Paglaban para sa lupa, tuloy sa ika-7 anibersaryo ng Lupang Ramos
DASMARIÑAS, Cavite—Sa kabila ng mga hamon, patuloy ang paglaban ng mga magsasaka ng Lupang Ramos para sa kanilang karapatan sa lupa sa paggunita ng ikapitong anibersaryo magmula noong itinatag ang samahang Katipunan ng mga Lehitimong Magsasaka at Mamamayan sa Lupang Ramos (KASAMA-LR), sa pamamagitan ng pagsasagawa ng “bungkalan” noong Setyembre 22.
Bungkalan bilang simbolo ng laban para sa karapatan
Ibinahagi ni Jeverlyn “Ada” Seguin—isa sa mga miyembro ng KASAMA-Timog Katagalugan (KASAMA-TK)—sa isang panayam na simbolo ang bungkalan ng pagkakaisa ng mga magsasaka upang mabawi ang kanilang lupa mula sa mga pamilyang Ramos, Barzaga, at Ayala na umaangkin dito.
“Ang bungkalan ay isang protesta; ito ay isang picket protesta na naging komunidad dahil doon sa sama-samang pagpapaunlad ng lupa at pagkakaisa ng mga mamamayan,” ani niya.
Dagdag pa ni Seguin, ipinagdiriwang ng mga residente ang nasabing anibersaryo nang may kasamang kantahan, kuwentuhan, at kasiyahan sa kabila ng kaguluhan dulot ng matagal nang hidwaan ukol sa reklamasyon sa nasabing lupain.
May bahagi rin ng programa kung saan sama-samang hinuhukay ng mga residente at magsasaka ang lupa upang alisin ang mga talahib at ihanda ito para sa pagtatanim bilang tradisyon ng “bungkalan.”
Kaakibat ng pagsisimula ng kilusang KASAMA-LR noong 2017 ang pagsasagawa ng “bungkalan” bilang bahagi ng pambansang kampanya ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) laban sa mga hacienda—na may layong ipakita ang kanilang pagsuporta sa mas malawak na laban ng mga magsasaka, at ipaglaban ang kanilang interes kontra sa pang-aabuso ng mga awtoridad.
Ayon naman kay KASAMA-LR Secretary General Miriam Villanueva, ang Lupang Ramos, may lawak na 372 ektarya, ay matagal nang sentro ng alitan sa pagitan ng mga residente at mga awtoridad. Tatlong dekada na ring nakatambak sa korte ang land dispute na ito mula noong unang ihain ng mga magsasaka.
Pagdumog at panggigipit ng mga awtoridad
Ibinahagi rin ni Seguin na sapilitan pa ring pinapasok ng mga awtoridad ang lupain. Kamakailan lang, ginamit ang ‘di umanong banta ng African swine fever bilang rason upang pasukin at suriin ang lugar.
“Isang taktik nila ito upang bantayan at takutin ang mga magsasaka upang sila ay mapaalis sa kanilang komunidad,” saad ni Jeverlyn.
Nitong Setyembre 9 lang din ay ginamit ng mga awtoridad na dahilan ang election gun ban kahit na sa Enero ng 2025 pa ito magsisimulang ipatupad upang makapagtayo ng checkpoint sa Lupang Ramos. Isang insidente pa ng panggigipit ay ang sapilitang pagsalakay ng mahigit-kumulang 50 kapulisan, mga sundalo mula sa Task Force Ugnay, at mga bumbero sa LR dahil “fire hazard” umano ang lugar kung saan nakatayo ang komunidad, ayon sa ulat ng Defend Cavite.
Inilahad ng mga residente na nais ng mga awtoridad, lalo na ng LGU ng Dasmariñas, na magsagawa ng inspeksyon sa lugar. Gayunpaman, hindi raw angkop ang kanilang pamamaraan dahil mas marami ang mga armadong tauhan kaysa sa mga propesyonal na mag-iinspeksyon.
“Kaya, malinaw ang tunay na layunin ng LGU Dasmariñas at ng mga kasabwat nitong ahensya–i-militarisa ang sakahan ng Lupang Ramos upang supilin ang laban ng komunidad para sa lupa, trabaho, at panirikan!” saad ng Defend Cavite sa isang ulat ukol sa nasabing pagsalakay ng mga awtoridad.
Tunay na kalagayan ng Lupang Ramos
Ayon kay Villanueva, nakararanas ang mga residente ng red-tagging, harassment, intimidasyon, at militarisasyon na naglalayong mapadali ang pagpapaalis ng mga residente sa kanilang komunidad. Ito ang kanilang karanasan sa gitna ng planong pagpapatayo ng kampo militar sa loob ng LR.
Nais ng mga magsasaka na iparating sa publiko ang kanilang sitwasyon at bigyang-linaw ang mga pangyayari sa LR.
Dagdag pa ni Villanueva, ang mga aksyon na kanilang isasagawa sa mga darating na araw ay ipagpatuloy ang mga programa para sa pagpapaunlad ng lupa, at ituloy ang pagharap sa mga tamang ahensya para pag-usapan ang legal na proseso tungkol sa lupain.
Samantala, nanawagan sa kabataan si Elay Nicarte, Secretary General ng Anakbayan – Lupang Ramos, na huwag mawalan ng pag-asa sa kabila ng mga hirap at pasakit na nararanasan ng bawat sektor.
***
Patuloy ang pakikipagsapalaran ng mga magsasaka at mamamayan ng Lupang Ramos para sa kanilang karapatan at lupa, sa kabila ng tumitinding panggigipit mula sa mga makapangyarihang indibidwal at kapulisan.
Sa kasalukuyan, patuloy na nakararanas ang komunidad ng harassment mula sa mga pamahalaang lokal.