Back

Magpahinga habang bùhay

Habang pinagsasabay kong tapusin ang worksheets ko sa Genetics, reaction paper sa Environmental Ethics, at mga deadline ko sa iba’t ibang supplements sa Heraldo Filipino (HF), sumabay din ang inaabangan kong Convention for the Arts at Art Fair 2017 sa darating na weekend ng mga panahong iyon. Pinili ko na lang hindi pumunta dahil bukod sa tinatapos ko ang tambak na gawain ko, sa susunod na linggo n’on ay prelim exam week na. Bigla akong ni-chat ng isa kong kaibigan at kapwa Biology student at hiningi ang aking limang minuto at sinabi niya sakin na naiinis at nagseselos siya sa mga kakilala niya dahil hindi siya makapunta sa mga art events dahil sa kailangan naming magaral. At habang kami’y nag-uusap, tumatak sa isip ko isa sa mga rant niya sakin, “I hate it when we have to choose between acads and other things we love.”

Sa tagal ko dito sa DLSU-D, marami akong nakilalang mga taong hindi kaya ipagpalit ang acads sa mga gusto nila talagang gawin tulad ng mag-bonding kasama mga tropa at pamilya, at higit sa lahat ang inaasam na tulog ng bawat estudyante. ‘Yong iba nga diyan, hindi lang tulog pero lahat kaya isugal para makakuha ang mataas na marka. Aminin natin na sobrang sarap kaya matulog pero nagkakaroon tayo ng internal struggle kung ano ba dapat ang unahin. Alam mo ‘yong feeling na pinapapili ka sa mga bagay na pareho mong pinapahalagahan.

Sabi ng iba na kaya siguro inuuna natin ang pag-aaral kaysa mag-pahinga, ‘pag bio student ka dahil we try so hard to be the best doctor we can be so we can avoid failing saving someone else life like our future patients. Tama nga naman kung tutuusin, ngunit sa prosesong ito, nababaon ‘yong layuning makaligtas at minsan ay nalalamon tayo ng ating ideya na dapat makakuha ka ng mataas na marka. Hindi ba’t napakalaking biro n’on? Halos magpakamatay na ang mga bio students para lang matutunan paano sumagip ng buhay.

Ayon sa isang research na pinamagatang “Depression in Premedical Undergraduates: A Cross-Sectional Survey,” natugunan ng bio students ang screening criteria na nagpapahiwatig ng presensya ng major depressive disorder at pag-eksibit ng mas malubhang depression kaysa sa mga kumukuha ng non-premedical na kurso. Itong pag-aaral na ito ay nagpapakita na sobra talagang strenuous ang premedical curriculum pero hindi ibig sabihin nito dapat magpapalunod ka sa stress at pressure. Kung tinuturo sa ating pinag-aaralang medical books na minsan ang ibang sakit ay kailangan lang ng pahinga para malunasan, dapat gano’n din ang i-apply natin sa ating sarili. Magpahinga ka lang kahit saglit kung ayaw mo magpahinga habang buhay.

Hindi lang ito para sa mga premed students pero para narin sa iba pang estudyante na nagkakandarapa sa pagaaral at lalong lalo na hindi rin lang ito para sa mga estudyante pero para narin ito sa mga nagpapagod magtrabaho. Parang kailan lang sumikat mga post sa Facebook tungkol sa mga doktor na natutulog habang nasa trabaho. Hindi talaga biro magtrabaho dire-direstong 36 hours at higit pa dun. Tunay na mahirap ipagsabay ang work, acads, at lakad-s tapos isisingit mo ‘yong oras na magpahinga ka. Tamang balanse lang dapat at ‘wag mo abusuhin ang katawan mo dahil sa huli, masasayang din ang lahat kung bubuwelta ‘yong pagod mo sa’yo.

Post a Comment