Bentahan ng bulalo sa Tagaytay, apektado ng pagsabog ng Bulkang Taal
Matumal, mahirap, malala—iilan lamang iyan sa mga salitang binitawan ni Marites Gomez, isang cook sa isang bulalohan sa Mahogany Market, Tagaytay City—dalawang linggo matapos ang nangyaring pag-alburuto ng Bulkang Taal.
Kung dati ay ‘di mahulugang karayom ang bilang ng mga tao sa kainang ito, ngayo’y maaabutang wala nang kumakain dito at tanging mga tauhan na lamang ang nakaupo sa mga hapagkainan.
Kung pagkain ang pag-uusapan, nangunguna ang Tagaytay City sa mainit at masarap na bulalo, at sentro rin ng pinaka-sariwang karne ng baka, kaya naman dinarayo ito ng mga turista lalo na tuwing Sabado at Linggo.
Ngunit dahil sa nasabing insidente, hindi lamang mga establisyimento na dumudungaw sa magandang tanawin ng Taal ang higit na naapektuhan, kung ‘di buong Tagaytay na rin. Saksi rito ang mga nakapanayam ng The HERALDO FILIPINO na sina Marites Gomez ng Bulalo King at Manny Anggulo ng isang meat shop sa Mahogany Beef Market.
Mababang demand ng bulalo
“Naku, matumal talaga ang benta mula noong sumabog ‘yong Taal,” ani Marites. Dagdag pa niya, wala talagang pumupunta at sarado pa rin ang karamihan sa mga tindahan sanhi ng pagkawala ng kuryente at tubig.
“Dati halos nakakakuha kami ng P40,000, every weekend na ‘yon, ngayon P6,000 na lang.”
Tuwing Lunes hanggang Biyernes naman, mula sa 40 na mangkok ng bulalo sa isang araw, bumaba sa dalawa na lamang ang kanilang naibebenta, at kung minsan ay wala pa. Kasabay nito ay karamihan sa kanila ang hindi na nakaka-suweldo.
Mababang supply ng karneng baka
Sa halos isang dekadang pagtitinda ni Manny, ngayon lamang siya nakaranas ng ganitong pangyayari na kung saan halos wala nang bumibili sa kanilang panindang karne ng baka.
“Mahina talaga, hindi naman totally lugi, kahit papaano nakakaraos din.”
Ayon sa kanya, nagsara na rin ang ibang tindahan dahil sa takot na maaaring biglang sumabog ang nasabing bulkan.
Pagdating sa usapang bentahan, hindi naman nalugi ang tindahan nila Manny sapagkat gumagawa naman siya ng paraan upang maubos agad ang kanilang paninda,“Siyempre ang magandang paraan diyan, imbes na tatlo o apat na baka sa isang araw, mas mabuti na isa na lang, para hindi masayang ang benta.”
Bagamat sila ay apektado, hindi nagkaroon ng pagbabago sa presyo ang karnehan nila Manny dahil ayaw rin nilang manamantala.