Back

Pamatnugot

“If we were given the chance to serve the Lasallian community, we assure you that we’ll do our best to provide quality service…”

Sa tuwing sasapit ang kampanya, kabilaan ang mga kandidatong nanunumpa ng kanilang mga plataporma upang maluklok sa pwesto. Mabigat kung tutuusin ang inaasahan sa bawat leader, subalit hindi natin maiaalis ang paghihintay sa katuparan ng kanilang mga sinumpaan Iba-iba man ang paraan sa pagtupad ng hangarin at serbisyo, hindi naman nawawala ang pagprenda ng pagbabago.

Ngunit tunay bang nararamdaman natin ang kanilang pagkilos sa pagtupad ng “tunay” na pagbabago? Nasaan ang pinangakong paglilingkod sa mga Lasalyanong ilang pinuno na ang dumaan ngunit tila hindi pa rin natin nararamdaman?

***

Bilang kabataan, tayo’y may mga bagong ideya upang maglunsad ng mga programa at pakiakiisa sa mga tamang adbokasiyang lilinang sa samabayanan.

 Nasaan ang kanilang boses bilang namumunong grupo

Sa ating pamantasan, maraming estudyante ang aktibo sa pagsali sa mga organisasyon; patunay lamang na hindi totoo ang kaisipang ang mga millennial ay passive sa pakikiisa sa komunidad. Ngunit sa kabilang dako, hindi lamang ito ang basehan sapagkat sa kabila ng pakikilahok, hindi pa rin buo ang ating loob sa pagtugon sa mga importanteng usapin—na sana’y pangunahing impluwensya ng mga student leader na posibleng maging lingkod sa bukas ng ating bansa.

Sa nakalipas na mga taon, ups-and-downs ang ating naranasan sa mga lider na dumaan. Hangad mang serbisyo’y “estudyante muna” ngunit sa ating karanasan, tila hindi natin sila nararamdaman. Ang inaasahang councils na tinig at kinatawan ng estudyante sa mga isyung pampaaralan, tila nauwi sa pagiging event organizers sa kabilaang pa-party at pa-concert sa bawat semestre. Hindi sa pagtutol sa kasiyahang inorganisa ngunit nasaan ang leadership sa mga programang ito? Bilang isang estudyante, hindi natin maiaalis ang paghahanap ng saglitang kasiyahan sa gitna ng kapaguran sa pag-aaral, ngunit ang pagtugon sa kakulangan ng mga mag-aaral ang wari ko’y mas mabisang paraan upang matulungan ang bawat isa sa paghihirap na nararanasan. Isa pang pumukaw ng aking atensyon ay ang pananahimik sa usaping dawit ang sektor na ating kinabibilangan. Maraming isyu na ang dumaan ngunit bakit ni isang pahayag ay walang naiharap? Sa mga nasabing senaryo, nasaan ang kanilang boses bilang namumunong grupo? Sana’y ‘di pa nawawaglit sa kanilang isipan ang adhikaing maglunsad ng isang mabuting pagbabago at maging kinatawan ng bawat estudyanteng Lasalyano.

***

Ika nga ni Pastor John Maxwell, “A leader is one who knows the way, goes the way, and shows the way.” Ang bawat student leader ay hindi lamang nasa posisyon kundi may isang mabisang pag-aksyon. Sa mga naturan ko, batid kong wala talagang perpektong pinuno. Ngunit sa bagong mga pinunong naatasan, bagong imahe at bagong pangarap ang hinihintay mula sa mga pamatnugot—gayundin sa lahat ng Lasalyano, tayo’y may sarili at kaniya-kaniyang hangarin na ‘pag nagsama-sama’y magiging nagkakaisang grupong kumikilos para sa “tunay” na pagbabago.

Post a Comment