‘‘Di ba, engineering student ka?’
“Anak, ayaw gumana ng TV natin, paayos naman.”
Isa lang ‘to sa mga linya ng mga magulang ko sa tuwing mayroong mga bagay na nasisira sa bahay namin. At kapag sumagot ako ng “Bakit ako po?” isa lang ang masasabi nila—“‘Di ba, engineering student ka?” Oo, engineering student ako pero nag-aaral pa rin ako at hindi lahat ng nasisirang bagay ay kaya kong ayusin. Hindi naman sa minamaliit ko ang sarili kong kakayahan pero iyon ang katotohanan. At hindi ko rin maintindihan kung bakit ganito ang pinapakitang expectations ng ibang tao sa kakayahan natin bilang estudyante.
Katulad na lang nga mga estudyanteng nasa kolehiyo katulad ko, kabilaan ang mga tanong kung saan ako nag-aaral at kung anong kurso ang kinukuha ko. Siguro, mabibilib ang iba kapag nalaman ang kurso mo—o sa kabilang banda, magtataka kung bakit iyon ang pinili mo. Pero habang tumatagal, nag-iiba na rin ang tingin nila sa‘yo dahil akala nila na sapat na ang nalalaman mo para magawa ang bagay na akala nila kaya mo.
Bilang engineering student, ang kadalasang trato sa amin ng mga tao ay “human calculators,” lalo na sa mga sitwasyong kailangan ang mathematics. Halimbawa na lang kapag magbabayad sa jeep, tatanungin ka agad ng kasama mo kung magkano dapat ang sukli niya. Kapag mabagal kang sumagot (mabagal is equal to isang segundo pa lang ang lumipas), agad nilang isusumbat na “Ano ba ‘yan? ‘Di ba, engineering student ka? Bakit ang bagal mong mag-compute?”
Sa totoo lang, dapat naintindihan mo nang lubusan ang mathematics kapag gusto mong kunin ang kurso sa engineering dahil ito ang pundasyon ng engineering subjects. Pero hindi naman talaga dapat maging magaling dahil hindi naman namin kailangang i-compute sa isip ang 975 times 8 divided by 20 plus 13 minus 43 sa loob ng ilang segundo. Katulad na lang ni Thomas Edison na kilala sa naimbento niyang light bulb. Hindi niya ginusto ang math at siya pa nga ay sinabihan ng mga guro niya na masyado siyang “stupid” para matutunan ang math. Pero sa kabila nito, napatunayan pa rin niyang hindi math ang susi para maging isang matagumpay na engineer dahil nagawa pa rin niyang makapag-file ng 1,093 patents upang hirangin siya bilang “world’s most prolific inventor.” Ayon nga sa Principal Electrical Engineer at presidente ng isang engineering at fabrication firm na EPIC Systems, Inc. na si John Schott, “Engineering is not so much being good at math but more about having a passion for understanding how things work and interact.”
Bukod sa pag-label sa amin bilang math wizards, kadalasan din kaming napagkakamalang repairman lalo na sa bahay dahil akala ng mga magulang ko na sobrang advanced na ang natututunan ko sa field ng engineering. Sa totoo lang, nakakatuwa na nagtitiwala sila sa kakayahan ko ngunit ramdam ko ang pressure kasi kakaiba ang expectation nila sa kaya kong gawin bilang isang engineering student. At kapag hindi ko nagawa, “Oh, bakit? ‘Di ba, engineering student ka?” ang tanging linyang maririnig ko sa kanila—na dapat ay hindi ako magpaapekto dahil alam ko sa sarili ko ang potensyal ko.
Siguro sa ibang kurso katulad ng biology majors, kadalasang expectation sa kanila ay dapat naman marunong mag-diagnose ng sakit kahit hindi naman ito ganoong kadali lang. Kung iisipin, maaaring nagbibiro lang sila pero may mga tao na sobrang taas ng expectations sa kakayahan ng isang tao katulad na lang ng ating mga magulang. Siguro masakit kapag hindi mo na-meet ang expectations nila pero sa kabilang banda ito ay nagsi-silbing alaala na kahit hindi mo nagawa, alam mo na balang araw na makakaya mo.
***
Ayon nga sa gasgas na linya, “Don’t judge the book by its cover.” Hindi lahat ng hugis tatsulok ay simbolo ng illuminati. Hindi lahat ng nakasuot ng green ay Lasallian. Hindi lahat ng late grumadweyt ay nagpabaya na sa pag-aaral. Kaya ang masasabi ko na lang sa aking sarili kapag hindi ako naka-graduate on time, “‘Di ba, engineering student ka? Okay lang ‘yan, normal lang ‘yan. Bawi na lang next sem,” (knocks on wood). Hindi ko naman sinasabi na masama magpakita ng expectations kasi sa totoo lang, nakaka-flatter ito—pero may kasama itong bigat ng pressure. Pero bilang kilala mo ang sarili mo, alam mo kung ano lang ang kaya mo, pero sa dulo nito alam ng ibang tao kung ano ang potensyal mo para magawa ang mga bagay na akala mo hindi mo kaya.
Kapag nagpatulong ulit ang nanay ko para ayusin ang mga nasirang appliance sa bahay pagkalipas ng tatlong taon, ang masasabi ko na lang ay: “Ma, let me handle it. I got you, fam!”