Kubling Kanlungan
Hindi maikakaila ninuman na ang Pilipinas ay isang kanlungang sagana sa likas na yaman. Pero kung susuriing mabuti, nakakubli sa nakahahalinang imahe nito ang bulok na sistemang gumagapos at nagpapahirap sa maraming mga Pilipino—gaya ng mga uring magsasaka sa iba’t-ibang panig ng bansa na sa kabila ng malaking pang-ekonomiyang ambag ay nanatili pa rin sa mababang antas ng hagdang panlipunan.
Mula noon hanggang ngayon, hindi na bago para sa mga magbubukid ang nakapanlulumong sistemang hacienda. Unti-unting sinisira ng pesteng kasakiman ng naghaharing uri ang mga lupaing agrikultural na isang tanawin sana ng magandang kinabukasan—hindi lang ng mga maralitang magbubukid kundi pati na rin ng lahat ng mamamayang Pilipino.
Kung kasaysayan lang din ng Pilipinas ang magiging batayan, bakas sa mga lupaing agrikultural ang kahambal-hambal na pangangamkam ng mga panginoong may lupa, karahasan laban sa mga magbubukid, at kawalan ng katarungan para sa mga magsasakang ipinaglalaban ang sariling mga lupa.
Ugat at Bunga
Lupaing agrikultural ang bansag sa ekta-ektaryang lupaing pinauunlad ng mga magsasaka at manggagawang bukid bilang sakahan o taniman ng iba’t ibang mga produktong makakain. Sa bansa, ang mga lupaing ito ay itinuturing na biyayang dapat paunlarin at gamitin sa kapakinabangan ng lahat. Isa sa malinaw na halimbawa nito ang 372-ektaryang bukirin sa Baranggay Langkaan I sa lungsod ng Dasmariñas dito sa Cavite na mas kilala bilang Lupang Ramos.
Ayon sa House Resolution No. 1370 na inihain ng ANAKPAWIS Partylist sa House of Representatives, nasa 300 pamilya ang sama-samang naninirahan at nagpapayabong sa malawak na lupaing ito. Dito ipinupunla ng mga magbubukid ang iba’t ibang uri ng makakaing pananim tulad ng palay, mais, balinghoy, tubo, at saging. Karaniwan na ang pag-aakalang tanging mga kalalakihan lang ang kumikilos sa bukirin, subalit hindi ang kolektibong kilusan ng mga magbubukid sa Lupang Ramos. Bukod sa kalalakihang magsasaka, kaisa sa pagpapaunlad ng lupain ang kababaihang magbubukid gaya ni Ka Miriam Villanueva.
Isa si Ka Miriam sa mga miyembro ng Katipunan ng mga Lehitimong Magsasaka at Mamamayan sa Lupang Ramos (KASAMA-LR) na demokratikong nakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa. Sa mga patotoo niya, magwawalong buwan na mula nang simulan nilang paunlarin ang binansagan nilang “bungkalan para sa tunay na reporma sa lupa.” Pero nito lamang nakaraang Pebrero, naranasan nilang umani ng iba’t ibang mga produktong makakain—isang mabunga at mayabong na pag-aaning sanhi ng kanilang pagsusulong at pagtatanggol para sa Lupang Ramos sa loob lamang ng maikling panahon.
Bungkalan at kanlungan
Ayon kay Ka Miriam, ang “bungkalan para sa tunay na reporma sa lupa” ay itinakda ng KASAMA-LR bilang adhikaing magbubukid na naglalayong itaguyod ang karapatan ng mga magsasaka. Ito rin ay tugon nila sa kampanya ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na buwagin ang monopolyo sa lupa at baklasin ang sistemang hacienda na maituturing na salot sa maraming panig ng bansa kabilang ang Dasmariñas. Bahagi rin ang KASAMA-LR sa Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK), isang militanteng kilusang binubuo ng mga uring magsasaka at manggagawang bukid na isinusulong ang kanilang makataong layunin at makabansang interes na mapayabong ang malalawak na lupaing agrikultural sa bansa upang mapakinabangan ng mga magsasaka at ng sambayanang Pilipino.
Noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano, tinawag ang lupang agrikultural na “Lupang Kano”, samantalang idineklara itong homestead para sa mga residente ng Dasmariñas noong panahon ng Commonwealth. Sa pagsiklab ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, mga pamilya ng kaingero ang nanirahan sa lupaing binansagan naman noon bilang kamaligan. Lumipas ang panahon at nakilala ang lugar bilang Barangay Langkaan I, isang lupaing agrikultural na walang maliw na pinauunlad ng mga magsasaka at ng kanilang pamilya hanggang sa kasalukuyan.
Kung pagmamatyagan ang kilos at galaw ng mga magbubukid ng Lupang Ramos, hindi maikakailang kakambal na ng kanilang pamumuhay ang lupang kanilang binubungkal—at kung bubunutin sila sa lupang ugat ng kanilang lahi at pagkatao, unti-unti silang matutuyo at mamamatay tulad ng kanilang mga ipinupunlang pananim. “Iyon ang pinanghahawakan namin na habang dinidinig ang kaso sa Department of Agrarian Reform, paunlarin namin ang lupaing agrikultural.” Hindi nagpaligoy-ligoy si Ka Miriam sa kaniyang paliwanag. “Kahit anong haba ng pag-iintay namin sa desisyon nila, umuunlad naman ang lupain—hindi natitiwangwang.”
Paghahawan at pag-aani
Ayon sa House Resolution No. 1370, taong 1965 nang unang naglagablab ang pakikibaka ng mga magbubukid sa pagdating ng nagpakilalang may-ari na si Emerito Ramos. Noon pa man, kinasanayan na ng mga naghaharing pamilya ang paglalagay ng kanilang mga pangalan sa lupaing pagmamay-ari nila—dito nakuha ang bansag na Lupang Ramos. Ayon sa dokumentong inihain ng ANAKPAWIS, isang katiwalang nagngangalang Paciano Gonzales ang inatasan ng pamilya upang magmatyag sa lupain kahit pa kolektibo na itong pinauunlad ng mga magbubukid na naninirahan sa lugar.
Bago pa man maisabatas ang Republic Act No. 6657 o Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) noong 1988, diumano’y kinakamkam na ng mga Ramos ang malaking lupaing agrikultural na nagresulta sa pagpapalayas ng mga magsasaka. Noong 1990, sinubukang patagin ng kampo ng mga Ramos ang lupain gamit ang isang bulldozer. Subalit napigilan ito ng hanay ng mga kababaihan sa pangunguna ni Damasa “Nanay Masang” Perez.
Nang sumunod na taon, nagpakita ng intimidasyon at pananakot ang kampo ng mga Ramos upang tuluyang palayasin ang mga magsasaka na siyang naghudyat upang magkaroon sila ng sariling kampo. Ayon kay Ka Miriam, nagpadala noon ang mga Ramos ng lokal na pulis na nagresulta sa pandadahas kay Nanay Masang. Sa kalagitnaan ng pakikipagtalastasan ni Nanay Masang, binuhat siya ng isang Major Carranza at inihagis sa araruhan. “Doon nagsimulang manghina ang matanda [Nanay Masang] na nabalian ng tadyang sa likod na naging sanhi ng kaniyang kamatayan,” sambit ni Ka Miriam.
Ikinuwento ni Ka Miriam na “ganoon na kahaba ang pakikibaka ng mga magsasaka dito sa Lupang Ramos.” Subalit sa kabila ng lahat ng karanasan ng mga magbubukid at mamamayan, nagpapasalamat pa rin sila dahil hindi sila nakasasaksi ng madugong karahasan. Mariin ring sinabi ni Ka Miriam na ang pagpapaunlad ng lupaing agrikultural ay alay ng bawat kasapi ng KASAMA-LR sa atin at sa mga henerasyong susunod pa sa atin. “Sa totoo lang, ang mga kabataan ang aming inspirasyon sa pagpapaunlad ng isang lupaing agrikultural,” aniya. “Kaming mga magulang ay papaalis na—kayong mga anak ang papadating. Kaya higit na nauunawaan niyo dapat ang kahalagahan ng isang lupaing agrikultural para sa seguridad ng pagkain sa hinaharap ng sambayanang Pilipino.”
Sa lahat ng hamong kalakip ng kanilang demokratikong pagkilos para sa tunay na repormang agraryo at paghiling sa estado ng mabubungkal na lupa, pinakamapait na marahil ang kakulangan ng pang-unawa ng mga taong dapat na kaisa nila sa kanilang pakikibaka—ang mga mamamayan ng Dasmariñas. Karaniwan na para sa mga tunay na magsasaka at manggagawang bukid ng Lupang Ramos ang mabansagang nang-iiskwat o nang-aagaw ng lupa. Subalit, ayon kay Ka Miriam, isa lang ang kanilang tugon, “hindi kami nang-aagaw ng lupa dahil binabawi lang namin ang karapatang pinagkait sa amin sa matagal na panahon.”
***
“Dito kami nakatira, dito kami lumaki, at malapit sa aming puso at sikmura ang ginagawa naming bungkalan.” Kung ang mga magsasaka, manggagawang bukid, at mamamayang kabataan at kababaihan ng Lupang Ramos ang kakapanayamin, mapupuno ng tunay at sariwang patotoo ang libo-libong pahinang maaaring malimbag—mula sa organisado nilang pamumuhay hanggang sa kolektibo nilang pakikibaka.
Kasabay ng pagsulong ng industriyalisasyon—sa kabila ng pagkakalikha ng matatayog na gusali at pagkakalatag ng malalawak na subdibisyon—sumusulong rin ang tumitindi at tumataas na antas ng pakikibaka ng mga manggagawang bukid: sila na ipinaglalaban hindi lamang ang demokratiko nilang kahilingan para sa mabubungkal na lupa kundi pati na rin ang ating kinabukasan bilang agrikultural na bansa.