Omega
“Mas marami kang kailangang harapin na sarili lang ang iyong maaasahan.”
“Hindi ka na pa-bata, ikaw na ang uukit ng sarili mong kinabukasan.”
Ang wikang ito ang tumatak sa akin sa mga pag-uusap namin ng aking mga magulang—mga paalalang simple pero malaki ang epekto sa paghubog sa aking sarili lalo na sa pagtayo sa sariling mga paa bilang pag-alalay sa aking nalalapit na pagtatapos.
Hindi naman lingid sa kaalaman nating mga kabataan na sa kolehiyo natin natututunan ang iba’t ibang klase ng pakikisalamuha sa kapwa at mga karanasang may samu’t saring resulta. Dagdag pa rito, masusukat din ang ating intelektwal na pagkilatis sa mga bagay lalo na’t sa panahong ito’y may laya na tayong gawin ang ating naisin.
Bilang huling artikulong isusulat ko, ang paksang ito ay may malaking parte sa paglingan ko sa sarili na may malaking ambag ang publikasyong aking kinabibilangan—ang The HERALDO FILIPINO (HF). Maraming napaisip kung bakit ang layo ng organisasyong sinalihan ko sa kurong inhenyero, ngunit masasabi kong dito ko nakita ang sarili kong kasiyahan at kagaanang tiyak kong matutulungan ako’t may maiaambag ako.
Sa loob ng higit tatlong taon kong pamamalagi sa HF at sa dalawang taon ko bilang namumuno sa operations department marami akong nakilala at mga karanasan na masasabi kong tumulong sa akin upang mas makilala ko ang sarili at kapasidad sa pagiging responsableng indibidwal, lalo na sa pagtantya ng aking oras para sa mga gawain bilang isang estudyanteng manunulat sa ating unibersidad. Bukod dito, nakasanayan ko rin makipagtalastasan sa propesyonal na pamamaraan at magdesisyon hindi lang para sa sarili kundi para sa grupo at mas nakararaming maaapektuhan. Gayunpaman, ang pananatili rito ay permanente lamang na hahantong rin sa katapusan. Tulad ng katayuan ko bilang mag-aaral sa prestihiyosong Unibersidad na De La Salle – Dasmariñas, matatapos rin ang aking buhay-estudyante at magsisimula naman sa isang panibagong yugto na kung saan lahat ng nalingap kong karunungan ay akin naming isasabuhay sa mas malawak at mapusok na mundo ng propesyong aking tinapusan.
Hindi man tayo pare-pareho ng mga estado sa pagiging mag-aaral at bilang kabataan, Iba-iba man ang ating mga ninais at piniling pamantayan sa pagpasok sa kolehiyo at grupo na nakabase sa ating hilig at talent, natitiyak kong ang mga pangyayaring kinaharap ng bawat isa ay gumising sa atin upang matuto at paghandaan na bigyang pansin ang mga panibagong yugto sa ating buhay.
Maganda at masaya ang pagiging kabataan pero tulad ng aking naturan,
Ang lahat ay natatapos na siyang hudyat ng panibagong simula
sa landas tungo sa tinatawag na “adulthood”. Ang mga taong umalalay, sumama, at gumabay buhat sa ating pagkabata, pati na rin ang mga ekspiryensyang napagdaanan ay magiging parte na lamang ng nakaraan na tila isang mayang hinahayaan ang kanyang inakay upang matutong lumipad sa sariling pamamaraan. Sa madaling sabi, talagang dadating ang panahong tayo na lamang ang aakay sa ating sarili at magbabalik-tanaw na lamang tayo sa panahong nakalipas na siya namang magiging gabay para sa kasalukuyan at panghinaharap nating pinapananaw.
Nakakalungkot man isipin ngunit nakakagalak na rin na ang kinakasabikang pagtatapos ay tunay na nalalapit na. Ang mga pinaghirapan upang maipasa ang akademikong antas, ang mga luha at tuwa sa mga pangyayari sa publikasyong aking kinabilangan, at mga pangaral na palaging pinapaalala ng ating mga magulang at mga nakakatanda ay masasabi kong malaking ambag na gumulang sa atin na sana’y humubog para maging maayos, responsible, at patas sa mga makakasalamuha, dagdag na rin ang pagiging mapanuri sa mga bagay at pangyayaring mararanasan sa mga susunod na panahong kakaharapin.