Bingi at bulag
Bilang isang estudyante na patapos na sa kursong Sikolohiya, nauunawaan kong maraming rason sa likod ng mga Die-hard Duterte Supporters (DDS) at Bongbong Marcos (BBM) supporters. Sabi nga ng aking propesor, ang sikolohikal na paliwanag sa likod ng ating pagkahumaling sa mga lider tulad nina Duterte at Marcos Jr. ay kadalasang umiikot sa isang malalim na pagkahalina sa kapangyarihan at kontrol. Dahil ako ay isa ring estudyanteng-mamamahayag, napapatanong din ako sa sarili kung bakit hanggang ngayon ay may mga taong nasisikmura pa ring humanga sa kanila, sa kabila ng utang nilang pagkakasala sa sambayanan.
May mga taong naturingang maka-Diyos, pero sumusuporta sa mamamatay-tao; konserbatibo, pero humahanga sa misogonista.
Likas sa tao ang humanga sa mga indibidwal na may kakayahang manguna, kahit pa ang mga lider na ito ay may kaugnayan sa mapanirang pwersa. Ginamit nina Duterte at Marcos Jr. ang isang taktikang madalas maiuugnay sa awtoritaryang rehimen—ang paglikha ng isang talimuwang na krisis o instability upang ilahad ang kanilang sarili bilang natatanging solusyon. Napansin ko rin na ang mga taong may sinasamba ay kadalasang nakatutok lamang sa kanilang idolo, tumitingala sa bawat kilos at salita nito—sumasamba nang walang tanong at pagdududa. Ika nga ng die-hard fans, “Kapag idol mo, tanggap mo.” Ngunit sa sobrang paghanga sa kanilang idolo, kadalasan ay inilalagay nila ito sa napakataas na pedestal, na para bang sila ay walang kakayahang magkamali. Naaalala ko ang “war on drugs” ni Duterte, kung saan ipinangako niya na sa loob ng anim na buwan ay mawawala na ang lahat ng adik. Dagdag pa rito, sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Jr., ipinasasabatas ang modernisasyon ng mga jeepney, kung saan pinalalabas ng gobyerno na ang hakbang na ito ay para mapabuti ang pampublikong transportasyon ng bansa. Dahil dito, nagmumukha silang mga messiah na siyang nakahihikayat ng suporta mula sa mamamayang dismayado sa kasalukuyang sistema.
Imbes na maging solusyon ang war on drugs, nagdulot pa ito ng ekstrahudisyal na pamamaslang at mga paglabag sa karapatang pantao. Sa halip na makatulong ang jeepney phaseout, nagdulot lang ito ng dagdag pasanin sa mga komyuter, drayber, at operator. Pero ang hero-worship sa ganitong konteksto ay hindi tungkol sa pagsang-ayon sa bawat hakbang nila, kundi sa kaakit-akit na impluwensya ng kanilang kapangyarihan. Ang paghanga ay nakabatay sa kanilang kakayahang hubugin ang opinyon ng nakararami, mangibabaw sa publiko, at mag-iwan ng isang legasiya—mabuti man o masama.
Sa huli, ang pagiging die-hard fan ay hindi lang isang simpleng pagkahumaling, kundi isang masalimuot na kombinasyon ng kapangyarihan at sikolohiya. Ang paghanga sa mga nasa tuktok at ang kagustuhang manalig sa isang tagapagtanggol ay mga pangunahing dahilan kung bakit patuloy na may sumusuporta sa mga taong perwisyo sa lipunan. Ngunit, bilang mga indibidwal na may kakayahang mag-isip nang kritikal, mahalagang matutuhan nating timbangin ang ating paghanga at prinsipyo. Ang paglalagay ng sinuman sa pedestal nang walang pagsusuri ay kadalasang humahantong sa pagkalimot sa sariling integridad—isang bagay na hindi dapat isakripisyo para sa anumang uri ng idolatriya. Ang mga may sinasambang idolo ay bingi sa katwiran. Ika nga sa pelikula ni Jerrold Tarog na Angelito, “Ang idolo, kailangan ng bulag na mananamba para mabuhay.”
Originally published in Heraldo Filipino Volume 39, Issue 1