Back
Halalan 2022

Boto para sa bayan

Pinakamahusay na anyo ng isang gobyerno ang demokrasya para sa progreso ng isang nasyon. Bukod pa sa pagkakaloob ng basikong pangangailangan at pantay na oportunidad anuman ang kalagayang sosyo-ekonomiko o relihiyon, pundamental na salik ng isang demokratikong bansa ang karapatang bumoto ng mamamayan nito.

Nasa krusyal na yugto ang bansa sa marubdob na kampanya ng mga may kandidatong may hangaring pamunuan ang ating pamahalaan. Ilang araw na lang at iuupo na natin, bilang taumbayan, ang magpoprotekta sa interes ng buong sambayanan. Dapat na pakaisiping isang pangangailangan sa isang malusog na demokrasya ang pagkamay-alam ng mga botante.

Paano ba natin dapat pinipili ang ating ihahalal? Paano ba natin magagawang ang isang boto natin ay maging malaking ambag sa mas maunlad na hinaharap ng Pilipinas?

Sa panahong ito na nagtutunggali ang mga naratibo ng bawat partido, ng bawat personalidad sa kanilang tinatakbuhang posisyon, kanino natin dapat ipagkatiwala ang palad at kinabukasan ng lahat ng sektor sa ating lipunan? Para kanino at sino-sino ang dapat nating isaalang-alang sa magiging pasya natin?

Maraming pagdedesisyon ang ginagawa natin sa ating buhay, maliit man o malaki, para sa maikli o pangmatagalang panahon man. Ang mga pagpapasyang ito ang nagpapakilala kung sino tayo, kung ano ang ayaw natin at gusto, ng ating nararamdaman, ng ating pinaniniwalaan, at ng ating identidad sa kabuuan.

Kabilang sa kritikal na pagdedesisyon ang pagboto. Kapwa ito personal at sosyal. May impluwensiya ng mga etikal na pananaw bagama’t may mga pagkakataong tumataliwas ang ating pagpili’t pagpapasya sa mga etikal nating mithi. Sa pamamagitan ng pagboto, malinaw na nakikilahok tayo sa pambansang proseso. Gumagampan tayo sa tungkuling ipinamahala at ibinigay sa atin ng Konstitusyon. Lunan ang eleksyon para mapatunayan at matutunan natin ang kolektibong pagdedesisyon.

Lalo pa’t nalalapit ang araw ng halalan, nasa panahon tayo ng ligalig—ang malawakang paglaganap ng mis-impormasyon at maling impormasyon, kabi-kabilang pagpapalitan ng kasiraan, kahinaan, at kakulangang ibinabato sa bawat panig, tunggalian ng mga tagasuporta’t tagasunod, girian ng mga matatalas na salita, tahasang pag-usig sa pananaw ng magkakaibang relihiyon, pagkawasak ng relasyon sa kapwa, sa pakikipaglaban sa kani-kaniyang pinaniniwalaang tama, ang patingkaran ng mga kulay, at ang samu’t-saring anyo ng pagkakawatak sa halip na pagkakabuklod.

Paano natin maipopook ang iisang boto sa gitna ng mga tunggaliang ito?

Ang sagot: magsuri tayo at maging kritikal.

Magkaroon tayo ng pagkakataong tingnan ang kalagayan ng bansa at kung ano ang bitbit na paninindigan ng mga kandidato sa mahahalagang isyung kaugnay nito. Alamin ang mga posisyong pampolisiya na ibinalangkas sa mga plataporma na kapaki-pakinabang sa nakararami. Tiyaking alam at may plano ang mga kandidato sa mga usaping pambansa at pandaigdig na may implikasyon sa buhay natin.


Kilalaning mabuti ang mga kandidato, ang kanilang personalidad, ang paraan nila ng pamumuhay, ang mga ideyolohiyang mayroon sila sa paglilingkod, ang paraan ng kanilang pamumuno at paggampan sa tungkulin, at ang mga pagpapahalagang mayroon sila. Mahalaga ang pagkilala sa kanilang imahe dahil ang pagkataong mayroon sila ang gagamiting modelo ng sambayanan sa marangal na pamumuhay.

Kaunting araw na lang ang nalalabi. Malamang, may handa na tayong listahan para sa Mayo 9. Maaari pa nating balikan at irebisa kung kailangan.

Sinuman ang isulat natin, kanino mang numero at pangalan ang itiman natin, nawa’y iboto natin sila dahil naabot nila ang ating pamantayan sa mabuting pamamahala.

Ipook ang ating boto nang may pagmamalasakit.

Boboto tayo hindi lang para sa ating sarili. Para sa bayan ang boto natin. Doon tayo sa mga kandidatong maaakay tayo sampu ng ating mga inapo sa uri ng bansang nararapat sa Pilipinas.

Tayong taumbayan ang may hawak ng kapangyarihan sa panahon ng botohan. Lagi nating piliin ang tama, totoo, at mabuti.

Post a Comment