Biyaheng EDSA Shrine
Mabilis lumipas ang oras, ang imahe ng mga nagsisiksikang gusali, ang mukha ni Marian Rivera sa mga billboard, at ang mga linya ng poste, lalo na’t kung nakadungaw ka sa labas ng bintana ng sinasakyan mong Metro Rail Transit (MRT). Sa loob, mabagal at mistulang nags-slow-mo nang paurong ang panahon. Ang montage—pumapatak na pawis sa noo, handrail na may bakas ng pasmadong kamay, sirang aircon, mga binting nagkikiskisan, mabibigat na bagaheng ayaw ilapag sa nagpuputik na sahig, at ang naiinip na katahimikan. Babagal ang tren at pansamantalang titigil.
Magallanes station. Matatanaw ang malawak na katawang konkreto ng Skyway at ang mga nagtataasang gusali sa kabilang kalye. Sa paanan, kapansin-pansin ang mga aleng nagtitinda ng kakanin at si kuyang naglalako ng dyaryo—sabay-sabay na nabibilad sa matinding tirik ng araw. Idinidikta ng estadong walang espasyo sa maunlad na lungsod ang maralitang ‘pampasira sa magandang tanawin’ sa kalunsuran. Kaya’t hindi rin tiyak ang kanilang pinagkakainipan—makabenta’t mairaos ang araw, o mag-abang sa ika-sandaang demolisyon at pagpapalayas sa kanilang latang tahanan.
Lumipas ang eksena at nagsara ang mga pintuan.
Ayala station. Inisiip ko, wala namang masama sa nagtutumayog na mga imprastraktura. Sa katunayan, essentials ang mga iyon. Mas napabibilis ang galaw ng mga transaksyon, katulad nitong pagsakay ko sa MRT. Pero sa milyon-milyong masang hindi naaabot ang kanilang batayang pangangailangan, nawawalan ng saysay ang urbanisasyon, ang mga highway at multinasyunal na korporasyon—nagtutunggali lamang ang mga uri sa lipunang neoliberal, na ginagawang kalakal ang mga karapatan at pangkabuhayan ng mamamayan.
Bubukas ang pintuan. Pagkatapos, magsasara.
Buendia station. Iniisip ko rin, paano naman kaya nakatutulog gabi-gabi ang pinakamayamang 0.1 porsyento ng populasyon natin, habang pinipiga sa masa ang nagmamahalang presyo ng mga bilihin? Habang walang habas na pinapalayas at pinapaslang ang lumalabang maralitang tagalungsod para sa kanilang mga tahanan, ang mga katutubo sa kanilang lupang ninuno, at ang mga magsasaka sa kanilang mga lupaing ginagawang resort o kung ano man para gawing “tourist destination” o itala sa “wonders of the world”, at pagkatapos ay pagkakakitaan ng iilan?
Bubukas. Sasara. Kahit nakakulong ako sa kabagalan ng panahon sa loob, pakiramdam ko’y naaamoy ko ang usok ng kabulukan ng lungsod na iniikutan ko.
Bubukas. Sasara. Kukurap. Mumulat.
Guadalupe station. Pakiramdam ko, kung kakalasin ko ang higanteng piring ng lungsod, mahuhubad sa paningin ng marami ang nilapastangang katawan ng kasaysayan—ng mga katutubong patuloy ang laban na hindi naitatala sa mga libro, sa balitang mainstream, o malamang sa malamang, pati rito sa nagkalat na billboards sa kahabaan ng Guadalupe, habanag ibinabalandra ang mga mukha ng Korean stars at ni Bossing Vic Sotto.
Bubukas. Sasara.
Boni Avenue station. Sa sobrang dami ng high-rise condominiums, hindi ba’t nakapagtataka ang dami ng masang ginagawang tahanan ang lamig ng konkretong kalsada? Nakanganga sa gutom, sa patak ng butas-butas na bubungan.
Bubukas. Sasara. Kukurap ang mga mata.
Shaw Boulevard station. Tumatayo sa kalugmokan ng lakas-paggawa ng mamamayang nagtitingala sa kanyang kataasan, sa kanyang kayamanan, ang SM Megamall. Kung mauudlot man ang pagtaas at pagdami ng SM Centers, malamang ay dikta na ng lupang kinatatayuan na mayroon lamang sapat na bitak, sapat na luha at dugo ng manggagawa ang kaya nitong tiisin.
Bubukas. Sasara. Kukurap. Mumulat.
Ortigas station. Nag-iba ang pokus ko sa pagdungaw sa bintana ng MRT. Hindi ko agad namalayan na nakatingin na pala ako sa imahe kong nakapirme, habang patuloy na umaandar at kumakaripas ang lungsod sa labas ng bintana ng MRT, habang patuloy na may nagugutom, pinapaslang, at pinagkakaitan ng mga karapatan. Sa istasyong ito, nagdesisyon na akong lumabas at kumilos. Dahil marahas ang panahon, ngunit mas marahas ang manahimik at manatiling statik.