Lason
Bilang estudyante, marami tayong naririnig mula sa ating mga magulang katulad nang, “O anak, dapat maging inhinyero ka ha? Ikaw na magtuloy nang pangarap ko noon” o kaya “ang babae, hindi dapat nagdadamit-lalaki.” Araw-araw, nararansan nating mga estudyante ang walang humpay na pag-asa o expectation mula sa mundong ating ginagalawan—sa paaralan, sa bahay o maging sa ating lipunan. Naging parte na ng pamumuhay ang habulin o tuparin ang mga bagay na inaasahan ng iba sa kanya na minsa’y nagiging dahilan ng pagsa-isang tabi ng mga bagay na gusto niyang gawin para sa sarili. Ang sapilitang pagtupad sa mga bagay na inaasa sayo ng iba ay parang pag-inom ng gamut kahit wala kang dinaramdam—pangit ang lasa at hindi nakatutulong sa iyong kapakanan. Ipipilit ng iba ang mga ideolohiya nila at ipapagawa sa iyo, na may paniniwalang mas alam nila ang nakakabuti.
May mga panahon sa buhay na napapaisip tayo kung alam ba natin kung ano ang nakabubuti para sa sarili natin. Madalas, nag-aalinlangan tayo na gawin ang mga bagay na una nating pinangarap sa takot na mabigo ang mga taong umaasa sa atin. Naaalala ko ang isang pangyayari noong ika-25 ng Oktubre ng nakaraang taon kung saan nagpakamatay ang isang babaeng estudyante sa isang paaralan sa Taft dulot ng nasabing pressure mula sa pag-aaral na naging dahilan ng kanyang pagpapakamatay.
Marahil may mga tao nang sanay sa mga pang araw-araw na pagsunod sa mga bagay na inaasahan ng iba, ngunit may mga tao rin na ipinipilit sa kanilang mga sarili ang mga bagay na iyon kahit pa maging dahilan ito ng inner conflict o sanhi ng depresyon.
Ang sapilitang pagtupad sa mga bagay na inaasa sayo ng iba ay parang pag-inom ng gamut kahit wala kang dinaramdam.
Setyembre ang naitalagang National Suicide Awareness Month at Oktubre ang naitalagang Mental Health Month, kung saan inaatasan ang bawat institusyon na palawakin ang kaalaman ng mga tao patungkol sa suicidal thoughts o depression. Sa mga paaralan, ipinapakalat ang posters at pamphlets kung saan makikita ang ilan sa mga impormasyon tungkol sa mga karamdamang pang-sikolohikal, kasama na rin ang mga numero na maaaring tawagan kung sakali mang may mga nangangailangan ng counselling. Ayon sa isang pananaliksik na isinulat ni Mark Anthony Mujer Quintos ng University of the Philippines Los Baños, isa sa sampung kabataang Pilipino na may edad labing-lima hanggang dalawampu’t pitong taong gulang ay nagbabalak na mag-suicide at isa sa dalawampu naman ng populasyong ito ang itinutuloy ang pagsu-suicide.
Gamit ang kaalamang ito, suriin natin ang mga bagay na nakakaapekto sa sikolohikal na kalusugan ng mga taong parte ng ating lipunan. Doon natin makikita na isa ang pressure sa nagtutulak sa isang tao patungo sa depresyon. Maraming kabataan ang nakararanas na agad ng depresyon sapagkat hindi nila marahil masabi sa ibang tao ang kanilang mga saloobin sa takot na mag iba ang tingin sa kanila, kaya naman nararapat lang na magkaroon ng pagkakataon ang isang tao na piliin kung ano ang tingin niya’y nararapat para sa kanyang sarili.
Nararapat lamang na magkaroon ng pagkakataon ang bawat isa na piliing linangin ang sarili niyang interes at hindi ng ibang tao. Sa paraang ito, ang mga pagkakamali ay hakbang lamang upang mas mapayabong ang abilidad, at ang mga tagumpay ay magsisilbing paalala na tama ang desisyong ipagpatuloy ang nasimulan.