Kapag may tiyaga, may nilaga
Ako ay isang estudyante na may kursong Bachelor of Science in Accountancy. Bawat isang taong nakapagtapos sa kursong Akawntansi ay may choice na kumuha ng Certified Public Accountant Licensure Exam (CPALE) o hindi. Ngunit para sa mga nais maging isang ganap na Certified Public Accountant (CPA), kailangan itong kuhanin at maipasa.
Bilang isang estudyante na may kursong pang-board exam, hindi madali ang tinatahak naming paglalakbay patungo sa dulo ng kolehiyo hanggang sa pagkuha ng board exam dahil simula pa lang sa pagiging kolehiyo ay hinahasa at pine-prepare na kami nang maigig para sa CPALE.
Mula first year sa kolehiyo, may quota na kaming dapat maabot at dapat i-maintain para ma-practice kami sa pag-abot sa quota ng CPALE. Katulad nito ay para makapasa sa CPALE at maging isang ganap na CPA, kailangan makakuha ng 75 na iskor ng isang taker.
Hindi ko nililimitihan sa Akawntansi ang mga sumusunod na sitwasyon, bagkus maaari ring maranasan o nararanasan na ito ng iba pang estudyante na kumukuha ng iba pang kurso bukod sa Akawntansi.
tayo ang gumagawa ng sarili nating kapalaran
Kailangan kong pumasok araw-araw na may bitbit na kaalaman mula sa past, present, at future lessons sa bawat asignatura. Halos araw-araw din ang quizzes kaya kailangan may baon ka palaging kaalaman. Kung walang recitation, may seatwork, o alin man sa dalawa. 100-item comprehensive exams ang ibinibigay ng aming mga propesor kada prelims, midterms, at finals para masukat ang aming kaalaman. Lahat ng mga ito ay ilan lamang sa proseso ng preparasyon namin para sa CPALE.
Sa kabilang dako, kung papansinin natin, pababa nang pababa ang CPALE National Passing Rate. Mula sa nakaraang Mayo 2018, Oktubre 2018, Mayo 2019, at Oktubre 2019 na CPALE Passing Rate 28.92%, 25.18%, 16.46%, at 14.32%, kung saan naitala ang pinakamababa kumpara sa mga nakaraang taon.
Bakit kaya ito nangyayari? Kulang ba ang preparasyon ng mga unibersidad at ng mga estudyante? May kakulangan din ba ang Board of Accountancy (BOA)? Kanino nga ba ang mali? Kung titignang maigi, hindi mapipin-point kung sino ang tunay na may kasalanan.
May mga pagkakagulong nangyari, ayon sa past CPALE takers, sa CPALE noong nakaraang Oktubre 2019. ‘Di umano, hindi naging malinaw ang instructions kung luma o bagong standards ba ang gagamitin sa pagsagot ng mga tanong sa CPALE. ‘Yong iba, in-apply ang old law at ‘yong iba naman ay in-apply ang new law. Isa pa, may mga lumabas na questions na wala naman sa coverage na ni-release ng BOA. Malamang ay nagulat ang karamihan dahil hindi ito naisama sa mga topics na ni-review at pinaglaanan nila ng atensyon at pansin dahil sa paga-akala na hindi ito lalabas sa eksaminasyon. Lumalabas na may inconsistency na naganap.
May mga pangyayari ring nagiging maluwag ang mga guro sa mga estudyante, may mga lessons na hindi naitu-turo dahil sa mga factors katulad ng time constraint, at iba pa. Mayroon din namang mga pangyayari na dawit ang mga estudyante. Halimbawa na ang talamak na kopyahan at pandaraya sa loob ng classroom, kawalan ng gana mag-aral dahil sa stress o pagod, at maaaring hindi effective ang teaching style ng isang guro sa isang estudyante.
Ang punto rito ay tayo ang gumagawa ng sarili nating kapalaran. Ika nga nila, ‘pag may tiyaga, may nilaga. Maaari tayong mangarap ng marami at ng matayog. Ngunit kung hindi natin ito sasamahan ng effort at pagsisikap, hindi natin ito makakamit. “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.” Para sa BOA, marami na ang mga hinaing na nailabas. Nawa ay makagawa ng aksyon na nararapat at sapat upang hindi na muli mangyari pa ang mga nakaraang insidente.
Para sa aking kapwa tao, gawin natin ang nararapat, ayusin natin ang ating bawat aksyon at ibigay natin ang ating lahat ng makakaya para sa huli, hindi natin masabi na tayo ang nagkulang. Mahirap na magsisi sa huli. Para sa mga kapwa ko estudyante, mag-aral tayong maigi dahil para sa kapakanan din natin ito. Huwag tayong umasa sa mga sagot at kaalaman ng iba dahil sa huli, tayo dapat ang tatayo sa sarili nating mga paa. Sa huli, ang sarili lang natin ang ating kakampi.