Kasabihang Kutsero, Ibuking!
Mula sa labas ay payak kung mailalarawan ang aming tahanan; pinagtagpi-tagping bato at yero ang tanging pundasyon, at nakapaskil na ukit ng umula’t umaraw na panahon sa dingding naming tila kwadro ng kalikasan. Gayunpaman, bagamat kulang sa palamuti, ay napupunan ng makukulay na pagkatao ng aking ina at tatlong mga kapatid ang loob ng munting espasyo. Simple, ngunit masaya.
Sa labimpitong taon ng aking buhay, nakagisnan ko nang panoorin ang pagsikat ng araw habang tumitilaok ang mga manok sa bakuran, bilang hudyat ng panibagong umaga. Kasabay nito ay ang huni ng tawanan ng aking mga kapatid mula sa kabilang kama—walang palyang paalala kung gaano ako kaswerte sa pribilehiyong marinig at masilayan ang munting sandaling kapiling ang pamilya.
Maya-maya lamang ay tatawagin kami ni nanay upang bumaba at mag-agahan. Para sa akin, ganito ang takbo ng buhay.
“Mga anak, magsikain na ng almusal!” sigaw ni nanay mula sa kusina na sinundan ng maingay na pagputok ng mantika.
Nang nahagip ng kanilang mga tainga ang tunog ay matuling kumilos ang tatlo kong nakababatang mga kapatid patungo sa hapagkainan. Swerte kami ngayon at ginanahang maglabas ng kawali si nanay kahit umaga pa lamang. Tumatagos mula sa paningin hanggang panlasa ang produkto ng pagsisipag ng aming ina—iba ang galak na dala ng prinitong itlog sa panlasang apat na araw nang pinurga ng itlog na nilaga.
Kung minsan ay maaabutan ko si nanay na nakangiting naghahanda sa kusina, kaya naman hihiritan ko siya ng biro tungkol sa hilig niyang maglaga—na siya namang pangangatwiranan niya ng: “Nak, umagang-umaga, pagputok agad ng mantika?” Naaalala ko na lamang ang mga matatanda sa radyong hilig din magreklamo sa ingay, at nakangising napapailing sa nosyong tumatanda na ang aming nanay.
Ngayong araw ay kapansin-pansing may naiiba sa kaniyang hain. Nasilayan ko ang kaniyang simangot habang hawak-hawak ang ilang papel sa kamay na nanginginig. Pinagmasdan ko si nanay at sinuri ang papel na tila gusto niyang sunugin sa lutuan. Mabilis na nadatnan ng aking mga mata ang salitang nakalimbag sa malalaking titik at pulang tinta: Disyembre 1—ang petsa bukas.
Sa pakikipagtuos sa tila problemadong itsura ni nanay ay nakuha kong matanong sa sarili: Mayroon pa rin bang dahilan managinip ang taong wala namang iba pang kasalukuyang mithiin?
Hindi ko maunawaan ang kaniyang panginginig dahil lamang sa papel. “‘Nay,” pagtawag ko sa atensyon niya habang pabalik-balik ang tingin sa kanila ng aking mga kapatid na walang malay sa paghingang bumibigat. “Kain na po.”
Sa wakas ay nilingon na kami ni nanay. Nagpakawala ito ng buntong-hininga at lumingon sa aming apat. Dali-dali niyang itinago ang hawak na mga papel sa bulsa ng kaniyang saya bago pumwesto sa bakanteng bangko. Isa-isa niya kaming tiningnan bago pumikit upang magdasal, at lumipas ang sandali na parang walang nangyaring kakaiba.
“Ate! Turuan mo ‘kong mag-chess ngayon. Nag-promise ka kahapon,” paalala ni bunso. Sa kaiisip kay nanay, muntik ko nang malimutan na ang aking umaga ay nakalaan para sa pakikipaglaro sa aking mga kapatid.
Mabilis kong iwinaglit mula sa isipan ang inaalala at saka siya hinarap. “Siyempre, pero ‘di pa pwedeng ilatag ‘yung board dahil kumakain pa tayo. Mamaya, ha?” Nais ko pa ring tagain ang kondisyon ng nanay, ngunit kung hanggang ngayon ay hindi pa rin siya umiimik. Malamang ay walang problema na kailangang solusyonan nang mabilisan.
Pagsapit ng tanghali, iiwanan ko ang paglilibang upang asikasuhin ang gawaing bahay. Kung oras para sa aking mga kapatid ang almusal, para kay nanay naman ang mga oras matapos ng tanghalian. Habang winawalis niya ang sahig na kinahiligan nang gawing palaruan ng aking mga kapatid, ako naman ay nagkukuskos at banlaw ng mga pinagkainan mula kaninang umaga.
“‘Nay, may problema po ba?” ‘di ko napigilang itanong habang pinagmamasdan ang pagdaloy ng tubig mula sa gripo.
Katahimikan. Ilang tibok ng katahimikan ang bumalot sa hangin ngunit wala akong natanggap na tugon. Sa aking paglingon ay nakita ko ang paglapit ni nanay sa aking tabi, at sa sandaling ‘yon ko lamang naintindihan ang pananaginip nang gising—“‘Nak, magtatapat ako sa’yo,”—doon ko lang din nalaman na pwede pa palang gisingin ang gising. “Sa ngayon, kailangan ni Nanay ng maraming-maraming pera. Baka mapilitan tayong mamuhay nang wala munang kuryente.”
Sa gitna ng nakapatay na mga ilaw at nakabukang mga bintana, napatitig na lamang ako kay nanay.
“Kaya’t habang ikaw ay estudyante pa, mag-aral ka nang mabuti’t malayo ang ‘yong mararating,” pawakas niya. Sa gitna ng pagsasalita ay ipinatong niya ang kaniyang baba sa aking balikat. Hindi ko pa rin lubos na maunawaan ang lumbay ni nanay. Mahirap bang mamuhay nang walang ilaw?
Bakit nga ba talaga nangangarap ang tao? Hindi ba’t madaling makampante basta’t magkakasama kaming lima sa ilalim ng bubong na walang butas? Pero kailanman ay hindi pa nagsinungaling si nanay sa akin.
“Magbasa ka ng maraming libro, ano man ang mahahawakan mo. Patalimin mo ‘yang isip at pangarap mo, para kinabukasan ay makapagdiwang ka kasama ng iyong mga minamahal. Magsikap ka lang, ‘nak,”
Wala akong nagawa kundi tumitig sa mga pinggan na nanatili sa gitna ng aking mga daliri, tulala lamang sa hinaharap na pagsubok ng aking ina.
Lilipas ang oras at darating ang hapon kung saan pagod na ang araw magbigay-sinag kaya’t magbibigay-daan na ito para sa gabi. Sa oras na hindi na masakit sa balat ang liwanag nito, alam ko nang tumungo sa tahanan ng aking guro kung saan makikinig ako sa usapan ng matatanda, mga boses na nagmumula sa kahon na tinatawag niyang “radyo.” Minsa’y nahagip ko silang nagbababala sa mga nakababata—mag-aral din daw at magbasa nang maigi, lubos na hawig sa payo ni nanay sa akin kanina lamang. Pareho ba kami ng programang pinakikinggan? Imposible; hindi na ako magtutungo sa ibang bahay kung mayroong gumaganang radyo sa tahanan namin. Pero kung ganoon, hindi na rin kakailanganin ng mga kapatid ko ang aking mga kuwento…
“Magpapatalo ka sa mga mananalitang ‘di naman kilala ng mga kapatid mo? Wala ka bang pinapangarap?” hamon sa akin ng aking gurong hindi ko namalayang nakapwesto na pala sa ‘king harapan. Sa sobrang lalim ng aking pag-iisip, hindi ko na napansing kumatok na pala ako sa kaniyang pinto, balik sa lugar na nakasanayan ko nang bisitahin. Tulad ng nakagisnan, katabi ko lamang ang radyo at umiiral ang estasyon ng mga matatandang tagapayo.
Hindi ko na rin napansing nasambit ko na sa kaniya ang aking pag-aalinlangan kaya’t napayuko na lamang ako sa hiya.
Nakatungo man ako’t pinagmamasdan ang mga insekto na naligaw sa sahig ay ramdam ko pa rin ang malalim na kunot sa kaniyang noo. (At hindi ko pa rin alam ang pangalan ng taong tinuturing ko na guro—masasabi ko bang ang kanyang radyo ang talagang nagtuturo sa akin? Miss Radyo…)
Dahil tinanong niya na rin naman, pakiramdam ko ay utang na loob ko ang maging tapat. “May pinapangarap po.”
Dahan-dahan kong itinaas ang aking hintuturo at itinapat sa kaniya. “Nais ko pong malaman ang pangalan niyo,” sambit ko, matapos ay itinaas ko ang pangalawang daliri. “At nais kong maintindihan ang bigat ng problema ni nanay.”
“Halika rito,” pag-aaya niya sa akin.
Sa kabila ng pagiging kampante—iyong pakiramdam ng pagkalayo sa problema at kasiguraduhan na anumang bagay ang dumating ay lilipas din—marahil ay mayroong mga panaginip dahil at para sa pangarap ng mga minamahal. Nananaginip ang tao dahil sila ay nangangarap, at nangangarap ang tao dahil sila ay nagmamahal. Siguro ay mayroong nasaksihan na apoy sa aking mga mata ang guro’t tila ibubunyag na niya ang kaniyang pangalan matapos ng ilang buwan kong pagbisita rito. Kung gayon—
“Balitang-balita!”
Sa isang iglap ay nagbago ang buong paligid. May masiglang host na bumabati sa ‘king tabi, tutok ang mata sa camera—panimula ng seryosong usapan sa pagitan niya at ng mga manonood. Ramdam ko ang paghihingalo; para bang binato ako sa kabilang panig ng daigdig sa loob ng ilang segundo lamang, at napasulyap na lang ako sa aking mga daliring sa awa ng langit ay kumpleto pa rin. Hindi ko maalala kung paano ako napadpad rito, at mas nakapagtataka kung paano tila walang ibang nakapapansin na medyo kumulot ang boses ng host at patay-sindi ang mga ilaw sa loob ng malawak na silid.
“… Dito lang sa ‘Kasabihang Kutsero, Ibuking!’ Ito ang kuwento ng ating panauhin sa programa ngayon. Kung mayroon din kayong lumiliyab na tanong pampilosopo na nais bigyang sagot, subaybayan ang talambuhay na ihahain namin at ng aming mga iniimbitang may karanasan sa inyo araw-ara—”
Katahimikan.
Sa muling pagmulat ng mata ay bumungad sa akin ang bumbilya ng tahanan. Nananatiling nakasabit ang mga eroplanong papel na itinupi ng aking mga kapatid, at nakadikit pa rin sa yerong kisame ang mga palamuting glow in the dark na kanila ring pakana.
Nagsisimula nang sumikat ang araw at sigurado akong maya-maya ay titilaok na ulit ang manok ng kapitbahay bilang hudyat ng panibagong umaga—at muli kong maaalala kung gaano akong kaswerteng marinig at masilayan ang sandaling ito. Maya-maya muli ay tatawagin kami ng nanay upang bumaba at mag-agahan, at dadako naman ang huni ng tawanan ng aking mga kapatid sa lamesa.
Ramdam kong napahaba ang aking pananaginip, ngunit ni isang sandali ay wala akong memorya sa nangyari. Gayunpaman, natuklasan kong hindi na rin iyon mahalaga. Isiningit ko sa ilalim ng unan ang aking kamay at saka nakapa ang balat ng librong hiniram ko mula sa aklatan kahapon.
Sa Ingles, iisa lamang ang salita para sa panaginip at pangarap, at ang pangarap ko sa ngayon ay maabot ang wakas ng librong ito.
Art slider by Maria Isabella R. Dela Chica