‘Di ko alam, wala akong paki
Sa aking kursong Communication Arts, mayroon kaming isang asignaturang Communication Theory. Habang ako’y nakikinig sa klase, pumatak sa akin ang “self” o sarili⎯ang pinagsamang “I” at “me”⎯mula sa Social Self Theory ni George Herbert Mead. Bagama’t parehas ang gamit ng panghalip na ito—ang maglarawan sa sarili—naiiba pala pa rin pala sila sa isa’t isa. Ayon sa aming propesor, ang “I” ay ang yugto ng ating kabataan na mayroon tayong sariling mundo at hindi natin pinakikialaman ang daigdig ng iba. Habang ang “me” naman ay ang karampatang gulang natin kung saan nagkakaroon tayo ng pag-intindi sa buhay ng iba “through the taking the role of others”. Kasabay ng pagdanas natin ay ang malaman kung paano i-aplay ang mga bagay na ito.
Sa palagay tingin ko, ito ang dahilan kung bakit may mga taong walang pakialam o wala lang talagang pakialam dahil hindi nila alam ang isang bagay—at para dito, isipin mo: bakit nga naman tayo magkakaroon ng pagkabahala sa isang bagay kung hindi naman natin alam ang makukuha nating benepisyo mula rito? Ang indeperensiya at kawalang-alam ay katulad lamang ng “I” at “me” na mayroong pagkakaiba.
Bago ako pumasok sa DLSU-D, palagi akong nakaririnig mula sa nakatatandang kakilala kong “ang mga taga-La Salle Dasma, feeling DLSU Taft”, “’Yong mga taga-La Salle Dasma, mga wala namang utak ‘yon eh” at marami pang iba. Aaminin ko, sa kalaunan ay naging ganoon na rin ang tingin ko sa ating Pamantasan noong ako’y nasa hayskul pa lamang. Huwag niyo akong sisihin, kung ang kinalakihan mo’y ganitong pananaw at walang nagsasabi sa iyong mali ito hindi na magkakaroon ng pagbabago. Ika nga ng isa sa aking paboritong karakter na si Elliot Alderson ng Mr. Robot: “The only way to patch a vulnerability is by exposing it first”. Noon ay walang namang naglantad sa akin na mali ang magkaroon ng ganitong panghuhusga. Kung binulungan lamang ako ng aking sarili sa hinaharap na hindi ganito ang La Salle Dasma, sigurado’y hinding-hindi ako magda-dalawang isip na baguhin ang pananaw ko.
Ang indeperensiya at kawalang-alam ay katulad lamang ng “I” at “me” na mayroong pagkakaiba.
Lahat naman tayo ay mayroong paghusga. Sa una, ang pananaw natin ay na ayon sa kuro-kuro pero hindi lahat sa atin ay nagpapatalo dito—ang iba ay dito pumapasok ang gumagamit ng kritikal na pagiisip. Ngayon ay naisip kong ang mga nagsabi nito ay sadyang ignorante lamang dahil walang namang pamantasan na puro tamad ang estudyante. Sa aking pananaw, ang naranasan ko ay isang kaso ng pag-impluwensya ng isang indeperensiya at kawalang-alam. Kung titingnan mo, nararapat na maglalahad ang mga may alam ng tamang pananaw sa mga baguhan—subalit hindi lamang ito nakaugaliang gawin.
Kagaya ng pagtatamasa natin sa mga magagandang bagay na may kaunti tayong kaalaman, ganoon rin natin hamakin ang mga ito. Sabi nila, may dalawang panig ang bawat storya pero para sa akin, mayroong walong bilyong panig sa bawat istorya. Kaya nga may higit walong bilyong tao sa mundo. Bawat kultura, edad, kasarian, personalidad at marami pang ibang kadahilanan ay may sariling pag-unawa sa ating lipunan. Ang istoryang sarili ng mga tao ay natatamo lamang dahil dito sila dinadala ng kanilang landas. Maaring ang iba naman ay nanatili sa “I” ngunit sila’y dapat tulungan at hindi pagtulungan. Lahat ng tao’y may potensyal na kaalaman, may mga tao nga lamang na maaring nahuhuli ng sampung taon dahil wala pa sila sa konseptong sarili.
Ang pinakamahalagang natutunan ko sa natatanging aralin na ito’y simple lamang: hindi mabubuo ang sarili kung hindi mangyayari ang “I” at “me”. Ang mga tao ay parang magkakonektang parte ng sa isang makinarya. Hindi tayo mga islang nag-iisa lamang dahil kung tayo’y pinagsama-sama, tayo’y magiging isang islang kayang labanan ang matataas na alon ng realidad.