Dangal bago parangal
Nalalapit na naman ang Luntiang Parangal, isang taunang parangal para sa natatanging galing ng bawat Lasalyano sa iba’t ibang aspeto.
Wala na sigurong hihigit pa sa pakiramdam na mabansagan o mabigyan ng prestihiyosong parangal, titulo, o mataas na posisyon sa tanang buhay natin. Marahil ngang may katangi-tanging dahilan kung bakit napipiling mabigyang parangal ang isang tao, ngunit sana’y lagi rin nating tandaang ang halaga ng parangal, titulo, o posisyon na ibinibigay sa isang tao ay hindi kailanman magiging sapat na dahilan para masabi nating sila nga’y karapat-dapat purihin at tingalain.
Ang mga gantimpalang ito ay hindi batayan ng aking mga nabanggit dahil sa totoo lamang, ito’y sumasalamin sa kung papaano ginamit ng mga nakatatanggap ng gantimpala ang kanilang talento, kaalaman, at abilidad sa wastong paraan.
Maging karapat-dapat para sa pamagat
Sa kasawiang palad, kamakailan lang ay umusbong ang balita ukol kay Palace Communications Assistant Secretary Margaux Uson, mas kilala sa tawag na Mocha Uson, kung saan siya’y ginawaran ng Thomasian Alumni in Government Service Award. Ang University of Sto. Tomas Alumni Association Inc. (USTAAI) na siyang naggawad ng parangal kay Uson ay isang malayang organisasyong hiwalay sa University of Sto. Tomas (UST). At nang nalaman ng marami ang nasabing balita, hindi maikakailang umusbong din ang pagkamuhi nila sa nangyari habang ang iba nama’y patuloy na sumuporta rito. Kilala si Uson sa kanyang masugid na pagsuporta kay Pangulong Rodrigo Duterte gayon na rin sa kanyang patok na Mocha Uson Blog. Subalit itago man nati’t sa hindi, marami ang hindi pabor kay Uson dahil na rin sa patuloy nitong pagsasapubliko ng mga maling impormasyon at sa hindi pagiging magandang halimbawa para sa nakararami. Ngunit iginiit ng UAAI na ang batayan lamang ng makatatanggap ng parangal na iyon ay ang pagiging isang UST alumna at pagiging ganap na taga-silbi ng gobyerno. Kalaunan, ang ginawad na parangal kay Uson ay kaniya rin namang ibinalik kasabay ng pagsabing, “Hindi ko hiningi ang award na ito. Binigay sa akin, tinanggap ko, pero para matigil ang issue na ito na isang maliit na bagay, ibinalik ko na lang po dahil sobra na ang pambu-bully ng ilang Thomasians kay sir Henry Tenedero (dating UAAI president).”
Siguro nga’t masasabi ng nakararaming ito’y isang mababaw na isyu lamang, “Awards? Marami pang ibang bagay na mas dapat bigyang halaga e.” Ngunit kung ating susuriing mabuti, ito ay isa na rin sa malalalang isyu ng ating bansa. Habang may iilan na talaga namang karapat-dapat sa mga prestihisyosong parangal na ito tulad ni Efren Penaflorida na nagantimpalaan bilang “Hero of the Year” ng Cable News Network dahil sa kanyang “Kariton Klasroom” para sa mga batang nasa lansangan, mayroon ding mga opisyal na nakaupo sa pamahalaan kahit na hindi tugma ang kakayahan sa posisyong ibinigay sa kanila.
Kung ako ang tatanungin, ang pagiging karapat-dapat sa ibinigay sa’yo ay mas mahalaga kaysa sa mismong titulo o parangal lamang, dahil wala nang hihigit pa sa kagandahan ng kalooban at integridad na mayroon tayo sa kabila ng kung tayo’y may makukuha mang kapalit o wala. Kung papaano mo tunay na napagsilbihan ang marami sa iyong pamumuno at pakikipagkapwa tao ay higit pa sa leadership o service award na puwede mong makamit. Dahil sa puno’t dulo ng ating paglalakbay, ang ginugol na oras, pagsisikap, at karanasang pinagdaanan ay siyang mas makabuluhan kaysa sa mismong patutunguhan.
Marami sa atin ang higit na napapansin kaya’t nabibigyang parangal, subalit alam kong mas marami pa rito ang tahimik na gumagawa’t nagsisilbi nang may likas na layunin para sa nakararami. Simple lang naman ang mensaheng nais kong iparating—ang maging karapat-dapat para sa pamagat, may parangal mang makakamit o wala, may mga mata mang nagmamasid o wala.
At sa nalalapit na pagsapit ng Luntiang Parangal sa ating Unibersidad, nawa’y hindi lamang tayo umasta bilang karapatdapat sa gantimpalang nais nating matanggap kundi ay umasta bilang karapatdapat sa lahat ng oras at sa bawat pagkakataon.