Diyosa ng bagong milenya: Tula para sa kababaihan
Sa kanya’y hambing ang kagandahang
Inukit sa makulay nilang mga mata
Pusong hinulma sa nagbabagang liha
Hawak ng mahinhing mga kamay
Tangan ang yungib ng pagkalinga
Sa mga anghel ng kinabukasan
Minsang ikinulong sa loob ng tahanan
Sa labas nito’y, idinikta ang kakayahan
Pag-ibig ang naging sandata
Sa mundong naging madaya sa kanila
Dian Masalanta, multong namamahay
sa bawat guro at ina
At siya namang tinuringang mandirigma
Patuloy ang pag-ilag sa mga sibat,
Sa talas na mga mata at bibig
Sige namang hiniharang ang espada
Upang ang laban ay pilit maitabla
Pagkalinga sa bayan ang piniling landas
Ngunit ang mundo ay galit sa patas
Marahil siya’y nasa pagitan ng dalawang kasarian
Kahit ang laman ng puso’y malinaw kung nasaan
Lakapati, babaeng sumisigaw ng karapatan
Mga umaalingawngaw ay hindi tatahan
At iyon din siyang kay hiwaga ng mga kamay
Mga lunas na hatid ang palamuti sa katawan
Sa takipsilim ay huling uupo
Sa bukangliwayway ay unang tatayo
Nilisan ang tahanan, sa mga katawan tumungo
Hahaplusin ang estrangherong mga balat
Pikitmata, pipigilan ang luha sa pagtulo
Mga hikbing itinatago sa maingay na gabi
Daing ang musika ng sigaw na napakahapdi
Nakatitig sa bawat laman
Habang sila’y naglalahot nadadadagan
Dalikamata, silang iibsan ang karamdaman
bayani ng kasalukuyan