Gising na
Tulad mo, naranasan ko na ring magbulag-bulagan at manahimik laban sa mga bagay na alam kong hindi tama. Tulad mo, minsan na rin akong nagpanggap na ayos lang at may pag-asa ang lahat—dahil natatakot akong mahusgahan o ‘di kaya’y sadyang natatakot lamang akong tumayo.
Pero sa tagal ng pananahimik na ito at hindi pakikialam, sa tingin ko’y oras na—oras na pala para tayo’y gumising na dahil dati na rin akong nabihag sa ganitong pananaw.
Isa’t kalahating taon din ang lumipas bago ko ito napagtanto. Kamakailan lang, noong ako at ang aking mga kaklase’y dumalo sa Araw ng Protesta, aking narinig at naintindihan ang mga saloobing kanilang matagal nang ipinaparating sa gobyerno. Dati’y nakikita ko lamang ang mga ito sa telebisyon o social media, subalit noon ko lamang tunay na natunghayan at naramdaman kung gaano kasakit at kahirap ang kanilang dinaranas.
Ilan sa mga ito ay ang usapin tungkol sa karapatang pantao na matagal nang binabalewala ng gobyerno, giyera laban sa droga na kumitil na ng buhay ng libu-libong Pilipino, at paglala ng dibisyon sa pagitan ng mamamayan ng ating bansa lalo na sa pagbabahagi ng kani-kanilang opinyon at ideya.
Oras na pala para tayo’y gumising na
Alam kong hindi gano’n kadaling kumawala sa isang sistemang walang iisang direksyon, magulo, at pabago-bago, na dati ko ring binigyan ng benefit of the doubt sa loob ng tatlong buwan, anim, sampu, maging hanggang isa’t kalahating taon.
Hindi masama ang magkaroon ng matinding paniniwalang may patutunguhan ding maganda ang mga ito, ngunit sana’y bilang mamamayan ng ating bansa, alamin natin kung dapat pa bang patuloy na hayaan lamang ang mga nangyayaring hindi maganda—o dapat na bang gumising sa katotohanang dapat na tayong makiisa sa hangaring matulungan ang ating bansa.
Mahirap mang itanggi subalit alam kong marami pa rin sa atin ang tila hindi pa nagigising sa katotohanang mali ang sistemang ating kinagagalawan.
Paano nga naman masasabing matagumpay na maiaahon ang ating bayang matagal nang nalunod sa pagkalugmok kung ultimo mahihirap ay itinataboy at sinasabihang, “Wala akong pakialam, mamatay kayo sa gutom” ng gobyernong dapat ay para sa bayan at naglilingkod para sa bayan?
Hihintayin pa ba nating umabot sa mahigit libu-libo ang dapat na mawala? Hahayaan pa ba nating patuloy na lumaganap ang fake news?
Nawa’y huwag nating kalimutang magsilbing inspirasyon at lakas para hikayatin ang ibang taong makiisa sa labang ito. Kasabay nito, hindi rin naman mali ang magbigay-suporta sa gobyerno kung alam naman nating tama ang daang tinatahak nito.
Tulad ko, iyo na ring isantabi ang takot at pag-aalinlangang nararamdaman sa mga panahong nais mong tumayo para sa kapakanan ng marami. Walang problema kung pipiliin mong magsimula sa maliliit na hakbang dahil kung hindi tayo gigising at kikilos ngayon, kailan pa?