Back

Hindi na dadating si Santa Claus

Naloko na rin ako diyan. Basta’t pagpatak ng hatinggabi tuwing bisperas ng pasko, isa ako sa libu-libong mga batang gabi-gabi kung mag-abang sa pagkalampag ng bubong o kaya’y ng pintuan. Umaasa akong may mananaog na higanteng balot na balot sa mabalahibo’t matingkad na pulang bestido mula sa kisame. Pigil ng kaliwa niyang kamay ang sakong nakasabit sa kanyang likod—siksik, liglig, at umaapaw ng teddy bears at baril-barilan.

Ang problema, gagayak na sa bente ang edad ko at wala pa ring Santa ang sumandali sa mga balita sa dyaryo o telebisyon. Hindi pa ba sapat na pang-akit ang bukambibig sa mga balita na tayo ang may “fastest-growing economy” sa Asya? Mayroon akong iilang teorya kung bakit laging nilalaktwan (o baka naman naka-ekis na) ang Pinas sa listahan ni Santa.

1. Ang tanging butas na malulusutan ni Santa ay ‘yong diretso ang daloy papunta sa kanal. Kung tutuusin, mapapalad pa ‘yong mga walang malulusutan, dahil ang iba naman ay walang mga bahay. Kung sakaling magpumilit si Santa na makapasok, wala pang isang minuto’y siguradong hihiyaw na ang mga kapitbahay ng “Akyat bahay!” at uuwing duguan at bugbog sarado si Santa pabalik sa North Pole.

2. Saan naman kaya i-papark ni Santa ang kanyang dala-dalang karwahe? Hindi na rin nakapagtataka kung maipit siya sa nakamamatay na daloy ng trapiko lalo na sa Maynila. Baka tapos na ang selebrasyon ng pasko, hindi pa rin natatanggap ng mga bata ang kanilang mga regalo.

3. Bago pa man makapasok si Santa sa bansa, makokotongan muna siya ng Bureau of Customs o kaya ng Immigration. Siguradong matataas ang lead content ng mga dala niyang laruan, malay ba natin kung lahat ng iyon ay low-class na Made in China

“Baka naman matagal nang naideklarang persona non grata si Santa sa bansa natin.”

4. Tiyak na mapaghihinalaan siyang drug pusher. Sa haba ng kanyang balbas, laki ng kanyang tiyan, at kaduda-dudang bitbit na sako, walang pag-aatubili siyang tatamo ng mga bala ng baril. Pati na rin si Rudolph at iba pa niyang dalang mga usa. Ipapatong sa kanyang dibdib ang kardbord na minarkahan ng “Drug pusher ‘Wag tularan.” Samantalang nakahanay na ang kanyang mga reindeer sa pamilihan ng mga karne—pang noche buena.

5. Magtataka si Santa na baka siya ay nagkamali ng tingin sa mapa—aakalain niyang nasa Amerika pa rin siya dahil napakarami pa ring nananahang US military troops sa Pinas at mas pinagsisilbihan pa ng PNP ang US embassy kesa kapwa Pilipino.

6. Baka naman matagal nang naideklarang persona non grata si Santa sa bansa natin. Nakakakompetensya kasi niya ang mga politiko, lalo na sa paskong ilang buwan bago mag-eleksyon. Nadadaan sa pamimigay ng mga supot na may nakadikit na dilaw, pula, at iba pang mga kulay ng sticker, depende sa kulay ng panig. Kadalasan, dinadaan din sa pag-aabot ng malulutong na pera—pareho pa namang hatinggabi kung mag-alok ng regalo sina Santa at ang mga politiko.

Iilan lamang ito sa mga nakikita kong potensyal na mga dahilan kung bakit tila wala nang balak pang bumisita si Santa sa atin. Nakakatawa pero paminsan-minsa’y umaasa pa rin akong parang batang nakatanghod sa bintana. Posibleng matagal nang napadpad dito si Santa at ngayo’y sa bilibid na nagpapalipas ng panahon. Naisip ko rin na baka nasa Malacañang at isa na siya ngayon sa mga nakaupo sa Kongreso ng gobyerno. Pero maaari ring nakasalubong na natin siya na palakad-lakad sa pampang ng Manila Bay—gula-gulanit ang bestido, ang balbas ay singhaba na ng sa ermitanyo, at pigil pa rin ng kanyang kaliwang kamay ang sakong dating siksik at umaapaw ng mga laruan, pero ngayo’y pinuno na lamang ng mga boteng walang laman.

***

Marahil ay napakahaba at kalunos-lunos na ang sinusuong sa paglalakbay ni Santa—singhaba ng ating pang mga tatahakin patungong tunay na hustisya’t kaunlaran. Samakatuwid, malinaw na ito ang hamon sa kasalukuyang henerasyon ng kabataang nananatiling nakatanghod sa bintana’t tarangkahan—hanggang kailan natin hahayaang maipit ang ating mga Santa sa buhol buhol na problema?

 

Post a Comment