Bukas-tainga
Sa bawat ideyang ibinabahagi ng isang indibidwal na taliwas sa sarili nating paniniwala, hindi maikakailang lumalabas pa rin ang ating mga negatibong kumento laban dito—nang hindi ibinabalanse ang bawat katibayan at patunay sa isang paksa.
Sa bawat kililing ng telepeno mula sa isang kaibigang nakararanas ng depresyon, madalas tayong nakararamdam ng pag-aalinlangang tumugon.
At sa iba’t ibang problemang pinagdaraanan ng ating bansa ngayon, sunod-sunod naman ang mga hinaing at daing ng lahat—nang hindi na napakikinggan ang saloobin ng magkabilang-panig.
Nakatatakot pakinggan ngunit mas nakalulungkot isiping unti-unti na ngang nawawala ang kahulugan at kahalagahan ng pakikinig at pag-unawa.
Sa halip na buksan ang ating mga tainga sa masaklap na realidad, mas pinipili nating magbingi-bingihan sa takot habang patuloy na namumuhay sa sariling paniniwala—na kung noon pa lang ay natuto na tayong makinig at umunawa, hindi na sana tayo magdurusa pa.
Tunay ngang kung titingnan ang bawat online post na ibinabahagi ng isang netizen o mamamahayag sa Internet, partikular na kung ito’y tungkol sa isang kontrobersiya, makikitang isa sa nagpapaalab ng diskusyong online ay ang iba’t ibang kumento mula sa magkakaibang ideya.
“Tama na po, may test pa ako bukas!” Ito ang linyang huling isinambit ni Kian Lloyd delos Santos matapos siyang pagbabarilin ng kapulisan nang hindi man lang pinakikinggan ang kaniyang panig. Makikitang mas pinili lamang nilang pakinggan at paniwalaan ang impormasyong mayroon sila sa halip na ikumpirma muna ito para sa mas makatotohanang datos.
Kung noon pa lang ay natuto na tayong makinig at umunawa, hindi na sana tayo magdurusa pa.
Isa na rin ang missed opportunity ng mga rallyista at ni Pangulong Rodrigo Duterte noong kaniyang SONA 2017 nang harapin niya ang mga ito sa pagnanais na mapakinggan ang kanilang daing. Sa kasawiangpalad, hindi naging maayos ang resulta ng kanilang paghaharap kasabay ng kanilang hindi pagkakaintindihang dulot na lamang ng kaingayan sa mismong event.
Sa kabilang banda, isa ring uri ng pagtanggi sa makabuluhang pakikinig at pag-unawa ang tweet ng isang estudyanteng marahil ay may dinaranas na depresyon. Aniya, ang Suicide Hotline ng ating bansa na siyang dapat na takbuhan ng mga taong nakararamdaman ng pagkalugmok ay siya rin palang hindi makapagbabahagi ng kaunting oras upang sumagot ng tawag at makinig sa kanilang nararamdaman. Ilan sa mga tugon mula sa nasabing hotline ay, “Sorry, business hours are now closed.” o “Sorry, nasa mass ako now ah, may hospital diyan malapit.”
Ah, tandang-tanda ko pa ang sigla at pag-asang naramdaman ko no’ng nalaman kong magkakaroon na ng Suicide Hotline ang ating bansa,subalit hindi ko naman naisip na ganito lang din pala ang kalalabasan ng proyektong iyon—wala pa ring handang makinig sa isang buhay na sana ay nabago o sa pakiramdam na sana ay napagaan.
Alam nating tayo mismo’y minsan nang naging biktima’t sangkot sa ganitong uri ng problema. Nawa’y alalahanin nating hindi lamang pakikinigo pagsasalitaang puwede nating pagpilian sa araw-araw na mayroon tayo, dahil sa bawat pagkakataong ibinibigay sa atin, ang mabigyang oportunidad upang makapagsalita at mapakinggan ay isang daan tupang makapagbahagi ng isang mahalagang parte sa ating sarili. At kung nais nating tayo mismo’y mapakinggansa tuwing nagsasalita, atin din nating isipin ang kahalagahan ng pakikinig natin sa panahong may ibang nagsasalita—para sa isang matalinong diskusyon.
Pagkatapos ng lahat, hindi natin talagang masasabi kung ano at papaanonga ba nakagagawa ng magandang resulta ang pakikinig at pag-unawa sa ating kapwa sa hinaharap.
Ayon nga sa sikat na manunulat ng Bakit Baliktad Magbasa ang mga Pilipino na si Bob Ong, “Higit sa pakikinig kung ano ang sinasabi, unawain mo kung ano ang ipinapahayag.”