Dayo: Sulyap sa mekanismo ng sahurang-pang-aalipin
Kilala ang perya bilang pasyalan ng masa—kahit saan mo ibaling ang iyong mga mata, ingay at tawanan ang iyong madidinig at makikita. Ngunit kapag lumipas na ang kapistahan at kailangan nang magsara ng perya, kapag kinalas na ang ferris wheel at itinago na ang mga colorwheel, masisilayan mo ang nakakubling katotohanan sa likod ng kasiyahan.
Ang pasyalan ay nagiging pahingahan ng mga manggagawang pagod sa isang buong palabas ng pagdiriwang. Subalit sa kasamaang palad, hindi mapipigilan ng kanilang pagod ang walang patid na operasyon ng perya. Bagong landas ang muli nilang tatahakin patungo sa susunod nilang destinasyon.
Pangako ng perya
Ang magpalipat-lipat ng lugar ay hindi bago para sa mga nagpeperya. Paulit-ulit silang nagiging dayo kung saan mayroong pambayang pagdiriwang o pista. Ito ang kinasanayang kalagayan ni Jennifer Coronado, 33 taong gulang.
Dalaga pa si Jennifer nang hinikayat siya ng kaniyang amang magtrabaho rin noon sa perya dulot ng magandang sahod na iniaalok sa kaniya. Mula noon, hindi na naisip ni Jennifer na humanap pa ng ibang trabaho hanggang sa siya ay magkaroon na ng asawa. Kinalaunan ay isinama na rin niya ang asawang si Crisanto sa pagpeperya. “Security guard siya dati. E, ayaw ko naman na malayo kami sa isa’t isa kaya sabi ko, mas gusto ko dito sa peryahan kaya nagperya na lang din siya.”
Nanggaling sa Pampanga ang mag-asawang Coronado bago madestino ang peryahang pinagtatrabahuhan nila sa Dasmariñas, kung saan nila ipinagdiwang ang kanilang Pasko at Bagong Taon, hiwalay sa piling ng kanilang buong pamilya. Pansamantala niyang iniwan ang tatlo niyang anak sa Nueva Ecija sa pangangalaga ng kaniyang biyenan, samantalang isinama niya ang kaniyang isang taong gulang na bunso. Sambit niya, wala siyang ibang pagpipilian kundi ang isama ito. “Kasi estudyante pa ’yong mga anak ko kaya walang mag-aalaga sa bunso ko. E, hindi ko rin naman pwedeng iwan sa byenan ko kasi matanda na ‘yong byenan ko.”
Pangarap ng pamilya
Tanging pinagtagpi-tagping plywood at trapal lang ang kanilang tinitirhan noong narito pa sila sa Dasmariñas—isang barong-barong na makikita malapit sa peryahan kung saan sila nagtatrabaho. Doon sila nananatili sa tuwing walang operasyon ang perya—sa munting bahay na malayo sa tunay nilang tahanan.
“Hindi kami umuuwi. Minsan kapag may pagkakataon, umuuwi kami. Pero kapag tuloy-tuloy ang operasyon ng perya, dito lang kami.” Ayon sa kuwento ni Nanay Jennifer, Hunyo pa noong nakaraang taon nang huli siyang makauwi sa kanila—walong buwang kahit minsan ay hindi niya nakapiling ang iba pa niyang mga anak.
Kapag “nabodega” o nasiraan ng rides ang peryang pinagtatrabahuhan nila, doon lang sila nagkakaroon ng pagkakataong makauwi sa kani-kanilang tahanan. Ngunit sa kwento ni Nanay Jennifer, nakadepende sa kasalukuyang lokasyon ng perya ang tsansa nilang makauwi sa kanila. Wala ring saysay kung nabodega ang perya dito sa Dasmariñas dahil kung iisipin, masyadong malayo ang Nueva Ecija. Kailangan pang problemahin ni Nanay Jennifer ang ipapamasahe niya para makasama ang iba pa niyang mga anak. Ganito kasalimuot ang kalagayan ng tulad niyang nagpeperya, pero para sa kaniya, walang ibang maaaring pagkakitaan kundi ang trabahong kinamulatan at kinasanayan niya.
Porsyentuhang sistema
Ganito ang patakaran sa perya: may isang ride na nakatoka sa bawat manggagawa na maaaring i-operate. Habang operator ang iilan, assistantnaman ang iba. Mangilan-ngilan naman ang nagiging kahera o mga manggagawang nakatoka sa booth kung saan bumibili ng ticket. Sa kaso ng mag-asawang Coronado, operator si Tatay Crisanto habang secretary naman si Nanay Jennifer.
Porsyentuhan ang sistema ng sahod sa perya—15 porsyento lang ng malilikom na kita sa isang ride ang napupunta sa operator nito bilang sahod. Dahil dito, ang halaga ng sahod ng operator ay depende sa kabuuang kita ng ride na nakatoka sa kaniya. Kaya maituturing daw na swerte kung patok sa masa ang ride na nakatoka sayo. Ang pagiging patok kasi ng isang ride ay nangangahulugang malakas ang kita nito—mapalad naman ang mag-asawa dahil nakatoka sila sa isang patok na ride. “Minsan nga, kapag dire-diretso ang operasyon ng perya, linggo-linggo kaming nakakapagpadala ng pera sa mga anak namin.”
Subalit sapat man ang kinikita ng mag-asawa sa perya upang tustusan ang mga pangunahin nilang pangangailangan, kulang pa rin ito upang maka-alpas sila sa kasalukuyan nilang kalagayan. Bakas sa mga mata ni Jennifer na may nalalabi pa rin siyang pag-asa para sa kalagayan nila. Ayon sa kaniya, matatagalan pa bago nila makamtan ang ginhawang tinutugis nila, subalit alam niyang hindi sila habang buhay na maghihikahos sa perya. “Hindi rin kami aabot ng habang buhay dito. Kasi yung mga anak namin, syempre, gusto rin namin silang makasama. Matanda na rin yung byenan ko na nag-aalaga sa mga anak ko. Kaya may balak din kaming humiwalay sa perya. Pero sa ngayon, hindi pa.”
Punla ng pakikibaka
Sa unang tingin, mapagkukunan ng inspirasyon ang buhay ng mag-asawang Coronado—na sa kabila ng pagkawalay, may mga magulang na masigasig na ibinubuhos ang lakas, dugo, at pawis para sa kanilang pamilya. Ngunit gaya ng maraming manggagawang Pilipino, ang kanilang buhay ay napagkakakitaan ng mga mapansamantalang mekanismo.
Maaaninag sa peryang pinagtatrabahuhan nila ang parehong mekanismong sumasagasa sa mga manggagawang Pilipino—ang wage slavery.
Pero upang lubos na maunawaan ang mekanismong ito, may dalawang konseptong kailangang itatak sa isip: ang sahurang-paggawa at pang-aalipin.
Batid ng maraming Pilipino ang pang-aalipin bilang isang lumang sistema ng pag-angkin ng isang tao sa isa pang tao bilang sarili niyang pag-aari. Lumalabas na ang sistemang ito ay madalas na nauuwi sa pang-aabuso at pananamantala. At higit sa kahit anong sistema, ang pang-aalipin ay hinabi na ng lipunan sa sarili nitong kasaysayan at kultura. Tila sumpa ang maging alipin—sa mga sinaunang sibilisasyon at emperyo, walang kawala ang isang alipin sa tanikalang ito.
Sa isang banda, ang sahurang-paggawa naman ay isang sistema kung saan ang lakas-paggawa ng isang tao ay itinuturing na “kalakal” at binibili ito ng amo sa pamamagitan ng “sahod”. Dahil dito, nagiging pag-aari ng amo ang lakas-paggawa ng manggagawa—kahit sa katunayan ay hindi pa binabayaran ng amo ang mismong lakas-paggawa. Ipinaliwanag ng Filipino revolutionary socialist na si Filemon Lagman ang pananamantala sa sistemang ito. Sa pamilihan, kinakailangan mo munang magbayad bago mo makuha ang kalakal na nais mong ikonsumo. Ngunit taliwas dito ang sahurang-paggawa—kailangan munang makuha ng amo ang kalakal na nais niyang ikonsumo bago siya magbayad. Ayon kay Lagman, isa itong sistemang walang nais umusisa—isang sistemang kinalalagyan ng unskilled, semi-skilled, at manuallabor o mga manggagawang may mababang sahod gaya ng mga construction at factoryworkers.
Sa isang socialist perspective, pinaglalapit ng wage slavery ang dalawang konseptong ito bilang isang mekanismo kung saan ang isang manggagawa ay nasa isang trabahong may mababang sahod—pero hindi niya maiwanan ang kaniyang trabaho dahil ito ang kabuhayan niya. Sa kawalan ng angkop na salita, ang wage slavery ay isang tanikalang nagpapabigat sa kalagayan ng mga manggagawa—isang taling kinakapitan ng mga maralita para mabuhay sila, pero ito rin ang parehong taling sumasakal at gumagarote sa kanila. Ito ang prinsipyo ng wage slavery: kung walang lakas-paggawa, walang sahod, at kung walang sahod, walang ipapantustos sa pangangailangan—wala ring ikabubuhay.
Ayon sa akda ni Lagman na Aralin sa Kahirapan, ang mga manggagawa ang nagdadala sa atin sa kaunlaran at ang makinang hinahawakan nila ang instrumento. Pero hindi ang nagpapaandar ng makina ang umuunlad kundi ang “may-ari” ng makina. Wala itong pinagkaiba sa kinalalagyang sistema ng mag-asawang Coronado. Kung iisipin, hindi ang gaya nina Nanay Jennifer at Tatay Crisanto ang umuunlad kundi ang may-ari ng perya kung saan sila nagtatrabaho. Nagiging instrumento sila upang umunlad ang buhay ng kanilang amo samantalang hindi nila matugis ang kaginhawaang hinahabol nila. Ito ang ritmo at siklo ng kanilang kalagayan: magpapagal, susweldo, kakapusin, repeat. Bilang manggagawa ng perya, ang buhay nila ay maikukumpara sa rides—umaandar nga ngunit paikot-ikot lang naman.
Minsan, sinasabi ng kaniyang mga anak na gusto rin nilang magtrabaho sa perya—sapagkat sino bang titingalain ng mga paslit kundi ang mga magulang nila? Ngunit bilang ina, hindi nais ni Jennifer na maghikahos ang kaniyang mga anak. “Sinasabi rin nila, pero ang sabi ko—‘kapag nagperya ka dito ‘nak, hindi ka na magiging doktor.’ Taga-kalahid ka na lang,” sambit niya. “Kaya pinupursige ko silang mag-aral para mayroon naman silang marating—na hindi kagaya namin na sa peryahan na lang.”
***
Dahan-dahang tumataas, ngunit biglaan kung bumaba, at kung saan nagsimula, doon din nagwawakas. Ang kalagayan ng mga nagpeperya ay hindi isang bugtong—ngunit hindi ito malinaw na naipamumulat sa kanila maging sa maraming manggagawa. Gayundin, hindi ito madalas na naipapasipat sa mga Pilipinong hindi mulat at hindi danas ang pang-manggagawang pakikibaka.
Sa perya, kapag tapos na ang operasyon at kailangan na nitong magsara, panibagong pagsubok ang kailangang harapin ng mga manggagawa sa susunod nilang destinasyon—bilang mga dayo sa isang liblib na pook bitbit ang isang pamilyar na sistema.