Back

Ang kabalintinunaan ng pribilehiyo

Makalipas ang isang araw bago ko isulat ang column na ito, nakita ko ang isang hilera ng mga bulok na melon na pilit ibinebenta sa supermarket. Naisip kong ilang oras na lang siguro ang nalalabi nito sa merkado bago ito tuluyang itapon. Nakakahiya nga namang i-display ang mga bulok na pagkain sa pamilihan—sino nga namang kakain o magkakainteres sa pagkaing bulok? Sa libu-libong produktong ibinebenta sa pamilihan, hindi ko lubos maisip kung gaano karami ang mga pagkaing itinatapon sa ating likuran.

Lingid sa kaalaman ng karamihan, hindi lang libo, ngunit 1.3 bilyong tonelada ng pagkain sa buong mundo ang nasasayang kada ayon sa Food and Agriculture Organization ng United Nations. Isang kabalintunaan habang tayo’y patuloy na nabubuhay sa mundong pinalalagihan ng 795 milyon sa 7.3 bilyong katao sa buong mundo na nagdurusa sa chronic undernourishment ayon sa World Hunger; habang sa Pilipinas, may 3.1 milyong katao ang nananatiling gutom ayon sa isang sarbey na ginawa ng Business World.

Ayon kay Annie Leonard, isang American sustainability advocate at kritiko ng konsumerismo, sa loob ng anim na buwang shelf life ng ilang pagkain sa merkado, 99 porsiyento ng mga bilihing pagkain ang itinatapon dahil nabubulok na ito o di kaya’y hindi na sing-sariwa nang una itong ibenta. Ibig sabihin, isang porsiyento lamang ng bilihing pagkain ang nakokonsumo ng mga tao.

Bulok na ang sistema ng komersiyalismo, huwag na tayong dumagdag sa baho na nilalabas nito

Ngunit hindi dito nagtatapos ang waste production. Sa kanya-kanya nating tahanan masisilayan natin ang non-sustainable waste patterns. Ang reuse, reduce, recycle na kinalakhan natin ay tila mga salitang hindi na masinop na nasusunod dahil sa kawalan ng disiplina, kasabay ng impluwensiya ng komersiyalismo kung saan ang pagbili ng mas marami ay mas mabuti.  

Dagdag ni Leonard, matapos ang World War II, nagsimula ang ideya ng “Planned Obsolescence” kung saan dinisenyo ang mga produkto sa merkado upang mas mabilis na mawalan ng silbi nang lalo pang tumaas ang pagbili ng mga tao, na sa huli ay siyang nakadadagdag lamang sa waste production. Bagama’t ibang paksa na ang tatahakin nito, at nangangailangan pa ng mala-thesis sa haba sa diskusyon, ipinapakita pa rin nito kung paano tayo nabubuhay sa isang mundong marami ang nililikha ngunit kaunti ang nakokonsumo. Ito ay patuloy na nangyayari sa bawat pagkisap ng ating mga mata sa kabila ng realidad na milyun-milyon parin ang nananatiling gutom at mahirap.

Kamakailan ay sumikatang isang maiksing dokumentaryo ng BBC tungkol sa pagkain ng “pagpag” o tira-tirang karne mula sa basura ng fast food chains sa Tondo, Maynila. Sa dokumentaryong ito, tahasang ipinakita kung paano kinokolekta, hinuhugasan, at muling iniluluto ang mga karne mula sa dumpsite hanggang sa hapag. Maraming tao ang nabigla, ngunit mas nakabibiglang marami paring Pilipino ang walang kamalayan sa mga pagdurusang nararanasan ng mahihirap. Habang ang iba sa atin ay nakapagtitira ng pagkain sa ating mga pinggan dahil sa kawalan ng gana, daan-daan naman ang handang lumusong sa basurahan upang kunin ang tira ng iba dahil sa matinding kagutuman, daig pa ang mga alagang aso’t pusa na may araw-araw na rasyon ng pagkain.

Bulok na ang sistema ng komersiyalismo, huwag na tayong dumagdag sa baho na nilalabas nito. Saan man tayo pumunta’y mayroon tayong sustainable choices sa mga nanaisin nating bilhin o kainin upang maiwasan ang negatibong epektong naimamarka sa mga mahihirap at sa kalikasan upang gampanan lamang ang mga pagnanais ng ating kalamnan.

Naging usap-usapan din sa social media ang makabagongpamamalakad ng San Carlos City sa Negros Occidental kung saan gumagamit ito ng dahon ng gbi bilang pamalit sa plastik sa palengke. May ibang mamimili namang nagkukusa na sa pagbabawas ng plastic at paper waste gamit ang pagdadala ng plastic container para sa mga bilihing nangangailangan ng plastik katulad ng karne.

Sa katotohanan ay maraming pagpipilian ngunit kakaunti ang may kusa. Siguro’y oras na para tayo’y sandaling tumakas sa kani-kaniya nating komportableng pamumuhay at lumusong sa mundo ng mga taong pinagkakaitan ng mga pangunahing pangangailangan. Ang laban kontra iresponsableng waste production ay hindi lang para sa ating sarili kundi sa milyun-milyong maaapektuhan ng basurang parami nang parami, at ang iba’y basura ng pagkaing sana’y tumigil sa mga kumakalam na sikmura ng gutom.

Bilang bata, malinaw kong naalala ang isang aral na itinuturo sa akin ng nanay ko, “Ubusin mo ang pagkain mo dahil maraming bata ang nagugutom.” Matagal na namutawi sa isip ko ang mga katagang ito dahil hindi ko lubos na maintindihan kung anong kinalaman ng pag-ubos ng pagkain ko sa kahirapan. Maikakain ko ba ang mga araw na natulog sa kumakalam na sikmura ang mga puslit sa lansangan? Ngayong namulat na ako sa realidad, napagtanto kong ang mga katagang ito ay maaring isang simbolismo sa kung paano nagkakaiba ang mga tao sa iba’t ibang lebel ng pamumuhay dulot ng konsumerismo at komersiyalismo. Pinakikita ng simpleng aral sa buhay na ito ang kabalintunaan ng pribilehiyo sa gitna ng panahon ng kahirapan at kagutuman. Na kung minsan, ang pagababawas sa sinasayang nating pagkain ay simbolo ng respeto para sa ibang taong naghihikahos para lang makakain.

Post a Comment