Halinhinan ang hatol
Kadalasan sa mga hindi pagkakaunawaan sa loob ng tahanan, may mga pagkakataon kung saan hindi naiiwasan ng magulang na makabanggit ng masasakit na salita sa atin bilang mga anak. Inaakala nilang hindi ka na tinatablan subalit sa kabila ng pagmamatigas na iyong pinapakita, sa loob-loob mo ay nasasaktan ka pa rin sapagkat walang anak ang nagnanais na mabatikos ng sarili niyang mga magulang. Mapapaisip ka na lang kung nasaan ba ang problema, kung nasa iyo ba talaga o sa mga magulang mo na hindi maintindihan kung ano ang iyong sitwasyon. Sa kasamaang palad, ang ganitong scenario sa loob ng tahanan ay itinuturing na hindi kakaiba at kung minsan pa ay katanggap-tanggap, subalit sa makabagong panahong, sa tingin ko ay oras na para suriin ng mabuti kung ang mga bagay na katanggap-tanggap noon ay nararapat pa rin bang manatili dahil ito na ang nakasanayan.
Ang parenting ay mayroong iba’t ibang uri ayon sa sikolohiya: authoritative, neglectful, permissive, at authoritarian. Ang pinakamadalas na nakasanayan sa karamihan ng mga tahanan ay ang authoritarian parenting o strict parenting kung saan mayroong mga patakaran na ibinibigay sa atin at inaasahan tayong sumunod sa mga ito kahit anong mangyari—walang pero-pero, walang bakit-bakit. Pamamalo gamit ang walis ting-ting, hanger o tsinelas, pagpapaluhod sa munggo, o ‘di kaya’y pamimingot sa tainga ang mga kalimitang kaparusahan na nararanasan ng mga anak mula sa kanilang mga magulang. Subalit ang mga pagbubunganga, pang-iinsulto, at pamimintas man ay hindi nakakasakit sa pisikal na aspeto ng mga anak, ibang epekto naman ang naibibigay nito sa kanilang damdamin at kaisipan.
Ayon sa web article mula sa mercola.com na Screaming At Your Misbehaving Teen May Backfire ng natural health expert na si Dr. Joseph Mercola, imbes na nakabubuti ang epekto ay nakasasama ang paninigaw, pagmumura, at pang-iinsulto sa mga anak bilang pagdisiplina sa kanilang kinikilos, inaasal, o pag-uugali. Nagdudulot din ito ng masamang epekto sa pagsunod ng mga bata sapagkat nakapag-uudyok ito upang mas lalong tumaliwas sa kanilang mga magulang. Karaniwang epekto ng strict parenting ay ang pagrerebelde, pagkamuhi, at pananakit sa sarili o mga mapanirang gawain sa sarili na nakikitaang hindi epektibo bilang solusyon sa maling pag-uugali ng kabataan at mas napapalala pa ito.
Subalit kung tutuusin ang ating mga magulang ay minsan na ring naging mga binata’t dalaga kaya naman may mga pagkakataon na hindi nila mapigilang ihalintulad ang kanilang mga karanasan sa mga bagay na ating nararanasan. Maaaring naging epektibo ang striktong pamamaraan ng pagpapalaki noon ngunit sa bawat henerasyong lumilipas at napapalitan, maraming pagbabago ang umuusbong sa kapalaran ng siyang isinisilang dito. Ilan sa mga pagbabago na ito ay ang impluwensiya ng media, ng internet, at ng teknolohiya na naging sanhi upang ang kinagisnang pamumuhay ng mga kabataan ay tuluyang naging kakaiba. Kaya naman kung tutuusin ay hindi nagkakaroon ng gaanong kahulugan ang paghahalintulad na ibinibigay ng mga nakatatanda dahil ibang-iba na ang panahon nila sa mayroon tayo ngayon.
Mahalagang madisiplina ang mga anak upang lumaki sila ng matiwasay subalit ang pagdidisiplina ay maaari namang gawin sa maayos na pamamaraan. Ang alternatibo sa strict parenting—paggamit ng pisikal o verbal na pagpaparusa sa pagdidisiplina ng mga anak—ay ang authoritative parenting na itinuturing na pinaka-epektibo sa lahat ng uri. Pagbibigay ng suporta at pang-unawa sa mga anak ang mga nangungunang aspeto ng parenting style na ito kung saan ang pagdidisiplina ay idinadaan sa malayang pakikipag-usap sa pagitan ng mga magulang at anak.
Kung ano ang puno ay ‘yon din ang siyang bunga, kumbaga kung respeto at paggalang ang itinatanim ng mga magulang sa kanilang anak, uusbong at magsisilbing pagpapatunay ito sa kanilang buhay. Ang tahanang napapalibutan ng positibong relasyon ng mag-anak ay tiyak na mas magkakaroon ng makabuluhang pagsasama at pagkakaunawaan.
Sa oras na mapalitan ang mentalidad na “mahal kita kaya kita sinasaktan” bilang “mahal kita kaya kita susuportahan,” sa tingin ko ay tunay na mababago ang lipunan at komunidad na mayroon tayo. Matatanggal ang mga nasisirang relasyon ng mga anak sa kanilang mga magulang at mababawasan ang mga buhay na napapariwara dahil ang kasiyahan at pagtanggap ay nararanasan na ng anak mula sa kanyang pamilya. Sa kabilang banda, hindi lang nakasalalay sa mga magulang ang kabuuang problema kung minsan kaya rin tayo’y napagsasabihan dahil may nakikita silang hindi mabuting pag-aasal o paguugali. Kung sa gayon, nararapat lang na gawin mo ang iyong parte bilang isang anak, dahil ika nga, ang relasyon ay hindi magtatagumpay kung isa lang ang nagta-trabaho para rito.