Back

Convoy

Nagpiyesta ang mga langaw sa mga mumo ng pandesal habang nalulunod sa halakhakan at amoy ng kape at yosi, kung saan sila nagtitipon. Halata ang mga linyang namumuo sa ilalim ng kanilang mga mata pero kung magkwento akala mo’y ‘di na magkikita. Lalo na ‘tong si Marybeth, Dios mio! Kala mo hindi naging bosing ng karamihan dito. Grabe ang mga nasasagap na chismis, halata ngang sanay na siya sa kalakaran dito.

“Kaya ayon, sabi nga raw magiging safe na safe tayo ngayon. Tignan mo! Para na tayong sardinas sa dami ng midya na pinadala nila,” humithit muna siya bago magbitaw ulit ng impormasyon. “Sabi sa ’kin ni Jaks, may sekyu naman sa daan so goods goods na.”

“Buti naman, Beth, may koneksyon ka do’n, sa amin hindi sumasagot pag tinetext eh,” sumbat ni Marcus.

“Ayaw ata sa network niyo.” pabirong sagot naman ni Marybeth. 

Sumunod ang halakhak ng mga taong nakapalibot sa kanilang maingay na kwentuhan. 

Malaking tulong din ang kanilang mga tawanan upang humupa naman ang aking nerbyos. Ibang-iba kasi ang assignment na ‘to sa aking nakasanayan. Sa tuwing dumudungaw ako sa bintana, puro kabundukan at mga puno ang aking nakikita – paalala na wala ako ngayon sa lungsod. Wala ako sa maliit na sulok ng opisina kung saan aking pinupudpod ang daliri at utak sa pag-type ng balita para sa ilalabas na peryodikal. 

Sa halip na isang malaking monitor ang aking kaharap, nandito ako ngayon, nakikisiksik sa malaking function hall, saksi sa bukang liwayway na sumisilip sa bintana. Inihahanda namin ang mga sarili para sa pag-uulat ng isang potensyal na eleksyon sa Mindanao. Tunay nga na ito’y magiging makasaysayan. 

Para kaming isang nag-iinit na putaheng Chopsuey ngayong umaga. Halo-halo sa iisang kwarto ang mga correspondent mula sa maraming istasyon, iba’t ibang logo ang nakatatak sa suot na mga jacket  at kanya-kanya ang kwentuhan tungkol sa iisang paksa. 

“Psst! Ikaw yung bago kila Mike, ‘di ba?” bigla akong kinausap ni Marybeth mula sa kaniyang kinatatayuan, nabaling tuloy sa akin ang atensyon ng mga kinakausap niya. “Inaapi ka na ba nila d’on?” sumunod ang matipid na tawa. 

“Ah…” halos masamid na ako sa sarili kong dila dahil sa nerbyos. Ewan ko ba, hindi naman sila nakakatakot pero hindi pa rin ako makapaniwala na nandito ako ngayon. “Jo-joel po.” 

“Bagong bunot ka galing sa newsroom, ‘no? Mapapawisan ka na ngayon, bata!” 

“Woy, ‘wag mo nga asarin yang si Joel, Beth! Magaling ‘yan!” 

Napatingin ako sa aking likuran kung saan nakita ko si Boss Mike na may dalang puting basong gawa sa styrofoam, papunta sa kung saan kami nagtipon. Bigla siyang humugot ng upuan sa tabi at muling nagsalita nang siya’y nakaupo na, “Baka plano mo nanaman manguha ng correspondent. Nakuha mo na nga si Cel dati.” Matipid na ngiti lang ang sinagot ni Marybeth, sabay tingin  sa  umilaw na telepono sa kanyang kamay.

Siya ang unang gumabay sa akin nang bagong salta pa lang ako sa industriya–mga panahong nakaipit pa ang aking buntot sa pagitan ng aking mga hita, nangangarap na makasama sa field upang masaksihan ang mismong nangyayaring aksyon. Kaya ubod na lang ang aking pasasalamat kay Boss Mike sa pagpapaalam sa akin sa mga nakakataas na pagbigyan ang aking munting hiling. “Basta, mag-obserba ka lang para matutunan mo kung ano ginagawa talaga pag nasa mismong site na,” kanyang paalala.

“Mauuna na raw tayong midya sa COMELEC, magfafile na ng candidacy si Toto,” sigaw ni Marybeth matapos basahin ang mensahe sa kanyang selpon. “Bale, babalik tayo sa Buluan pagkatapos para sa press con,” dagdag pa niya.  Sabay-sabay na nagsitayuan at mabilis na kumilos ang mga tao sa loob ng function hall.

“Jo, handa ka na, ah? Basta dala mo yung mga kailangan.” 

“Opo, boss.” 


“Asa labas na raw yung convoy! Lalarga na tayo!” sigaw ni Marybeth. Parang mga sundalo, sabay-sabay ang pagtayo at pagmartsa ng mga tao palabas ng mabanas na silid, isa-isang humilera upang magkasya sa pintuan ng hall

Humarap sa akin si Boss Mike nang makita ang kumpol ng mga midyang nag-uunahan. “Siguradong mapupuno na yung mga mauunang sasakyan sa site. Bali mauuna na ako at sumakay ka na lang sa kung saan pa merong espasyo, ha?” nagmamadali niyang sinabi habang naglalakad papalayo sa akin. “Baka yung sasakyan nila Marcus may espasyo pa! Matapos ang kanyang habilin, tuluyan na siyang nalamon ng alon ng midya, hindi ko na ulit natanaw ang kanyang pigura. 

Nakita ko si Marcus sa bandang pintuan tumango ito na tila narinig ang bilin ni Boss Mike. Isa-isang umarangkada ang mga sasakyan na punong-puno ng sakay. Isang malaking “PRESS” ang nasa gilid ng mga ito, nakaguhit ng tintang pula na litaw na litaw sa kulay puting sasakyan. Ang imahe ng likod ni Boss Mike sa nahuhuling sasakyan ang huli kong nasilayan bago ako tumungo sa kinatatayuan ni Marcus. 

“Sakay na, hintayin lang natin yung iba,” agad niyang sinabi sa akin matapos ituro kung nasaan ang sasakyan. Hindi na namin namalayan na labinglimang minuto na ang nakalipas nang magsidatingan ang aming mga hinihintay. Puro technical crew na lang pala ang natira. 

***

Sa kalagitnaan ng biyahe, kapansin-pansin ang hindi mapakaling si Marcus sa aking tabi, panay ang sulyap sa selpon at relo. Maski ako ay napapatingin na rin sa orasan sa kanyang pulso. 10:05…huling basa ng mga kamay ng orasan. 

“Hindi na sumasagot si Marybeth. Walang sumasagot sa kanila,” biglang sabi ni Marcus habang sige sa pag-dial sa selpon nito. 

“Asan na raw sila?” tanong ng driver ng aming sasakyan. 

“Hindi ko nga alam, kanina pa yung huling text niya eh.”  

“Diretso na kaya muna tayo sa Buluan, baka andun na sila para sa press con,” tugon ng driver.

“Sige, doon nalang tayo dumiretso,” sagot ni Marcus. “Baka mahina lang ang signal.”

 

Ramdam pati sa loob ng sasakyan ang pagliko na tila pati ang mga katawan namin ay sumabay sa biglaang galaw nito. 

Nang marating namin ang Buluan, hindi ito ang aming inaasahan na pangyayari. 

Wala ang mga kasama naming midya, tanging mga ‘di magkamayaw na mga pulis at iba pang mga personnel ang aming nakita. Ngunit, nandoon naman ang taong hinahabol ng lahat, ang rason kung bakit kami narito ngayon sa Mindanao…si Toto.

Dahan-dahan itong lumapit nang makita kaming bumababa mula sa aming sasakyan. Hindi maipinta ang emosyon sa kanyang mukha. Iniabot niya ang selpon kay Marcus, hudyat upang basahin nito ang mensaheng umiilaw sa maliit na aparatus. 

Hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman habang sinusubukan kong unawain ang mga pangyayari. Unti-unti akong lumapit sa tabi ni Marcus, umaasang sa puntong iyon, bahagi lamang ng nerbyos ko ang aking nakakagambalang kutob. Nahagip ng aking mga mata ang mga letrang nakasulat sa hawak-hawak niya. Una kong nakita ang oras, sa taas na sulok na bahagi nito. 10:25 AM.

Nakakapanindig balahibo nang aking nasulyapan ang mensaheng binabasa ni Marcus. Halos tumigil ang aking mundo, para akong nabuhusan ng semento at tuluyang nanigas sa… kaba? Takot? Galit? Hindi ko maipaliwanag, pero ang tanging alam ko lang, nag-iba ang simoy ng hangin. 

 

Received: 10:20 AM 

inambush yung convoy wag kayong tumuloy

 

###

 

Illustration by Rachelle Calaustro.

Post a Comment