Back

Damot at dangal

Hindi nalalayo ang estado na kinakaharap ng mga estudyanteng-atleta ng De La Salle University-Dasmarinas (DLSU-D), o “UD”, sa reyalidad ng mga pambansang atleta ngayon kung training environment lang din ang pag-uusapan. Mula sa mga pasilidad hanggang kagamitan, naghihikahos sa pang-institusyunal na suporta ang mga atleta. Sa usapin naman ng mabibigat na ekspektasyon, pareho lang ding tila niluluto sa pressure cooker sa kung paano asahang mag-uwi ng panalo ang mga ito. Sa ‘di patas na sistemang nanghihingi ng mga parangal kahit walang matinong puhunan, napapatanong na lang talaga ako kung saan nakukuha ng mga administrador ang kapal ng mukhang maningil.

Bilang Sports In Charge ng Publikasyon, bahagi ng aking responsibilidad pangasiwaan ang mga palaro sa loob ng Unibersidad. Bunsod nito, hindi na bago sa akin ang bumisita sa iba’t ibang korte sa kampus. Dahil din dito, masasabi kong may ideya ako sa estado ng mga pasilidad at kagamitan ng mga atletang Patriot. Hindi nagsisinungaling ang mga mata kong saksi ng madudulas na sahig sa Mariano Trias Hall (MTH) Court na nilalagay sa alanganin ang mga atleta, maliit na dyim na pinaghahati-hatian ng iba’t ibang varsity teams, mga waiting room na p’wede nang ikumpara sa isang bodega, track ovals na bitak-bitak at hindi pantay ang flooring. Idagdag ko na rin na madalas nga e kinakailangan pa nilang mag-outsource ng pasilidad sa labas ng UD gamit ang pera sa bulsa ng mga atleta upang mag-ensayo. Kaya nga hanga rin talaga ako sa mga atleta natin, kung paanong nasisikmura nila ang ganitong kondisyon ng pagsasanay at pagpapakitang-gilas sa kanilang bawat laro.

Sa totoo lang ay sa laki ng binabayarang matrikula ng mga estudyante sa UD, nakapagtataka na rin kung saan ba napupunta ‘yung perang inilalaan para linangin ang mga pasilidad sa kampus. Mantakin mo, pumapatak ng P75,000 bawat semestre ang binabayarang matrikula sa kurso ko, pero pangit pa rin ang flooring sa Ugnayang La Salle (ULS). Kahit bente pesos man lang sana mula sa libo-libong ibinabayad ng bawat Lasalyano ay mailaan talaga sa pagpapabuti ng mga kagamitan ng mga atleta. Makakita man lang sana ang mga estudyante rito ng totoong pag-ayos sa mga pasilidad. Balita ko naman e uso pa rin ang progreso at maayos na pamamahalang institusyonal ng ibang paaralan ngayong 2025. Baka lang gustong sabayan ng UD ‘yung trend.

Ang mahirap pa rito, pasan-pasan din nila ang bigat ng pag-uuwi ng karangalan para sa Unibersidad. Ngunit dahil sa kakulangan ng maaayos na pasilidad ay dumudoble ang hirap sa bawat laro na kailangan nilang harapin. Imbes na nagpopokus na lang sana sa maigihang pagsasanay, madalas ay kailangan pa nilang indahin ang kalagayan ng kanilang paligid, mag-adjust sa kalumaan ng kagamitan—o ‘di kaya ay problemahin kung saan sila p’wedeng mag-training. Kumbaga, hindi tuloy maabot ng mga atleta natin ‘yung buong kakayahan nila.

Kung talagang naghahangad ang UD ng magagandang resulta sa larangan ng competitive sports, piliin din sana nilang puhunan ang mas dekalidad na pasilidad at kagamitan na magagamit ng mga atleta sa kanilang pag-eensayo. ‘Yun sanang ligtas gamitin, hindi mukhang pinaglipasan na ng panahon, at p’wedeng gamitin ng marami. Give and take nga kung tawagin; hindi ‘yung take lang nang take ng dangal, pero wala namang ma-give pabalik sa mga atleta.

 

Originally published in Heraldo Filipino Volume 39, Issue 1

Post a Comment