Back

Pulang marka

Bukod sa ma-fall sa taong hindi ka naman gusto, ang ma-fall (bumagsak) sa isang subject (lalo na kung major subject) ay ang isa sa pinakamasakit na pangyayari na puwede mong maranasan sa iyong buhay kolehiyo. Pero hindi ka masasaktan kung hindi ka nagpakita ng effort na matuto o sa kabilang banda—kapag walang effort ang pagtuturo ng propesor. Hindi naman sa kailangan nating sisihin ang ating propesor sa bagsak na marka, pero may ilang pagkakataon lang din akong napansin na hindi naman karapat-dapat na bumagsak dahil minsan hindi rin karapat-dapat ang paraan ng pagtuturo nila.

Sa mga panahong sinusulat ko ito, kasabay ang aking pagluluksa dahil sa nakuha kong marka sa prelim na mas mababa pa sa peso value ni Sergio Osmeña. Napawi nang kaunti ang aking lungkot dahil nalaman kong hindi ako nag-iisa sapagkat karamihan (higit sa 80 porsiyento) sa aming klase ay nakakuha ng bagsak na marka. Inaasahan ko na ito dahil mayroon din akong ilang pagkukulang dahil nilimitahan ko ang ang aking sarili sa pagbabasa ng binibigay na powerpoint lectures ng aking propesor imbes na magbasa ng ilang libro patungkol sa subject. Ngunit sa kabilang banda, maaaring nagkulang din ang mga propesor dahil trabaho nilang maituro nang maayos ang mga lesson upang lubos na maintindihan ng mga estudyante ang kanilang pinag-aaralan. Siguro hobby din ng ilang propesor ang pagmarka ng ekis ng mga papel na ginamit ng estudyante sa pagsusulit dahil nagbibigay saya sa kanila kapag karamihan sa mga estudyante ay hindi natuto.

“Hindi ko sinasabi na mali lahat ng propesor dahil pati ang mga estudyante ay may mga pagkakamali rin.”

Hindi ko maintindihan kung bakit ganito ang konsepto ng ilang guro dahil ayon sa isang Canadian English Professor na si Ken Eckert, hindi maganda sa pakiramdam ng isang guro na maraming estudyante ang bumabagsak sa isang klase. Idinagdag pa ni Eckert na kapag seryoso talaga ang mga estudyante sa pag-aaral pero halos lahat ay bumagsak pa rin, nagsisimula na siyang mag-isip kung mayroon bang mali sa kanyang teaching strategy. Pero sa aking mga karanasan, sa tuwing napapansin na ng ilang propesor na marami ang bumabagsak sa kanyang klase, wala pa ring pagbabago sa pamamaraan na kanilang pagtuturo.

Sa apat na taong kong pag-aaral sa kolehiyo, isa sa napansin kong hindi nag-i-improve na estilo ng ilang propesor sa pagtuturo ay ang kanilang pagiging malupit tuwing pagsusulit. Kumbaga, 1+1 sa lecture, tapos 2 x 2 sa quiz, tapos find the value of x when y = z tuwing exam. Oo, dapat ituro lamang ng propesor ang framework ng problem solving at estudyante na dapat ang mag-explore ng ibang problems upang mas malinang ang kanilang pagkatuto; ngunit minsan dumadating sa punto na hindi naman naturo sa klase ang mga lumabas sa exam kaya ang mga nasayang na oras sa pag-aaral ay napupunta lamang sa pagnganga at pagtulala sa oras ng pagsusulit.

Hindi madali ang buhay sa kolehiyo dahil hindi na ito parang elementary o high school kung saan tutulungan ka ng nanay mo na sagutan ang mga homework mo. Nasa kolehiyo na tayo dahil hinahanda na natin ang sarili natin sa tinatawag nilang “real world,” pero tila hindi naman real ang matutunan sa world ng ilang propesor na hindi makatarungang estilo ng pagtuturo.

***

Para sa akin, walang tinatawag na “good professors” at “good students,” ngunit mayroong tinatawag na “good education.” Hindi ko sinasabi na mali lahat ng propesor dahil pati ang mga estudyante ay may mga pagkakamali rin. Sabi nga ng isa kong kakalaseng nakatanggap ng pulang marka mula sa isang propesor, wala raw siyang sama ng loob sa pagbagsak kasi siya ang nagkulang at hindi ang maayos na pagtuturo ng propesor niya. Sa likod ng mga pulang marka, maaaring nagkulang ang mga propesor sa pagtuturo; ngunit kung iisipin, maaaring nagkulang din tayo bilang estudyante.

Post a Comment