Bagong jeep ang kailangan, hindi bagong utang
Sa laban ng tsuper, kasama ang komyuter, ngunit hangga’t nanatiling bingi ang gobyerno sa hinaing ng masa na solusyonan ang krisis sa transportasyon, hindi tayo uusad.
Ngayong linggo simula noong ika-anim ng Marso, nagsagawa ng malawakang transport strike ang mga tsuper at jeepney operators upang tutulan ang nakaambang jeepney phaseout. Alinsunod sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na itinatag noong 2017, layunin ng programa na palitan ang mga lumang jeepney ng mga bagong modelo na mas angkop sa pang araw-araw na pasada. Ang modernisasyon ng mga jeepney, kaakibat ng paglunsad ng bagong ruta at sistema para sa mga prangkisa, ay inaasahang magdadala ng mas maaliwalas at epektibong serbisyo, hindi lamang sa mga komyuter, ngunit pati na rin sa mga tusper na nangangailangan ng dagdag-kita.
Sa unang tingin, maganda ang layunin ng programa. Mas mainam sana ito kung sasamahan ng karampatang suportang pinansyal at ayuda ng gobyerno para sa mga tsuper at operator na nais makilahok dito. Ngunit kung babalikan ang naging tugon ng gobyerno, perwisyo ang turing nila sa protesta ng mga tsuper, imbes na dinggin ang kanilang mga hinaing tungkol sa isinusulong na programa. Ang pinakamalaking pagsubok sa PUVMP – hindi kayang akuin ng mga tsuper at operator ang gastos sa pagpapalit ng modelo ng sasakyan. Gustuhin man nila makisama sa programa, sadyang hindi sapat ang kanilang kita para makilahok sa transisyon na ito at bukod pa rito, patuloy pa rin ang problema ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Binasangan ni Department of Education (DepED) Secretary Sara Duterte na “communist-inspired” ang transport strike, matapos niya igiit na malaki ang epekto ng tigil-pasada sa kapasidad ng mga mag-aaral sa kanilang edukasyon. Dagdag lamang daw ang transport strike sa mga problema na kasalukuyang kinakaharap ng sistemang pang-edukasyon ng bansa, matapos mapilitan ang mga paaralan na i-ayon ang kanilang paraan ng pagtuturo upang hindi mapilitan pumasok ang mga mag-aaral sa kasagsagan ng tigil-pasada.
Sinundan ito ng banta ng penalty mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga tsuper at operator na sumama sa tigil-pasada. Ayon kay Transportation Undersecretary for Legal Affairs Reinier Yebra, maituturing na paglabag sa kondisyon ng kanilang prangkisa ang pagsali ng mga tsuper at operator sa transport strike, at maaaring matanggal ang prangkisa ang sinumang lumahok dito. Iginiit rin niya na ang prangkisa ay isang pribilehiyo at hindi karapatan, at ang mga tsuper ay mayroong obligasyon sa publiko na magbigay-serbisyo sa pamamaraan ng pagpasada.
Sa kasalukuyan, itinigil na ng PISTON at MANIBELA ang transport-strike matapos makipag-diyalogo sa mga opisyal ng Malacañang noong Marso 7. Patunay ito na iisa lamang ang layunin ng ating mga tsuper – na itigil ang hindi makataong jeepney phaseout na mas lalo lamang nagpapahirap sa ating mga naghihikahos na tsuper. Bago pa man magkaroon ng pandemya ay lugmok na tayo sa krisis ng transportasyon, at siguradong mas lalo lang tayo ibabaon ng jeepney phaseout kung walang nagpahayag ng kanilang pagtutol dito.
Noon hanggang ngayon, walang masama sa pagrereklamo – may problema kaya may nagrereklamo, kahit ano pa man ang sabihin ng gobyerno.
Ang gobyernong takot sa kritisimo ay isang gobyernong takot sa pagbabago – isang katatawanan lalo’t sila pa naman ang nagsusulong ng modernisasyon at pagbabago.
Oras lang ang makakapagsabi kung ano ang susunod na hakbang ng gobyerno sa implementasyon ng modernization program. Ngunit bilang mga komyuter, nararapat lang na ating tandaan na kaisa tayo sa laban ng ating mga tsuper, sapagkat ang kapasidad nila magbigay ng serbisyo at kumuha ng pangkabuhayan ay nakadepende kung makatao ba ang mga panukala na kanilang ginagalawan. Ang naturingang hari ng kalsada ay balewala kung naghihirap ang mga nasa likod ng manibela, at kung ang gobyerno mismo ang nagsisilbing balakid sa ating daan, ay wala tayong patutunguhan.