Juan Mapagpabukas
Sumagi sa iyong isipang gawin nang mas maaga ang proyektong ibinigay sa iyo dahil marami ka pang gagawin. Sa kasamaangpalad, isang demonyo sa loob mo ang araw-araw na nagsasabing “bukas na lang ‘yan”—hanggang sa iisang araw na lang ang natira bago ang pasahan. Natapos mo ang iyong proyekto sa loob lamang ng isang gabi ngunit wala itong kalidad. At kinabukasan ay ipinagmamalaki mo pang nagawa mo siya sa loob lamang ng isang gabing pagpupuyat. Pagkatapos mong makita ang iyong grado, sinabi mong “babawi ako next time”. Dumaan ang next time ngunit muling nangyari ang ginawa mo. Ngayon, nalaman mong kailanman ay hindi dapat ipinagmamalaki ang isang pagkakamali maliban na lamang kung natututo tayo dito.
Nasa gitna ako ng pagsusulat ng aking mga aralin sa Communication Theory nang masalubong ko ang cognitive dissonance theory ni Leon Festinger. Nakalagay dito ang isang halimbawa ng naturang teorya mula kay Aesop. Sa istoryang ‘yon, sinusubukan ng fox o soro na makuha ang isang kumpol ng mga ubas subalit hindi niya magawang makuha ang mga prutas. Dahil dito, sinabi niya sa sarili niyang ang mga ubas na ito’y maaasim at kung makuha man niya ‘yon ay hindi niya ito kakainin.
Ang cognitive dissonance, sa mas simpleng termino, ay isang psychological conflict na nararanasan ng tao kapag siya’y nagkakaroon ng maraming opinyon sa isang bagay sa parehong oras lamang. Ganito ang marami sa atin—na mas kilala bilang mga procrastinator.
Sinabi sa Psychology Today¸ ang mga tinatawag nating procrastinators ay nagsasabing nakagagawa nang mas mabuti kapag mayroon silang pressure na nararamdaman, na siya namang pinabulaanan ng naturang website. Inihayag ng website na ginagamit lang ng procrastinators ang rason na ito upang mabigyang-katwiran ang kanilang katamaran. Sumang-ayon dito ang isang article sa Inquirer.net na may titulong “Why do people procrastinate?” Madalas ay nagkakamali sila sa pagtantsa sa hirap at kailangang oras para sa mga gawain. Dagdag pa nitong kadalasan ay “unhealthy perfectionists” ang mga procastinator dahil sila ang mga taong takot magkamali at napaparalisa bago gumawa o habang gumagawa.
Ang pagsasayang ng oras ay mas malala pa sa pagsasayang ng pera.
Procastination, Mañana Habit, o kung ano man ang tawag natin dito ay isang paulit-ulit na cycle. Hangga’t hindi ito itinitigil at hindi natin ipinagmamalaki na ginagawa natin itο, hindi ito mawawala.
Ano nga ba naman ang magagawa ng isa, tatlo, lima, at maaari pang madagdagan⎯na araw ng pahinga? Imbis na gawin natin agad ang ating mga trabaho, mas binibigyan natin ng pansin ang social media o kung ano pang distraksyon. Dalawang bagay ang magagawa nito: ang pagtaas ng bilang ng pagsasabay-sabayin mong gawain at ang walang saysay na kagalakang matatamo mula dito.
Hindi talento ang procrastination kundi kabaligtaran—ito ay kawalan ng kakayahan sa disiplina at kontrol sa sarili. Walang taong kayang gumawa ng magagarbong thesis o kaya nama’y mga proyekto sa loob lamang ng isang araw. Isipin natin ang bawat oras na nasayang sa paggawa natin ng bagay na ito. Marami pa sana tayong ibang magagawa bukod sa dapat nating gawin.
Ang pagsasayang ng oras ay mas malala pa sa pagsasayang ng pera. Ang procrastination ay parang pagbibigay ng permiso sa isang magnanakaw na nakawin ang oras natin. Sa normal na pagkakataon, hindi natin inaanyayahan ang isang magnanakaw, ngunit ganoon ang ginagawa natin tuwing tayo’y nagpo-procastinate—at ang malala pa rito’y ipinagsisigawan natin ito na para bang ito’y isang pambihirang kakayahan.
Siguro’y dapat isama na rin sa masasamang pagkagumon ang procrastination dahil hindi tayo makawala rito. Ngunit kung magiging bukas ang mga mata natin dito, kasabay na nito ang pagkakaroon ng hinog na isip o maturity sa atin. Sabi nga nila, ang pagiging grown-up ay ang paggawa ng mga hindi mo ginugusto at kasama rito ang pag-iwas sa mga kasiyahan para sa sarili natin.
Sinabi sa librong binaggit ko sa unang talata ng artikulong ito na ang pangangailangan na tanggalin ang dissonance ay dapat na kasing antas ng pangangailangang malugod ang gutom o kaya naman ay ang kaligtasan. Isang importanteng punto ito ng libro. Kahit sa procrastination, ito ang tamang ideya. Kung titingnan nating mabuti, wala naman talagang magandang dulot ang bagay na ito. Kinakain tayo ng mga katagang “mamaya na lang”, “bukas na lang” at marami pang iba kahit na puwede naman itong gawin ngayon. Ang pagbabago ay nagsisimula sa maliliit na bagay, kung uumpisahan natin ngayon—sa oras na ito, habang binabasa mo ito (kung hindi mo ipagpapaliban ang pagbabasa nito)—ito’y isang hakbang na at magandang simula papalayo sa procrastination.