Back

Kontra diskriminasyon

Bata pa lamang ako, inakala kong parte na ng paglaki ang pagyuko ng ulo, kasabay ng pagdako ng tingin sa mga itim kong sapatos na naging kulay puti dahil sa pumalibot na alikabok dulot ng buong araw kong paglalaro; sa tuwing patuloy na umaalingawngaw sa tainga ko ang mga tukso ng aking mga kaibigan sa bawat pagdaan ko sa harap nila. Inakala kong parte na ng paglaki ang pagpawisan kahit malamig ang binubugang hangin ng aircon sa aming silid-aralan sa tuwing mapapatingin sa akin ang mga kamag-aral ko at magbubulungan. Minsan gusto ko na lang takpan ang aking mga tainga sa tuwing lalabas sa kanilang bibig ang mga salitang “bakla”, “mahina”, o “lampa”. Inakala kong parte na ng paglaki ang pagtitiis na nakakubli sa aking bawat buntong hininga, hihintayin na lamang na tumunog ang school bell na isang hudyat ng pagtatapos ng klase. Ito ang naranasan kong diskriminasyon, isang salitang hindi ko pa alam na malalim pala ang kahulugan, at alam kong marami pang ibang nakararanas din nito. Sabi ng mga nakatatanda, tayo’y dapat matutong lumaban, ngunit paano lalaban kung nagtatangkang tumakas agad ang aking mga luha bago pa man ako makapagsalita? Kung may mga batang natutong itikom ang kanilang kamao, sinarado ko na lamang ang aking labi, dahil kahit man katukin ko nang ilang beses ang aking boses ay wala namang magbubukas ng pintuan.

Nadiskurbre ko ang isang bill na nagsasaad na ipinagbabawal nang ma-discriminate ang mga taong nasa espektro ng LGBTQ+ o lesbian, gay, bisexual, transgender, at queer. Ang bill na ito ay tinawag na House Bill Number 4982, mas kilala bilang “An Act Prohibiting Discrimination on the Basis of Sexual Orientation or Gender Identity or Expression (SOGIE)” o SOGIE Equality Bill. Kasalakuyan ay nakapasa ito sa huling paghuhukom sa kapulungan ng mga kinatawan. Dahil isa rin naman ako sa makikinabang dito kapag ginawa itong batas, minabuti kong hanapin ito online at pag-aralan. Maliban sa proteksyon laban sa diskriminasyon, nakasaad ding bawal puwersahin ang isang indibidwal na kumonsulta sa isang sikologo para baguhin umano ang kaniyang pagkakakilanlan sa kasarian o seksuwalidad. Magbubukas din ng police desks na tatanggap ng mga reklamo ng diskriminasyon mula sa LGBTQ+ community. Ipinagbabawal ding puwersahin ang indibidwal na ibunyag ang kaniyang seksuwalidad.

Ang SOGIE ay isang hakbang pasulong sa sistemang humahakbang na paurong

Nang malaman ko ito, tila may hiwagang bumalot sa puso ko dahil iniisip ko pa lang kung ilang mga buhay ang masasalba ng bill na ito, at noong inisip ko—siguro masasalba rin ako nito kung dati pa itong naisabatas. Alam kong hindi lamang ako ang nakatatanggap ng diskriminasyon. Hindi lang ako ang nakatatanggap ng kakaibang tingin mula sa mga tao sa tuwing gugustuhin kong maglaro ng manika kaysa sa kotse; datapwat marami rin sa atin ang naghintay para sa bill na ito dahil naranasan din nila ang aking mga naranasan noon.

Samantala, hindi rin lingid sa ating kaalamang ang Pilipinas ay isang katolikong bansa at malaking bagay pa rin para sa mga Pilipino ang pagbibigay respeto sa Simbahang Katoliko at sa bibliya. Noong inanunsyo ang SOGIE, marami ang natuwa, pero marami rin ang nagpahayag ng kanilang protesta, pagbabatikos, at pagsasabing isa itong sampal sa relihiyon. Gayunpaman, nabasa ko ang ibang artikulong nagsasaad ng pagkontra nito sa panukalang batas. Kahit na ang karamihan nito ay mga argumentong nagpapakita ng saradong kaisipan bunga sa mentalidad na naka-angkla pa rin sa relihiyon, kailangan ko pa rin itong ikonsidera dahil hindi naman laging isang perspektiba ang dapat na isasaalang-alang. Ayon kay Senador Jose Villanueva, ang pagkakaroon ng SOGIE ay mangangahulugan din ng pagkakaroon ng mga “espesyal na karapatan” sa mga LGBTQ+. Mawawalan umano ng pananagutan ang mga lumalabag sa batas na kasama sa LGBTQ+ dahil sila ay sakop ng SOGIE. Ngunit ang layunin ng bill na ito ay hindi para bigyan sila ng “free pass” upang makatakas sa mata ng batas, kundi ay pagtibayin pa ang kanilang karapatang pangtao dahil sa hindi makataong pakikitungong kanilang natatanggap mula sa lipunan. Nakapanlulumong isiping kailangan pa nito ng hiwalay na batas upang makita ang mali sa sistema—ang sistema na nakasanig pa rin sa tradisyonal na pamantayan.

Dati pa man, may ginawa nang panukalang batas na tinawag ay House Bill 267 o ang “Anti-Discrimination Bill (ADB) on the Basis of Sexual Orientation and Gender Identity” noong 2001 na ang layunin ay pareho lang din sa SOGIE: wakasan ang hindi pantay na pagtingin ng lipunan tungo sa LGBTQ+. Ngunit ang ADB, kagaya ng SOGIE, ay hindi nakatakas sa mga konserbatibong pananaw ng gobyerno at ng masa. Walang nararating ang usapin kaya nagiging istatik lamang ang gustong makitang progreso ng mga tao.

Marami ang nabibiktima ng diskriminasyon. Marami ang mga boses na hindi dinidinig at patuloy na isinasantabi—tatakpan ang mga tainga at hihintayin na lamang na mawala ang alingawngaw ng mga api.

Aminin man nati’t sa hindi, sarado pa rin ang kaisipan ng karamihan sa mga Pilipino patungkol sa komunidad ng LGBTQ+. Kaakibat nito ang kabagalan ng progreso ng SOGIE upang ito ay maisabatas. Maaaring malabo sa Pilipinas ang tunay na pagtanggap ng LGBTQ+ dahil ngayon pa lang tayo nagsisimulang mamulat tungkol sa mga bagay-bagay na bago sa atin. Ngunit sa tagal na pagkakakubli sa dilim ng mga LGBTQ+, mas umaalab lang ang aming adhikaing makakita ng pagbabago—tunay na pagbabago. Tama na ang pagtatakip ng tainga at pagsara ng mga talukap sa pang-aaping nangyayari sa LGBTQ+. Habang parami nang parami ang mga kaso ng diskriminasyon sa Pilipinas, nakakapagod at nakakasawa nang iasa ang lahat sa sistema ng kasalukuyang administrasyong sarado naman ang kaisipan. Kailangan nating maunawaang ang kahalagahan ng kaunlaran ng isang progresibong bansa ay hindi nakasanig sa kakayahan nitong sumunod sa nakasanayan, pero sa kakayahan nitong kilalanin at akapin nang buong-buo ang pagkakaiba ng mga tao. Datapwat marami pa ang dapat tatahakin upang tunay na matanggap ang LGBTQ+ sa Pilipinas, ang SOGIE ay isang hakbang pasulong sa sistemang humahakbang na paurong. Isa ring hakbang ito upang makita ang totoong kakayanan ng komunidad ng LGBTQ+ bilang isang malakas at matatag na sektor ng lipunan. Ngayon na ang tamang panahon na isabatas ang SOGIE dahil hindi lang natin wawakasin ang pagmamaltrato at pang-aapi sa mga LGBTQ+. Hindi lang ito magbibigay ng daan upang maging malaya sila na ihayag ang kanilang sarili na walang bahid ng takot o pagkahiya. Isa rin itong susi na magbubukas pa ng napakarami pang nakandadong diskurso na naghihintay lamang mabuksan.

Post a Comment