Back

Babae ng Mundo

I
Ang mga babae, may simpleng papel sa mundo
Sa loob ng tahanan, ilaw ang tangan
Hindi maaaring mapundi, sa kabila ng marupok na haligi
Ang may bahay na siyang yukom sa mga sulok ng bahay
Dakilang tagapagpunas ng mga alikabok nito

II
Babae ako
Nilalang upang maging malaya,
Hindi nila-“lang” at ikuyom sa kaha
Bingi sa isinisigaw ng mundong talamak sa pangungutya
Kung layunin ang mabilanggo sa isang pangako,
Huwad ang kalayaang “daan ng pagbabago”

III
Iyon ang punto!
Sablay ang ideolohiyang angkinin ang mundong hindi naman sa inyo.
Bakit hindi ka manahimik, maupo
Pudpudin ng kolorete ang mukha mong maamo?
Ang babaeng tulad mo ang dahilan kung bakit
hindi nagkakasundo ang lipunang ito

IV
Babaeng tulad ko?
Iba’t ibang haplos ng kulay ang bumubuo sa aking pagkatao
Higit na katanggap-tanggap ang maging isang sutil
Sa halip na yakapin ang kahinaang ipinupukol sa akin
Hindi tumbas ng panlabas na kolorete
Ang dugo at pawis na aking ibinuhos
Ipaglaban lamang ang kalayaang hindi pintado ang mundo

V
Kalayaan? Kalayaan sa ano?
Kami ang palayain niyo!
Mula sa ‘di nakikitang selda ng mali-maling pagkilala
Seldang gawa-gawa ng isip mong mapanghinuha
“Kalayaan” na balakid lamang sa pagpapakatotoo
Angkinin ang pagkababaeng sa iyo’y ipinagkaloob

VI
Amin ngang inaangkin,
Ngunit hindi ikaw ang magdidikta kung paano namin ito gagawin
Sa patuloy na pag-ikot ng mundo,
Bakit hindi natin buksan ang pinto sa tahanang
Babae naman ang pinuno?

 

 

Photo by Miguel Luis Abenales

Post a Comment