kasing exciting rin ito ng mga laro sa Intramurals.

Isa lamang din ang napapansin ko, isang stereotype ng mga Lasalyano sa ating mga atleta ay ang palagi nilang pagkasawi sa mga laro—na nagpapakita lamang ng kakulangan ng mga ito sa sapat na kaalaman tungkol sa Patriots. Kung maaari na lamang ibato sa kanila ang mga tropeyo ng mga atleta.

Kamakailan lang ngayong taon, naging kampeon ang ating basketball women sa National Capital Region Athletic Association (NCRAA) at kasalukuyang nanguguna sa national level sa Private Schools Athletic Association (PRISAA). Ang volleyball men naman ay nakakuha ng pangatlong puwesto sa PRISAA Nat’ls. Bukod rito, ang volleyball men ace na si Eddiemar Kasim ay siyang nakapasok sa 25-man pool ng Men’s National Volleyball Team ng Pilipinas. Maraming napanalunan ang mga atletang ito tulad nga PRISAA, NCRAA, University Games, at iba pang lokal na sinasalihan nilang liga. Kahit nga sa ibang bansa ay nakikipagsabayan ang ating mga atleta. Kagaya na lamang ng nagtapos na longjumper na si Felyn Dolloso. Noong nakaraang taon lamang ay lumaban ang long-jumper sa Taipei. Tila minamani lang nito ang mga lokal na liga. At ang mga nabanggit ko’y iilan lamang sa mga napanalunan ng ating Patriots, na matinding pinaghahandaan ng ating varsities. Biruin mo, maaga silang gumigising para sa kanilang ensayo tuwing ala singko ng umaga, habang ang iba nama’y lumiban pa sa kanilang klase upang ibandera ang pangalan ng DLSU-D sa ibang lugar at lumaban. Halos araw-araw sa isang buong taon silang lumalaban kasama ang hangaring mapagtagumpayan ang mga laban, hindi lang para sa kanilang mga sarili ngunit para na rin sa ating unibersidad.

Kung kaya natin punuin ang ULS tuwing Intramurals, kaya rin nating mapuno ito tuwing may laro ang Patriots

Habang sila’y nagsasakripisyo’t nag-aalay ng kanilang pawis at dugo, hiling ko rin lamang na nawa’y hindi lang dapat sa estudyante mangagaling ang suporta, sana ay sa taas rin bukod pa sa suportang pang-pinansyal. Alam nating kailangan din ng pagkilala sa ating mga atleta upang sila ay mas mabigyang pansin ng nakararami, lalo na ng ating mga estudyante. Ito ay dahil kasabay nito ang mas maraming oportunidad na mabibigay hindi lang sa loob ng eskwelahan na ito, ngunit pati sa labas. Simpleng paglalagay ng tarpaulin sa mga lugar kung saan madalas na naglalagi ang mga estudyante ay malaki na ring ambag.

Mula sa nabanggit kong stereotype ng mga Lasalyano sa atleta, sa tingin ko ay  mas tinitingnan natin ang pagkatalo ng ating Patriots. Totoo nga, sumasalamin ito sa lipunang ginagalawan natin. Ngunit ang pagkatalo ay kasama sa proseso. Hangga’t hindi natin pinapahalagahan ang pagkatalo, hindi natin maapapahalagahan ang pagkapanalo. Ang pagkawala ng isa ay pagkawalan ng esensya ng isa.

Isang salik ng laro ay ang audience. Kaya may tinatawag na homecourt advantage. Ngunit sa napapansin ko, hindi man lang napupuno ang mga upuan sa Ugnayang La Salle (ULS) kahit may laro ang mga Patriots dito. Kung kaya natin punuin ang ULS tuwing Intramurals, kaya rin nating mapuno ito tuwing may laro ang Patriots.

Post a Comment