Balakid
Hindi maikakailang ang mga Pilipino ay tunay na kilala sa pagiging masipag, positibo, at responsableng mga indibidwal. Ito ay mga katangiang ating ipinagmamalaki, sapagkat hindi alintana ang kahirapan at kapaguran—kahit ano pa mang mangyari—sa ipinamamalas nating dedikasyon sa paggawa.
Naiisip kong likas ngang masigasig ang ating salinlahi, ngunit pakiwari ko sa aking sarili’y naliligaw, dahil sa kasalukuyang panahon, nababanaag ko ang pakikipaglaro ng tadhana. Marami rin sigurong tulad kong tinatahak ang paglalakbay tungo sa tinatawag na “adulthood” na tila hindi pa handang harapin at intindihin ang kahulugan ng responsibilidad sapagkat sa simula pa nga lang ay nakakapagod at nakakatakot na.
Karaniwan nang tumatakbo ang ideya ng inilalahad kong usapin tungkol sa gawaing kailangang matapos sa itinakdang oras. Hindi lang sa ganito sumasalamin ang pagiging responsable ng tao kundi maging sa mga desisyon at personal nating buhay. Bawat kilos at salita na lumalabas sa atin ay may kaukulang resulta. Base sa kaganapan sa ating lipunan, maraming kabataang pumapasok sa mga bagay na hindi man lamang pinag-iisipan nang mabuti kung kaya’t hindi rin handa sa magiging kapalit ng kanilang ginawa dulot ng kapusukan, at ang kapangahasang maging in at sikat sa karamihan. Mababaw mang isipin ngunit ito ang katotohanan.
Natuturing na pagiging mature at competent bilang isang indibidwal sa paghawak at pagtanggap ng mga responsibilidad
Sa kabilang dako, hindi naman tunay na kailangang mangamba sa pagkakaroon ng responsibilidad sa buhay. Sa katunayan, susi ito sa mas maayos nating pamumuhay at pagbabalanse sa mga aspetong magiging parte ng ating personal na pagyabong. Nasa ating kontrol at kagustuhan ang mga gagawin nating aksyon, at ayon man sa ating nais o salungat, nararapat lamang na maging handa tayo sa anumang resulta nito. Dagdag pa rito, natuturing na pagiging mature at competent bilang isang indibidwal sa paghawak at pagtanggap ng mga responsibilidad. Ito ay siyang tiyak na aani ng pagtiwala mula sa iba at pagtingala dahil sa pagiging handa gayon na rin ang paniniwala sa sariling kakayahan.
Magkakaiba man ang pagtingin natin sa pagdala ng responsibilidad, hindi natin ito matatakasan, kahit ilang panahon pa ang dumaan. Ayon nga sa dating presidente ng United States na si Abraham Lincoln, “You cannot escape responsibility of tomorrow by evading it today” na nagangahulugang hindi mabilisan ang paghawak ng pananagutan; ang marahan at paisa-isang pagtatapos sa mga gawaing ating sinimulan ay siyang akmang gawin upang hindi tayo matabunan at malunod sa mga obligasyong nakapasan sa ating payak na pamumuhay.